top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 14, 2023


ree

Nagtala ng makapigil-hiningang 2-1 tagumpay ang Philippine Men’s Football National Team laban sa bisitang Afghanistan, 2-1, sa kanilang FIFA Friendly Martes ng gabi sa Rizal Memorial Stadium. Mga goal mula kay Sebastian Rasmussen at Christian Rontini ang susi upang manalo muli ang Azkals sa kanilang tahanan.


Kontrolado ng Azkals ang first half subalit hindi nila mahanap ang goal at nagtapos ito sa 0-0. Napatahamik ang 2,157 tagahanga nang ipinasok ng reserbang si Omid Poplazay ang goal ng Afghanistan sa ika-64 minuto.


Bago ang goal, ipinasok ni Rasmussen sa ika-55 minuto at wala pang 20 minuto ng aksiyon ay nakuha niya ang bola at mag-isa niyang tinakbo ito mula sa gitna.


Sinalubong siya ng depensa ngunit inararo lang niya ito at sinipa ang bola gamit ang kaliwang paa para itabla sa 1-1 ang umiinit na laro sa ika-74 minuto.


Biglang ginanahan ang Azkals at inihatid ni Rontini ang tuluyang nagpapanalong goal sa ika-81 minuto. Galing sa eksaktong pasa, tumalon si Rontini at inulo ang bola na tumalbog ng isang beses sa harap ni goalkeeper Faisal Ahmad Hamidi bago ito pumasok.


Nagdagdag ng 5 minuto sa orasan at kumapit ng todo ang Azkals. Nakatikim na rin ng kanyang unang panalo si goalkeeper Neil Etheridge ngayong taon matapos dumaan sa isang tabla at tatlong talo.


Dadalhin na ng Azkals ang bagong bangis sa susunod nilang mga Friendly sa Oktubre.


Ginagamit nila ito para sa kanilang paghahanda para sa 2026 FIFA World Cup Qualifiers na magbubukas sa Nobyembre laban sa Iraq, Vietnam at sa magwawagi sa playoff ng Brunei at Indonesia.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 13, 2023



ree

Mga laro ngayong Miyerkules – Fuerte Sports Complex, Pili

5 p.m. Biñan vs. Kapampangan

7 p.m. Taguig vs. Cam Sur


Bubuhayin ng host Cam Sur Express ang pag-asa para sa unang kampeonato sa Game 2 ng best-of-three semifinals laban sa bisitang Taguig Generals para sa 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup sa Fuerte Sports Complex sa Pili, Camarines Sur ngayong araw simula 7 p.m. Pareho rin ang layunin ng Tatak GEL Biñan at sisikaping itabla ang serye nila kontra KBA Luid Kapampangan sa unang laro ng 5 p.m.


Nakauna ang 2022 Chairman's Cup kampeon Generals sa Express, 83-60, noong Setyembre 8 sa Cong. Jun Duenas Gym sa Signal Village. Hinirang na Best Player si Fidel Castro na pumukol ng apat na three-points sa first half kung saan lumayo agad ang Generals, 50-28.


Ang maglaro sa sariling tahanan ay tiyak makakatulong kay Verman Magpantay, Joshua Ayo at Arnaldo Magalong na mahanap ang kanilang shooting na nawala sa gitna ng mahigpit na depensa ng Taguig. Tanging si Fredson Hermonio ang nagtala ng 10 puntos, lahat sa first half.


Muling naging dikitan ang tapatan ng Biñan at Kapampangan na umabot sa patibayan sa free throw sa huling minuto hanggang maitakas ng Luid ang 91-88 tagumpay.


Bumanat ng 10 ng kanyang kabuuang 28 puntos si Marc Jhasper Manalang sa 4th quarter at sumunod ang numero uno sa puntusan ng NBL Lhancer Khan na may 22.


Humugot ng mahusay na laro ang Tatak Gel kay Danny Diocampo na may 25 puntos at Allan Bernard Papa na may 20 puntos at 14 rebound. Nalimitahan sa 9 na puntos lang si Alexander Villacorta at mahalaga na gumana ang kanyang opensa kung nais ng Biñan na maglaro ng Game 3. Kung kakailanganin, ihahayag agad ng liga ang petsa, oras at lugar ng Game 3. Ang serye para sa kampeonato ay best-of-five.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 12, 2023



ree

Laro ngayong Martes – Rizal Memorial Stadium

7 p.m. Afghanistan vs. Pilipinas


Umaasa ang Philippine Men’s Football National Team na ang paglaro sa sariling tahanan ang magiging susi upang makapulot ng tagumpay sa kanilang FIFA Friendly ngayong Martes laban sa bisitang Afghanistan sa Rizal Memorial Stadium simula 7 p.m. Galing ang Azkals sa 1-1 tabla kontra Chinese-Taipei noong Sabado sa Kaohsiung at magsisilbi itong pampagana nila ngayon.


Sa gitna ng maulan na panahon, ipinasok ni Patrick Reichelt ang unang goal galing sa magandang pasa ni Mike Ott sa ika-18 minuto. Kahit lumamang ng maaga, patuloy pa rin ang atake ng Azkals para matamasa ang pangalawang goal subalit may ibang nangyari.


Patapos na ang laban at biglang pinalabas ang reserbang si Kike Linares sa ika-88 minuto dahil sa labis na malakas na foul at napilitang maglaro ng kulang ng isa ang mga Pinoy. Dahil dito, nasingit ng Taiwan ang panablang goal galing kay reserba Pai Shao Yu sa ika-94 minuto laban sa depensa ni goalkeeper Neil Etheridge.


Ang Rizal Memorial ang lugar ng nag-iisang panalo ng Azkals ngayong 2023, 1-0 sa Nepal noong Hunyo 15 sa likod ng goal ni Jarvey Gayoso at goalkeeper Patrick Deyto.


Sinundan ito ng mainitang 3-2 panalo ng mga Taiwanese noong Hunyo 19 na naging daan para itakda ang kanilang pagkikitang muli.


Galing ang Afghanistan sa magkasunod na 0-0 at 1-1 tabla kontra Bangladesh noong Setyembre 3 at 7. Ilan sa mga dapat abangan ang mga beteranong sina forward Amredin Sharifi at midfielder Farshad Noor.


Isang beses pa lang naghaharap ang Pilipinas at Afghanistan at ito ay nagtapos sa 0-0 tabla sa group stage ng 2014 AFC Challenge Cup sa Maldives. Bahagi na ng pambansang koponan noon sina Etheridge, Deyto at Reichelt.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page