top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 18, 2023


ree

May bagong koponan na magpapakilala sa katauhan ng Lubao MCFASolver sa kanilang pagsabak sa 2023 FIBA3x3 World Tour Cebu Masters ngayong Setyembre 23 at 24 sa SM Seaside City. Binubuo ito ng mga banyagang sina Jose Blazquez, Stanko Kujundzic at Mike Harry Nzeusseu at nag-iisang Filipino Terence Tumalip.


Nakamit ng Lubao ang karapatan na maglaro sa Cebu sa bisa ng kampeonato sa Chooks To Go Pilipinas 3x3 2023 Quest 3.0 noong Agosto 19 sa Solenad sa Santa Rosa City. Kilala noon bilang Quezon City Wilcon, winalis nila ang limang laro para makamit ang nag-iisang tiket.


Tanging sina Blazquez, isang Kastila na ika-258 sa FIBA3x3 Player Ranking at Tumalip ang babalik. Ang kanilang dalawang kakamping sina Keith Datu at Yutien Andrada ay nakalista na sa isa pang koponang Pinoy sa World Tour na Pasig TNT Triple GIGA.


Hindi biro ang kanilang mga kapalit at ang 6’4” na si Kujundzic ang numero unong player ng Croatia at ika-222 sa buong mundo. Kahit si Nzeusseu ang numero uno ng Cameroon at ika-283, matagal na siyang naninirahan sa Pilipinas at beterano ng unang Cebu Masters noong nakaraang taon kung saan naging bahagi siya ng host team Cebu Chooks.


Ang Lubao ay ang ika-12 koponan sa 14 kasali ayon sa FIBA 3x3 Ranking na may kabuuang 273,023 puntos. Malayo ito sa karamihan ng mga paborito na may higit isang milyong puntos bawat isa subalit lalaban pa rin sila kahit kailanganin nilang dumaan sa qualifier.


Simula pa lang ito at pagkatapos ng Cebu ay naimbitahang lumahok ang koponan sa USA Basketball Colorado Challenger sa Amerika sa Oktubre 7 at 8. Nakataya roon ang tatlong tiket para sa Abu Dhabi Masters sa Oktubre 28 at 29 sa United Arab Emirates.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 17, 2023


ree

Laro ngayong Linggo - Colegio de Sebastian

6:30 p.m. Kapampangan vs. Binan


Pasok na ang Taguig Generals sa finals ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup matapos manaig sa Cam Sur Express, 90-83, noong Miyerkules sa Fuerte Sports Complex sa Pili, Camarines Sur. Winalis ng Generals ang seryeng best-of-three at hihintayin ang mananalo sa Game Three ngayong Linggo sa pagitan ng KBA Luid Kapampangan at Tatak GEL Binan sa Colegio de Sebastian Gym sa San Fernando City simula 6:30 ng gabi.


Hawak ng Taguig ang 72-54 lamang bago magwakas ang third quarter subalit nakahabol ang Cam Sur sa last two minutes, 82-84. Pinalamig ni Best Player Mike Jefferson Sampurna ang Express sa dalawang mahalagang buslo upang makahinga ang Generals papasok sa huling minuto, 88-83.

Nagtapos si Sampurna na may 22 puntos. Sumuporta sina Dan Anthony Natividad na may 14 at Fidel Castro na may 13 puntos. Naipilit ng Tatak GEL ang Game Three matapos magwagi sa Luid sa naunang laro, 99-94. Ipinasok ni Best Player at Binan kapitan Angelo Rosale ang dalawang paniguradong free throw na may 11 segundo sa orasan sa gitna ng huling banta ng Kapampangan.


Gumagawa ng 3.6 puntos lang bawat laro, pumukol ng anim na three-points si Rosale patungo sa 25 puntos. Third quarter pa lang ay double-double na si Vinny Begaso at nagtapos na may 17 puntos at 14 rebound habang ipinasok ni Allan Bernard Papa ang 11 ng kanyang 14 puntos sa huling quarter.


Nakuha ng Luid ang Game One, 91-88, noong Setyembre 8 sa Cong. Jun Duenas Gym sa Taguig City. Asahan na magiging gitgitan muli ang Game Three na ika-limang tapatan ng Binan at Kapampangan ngayong torneo.

 
 

ni MC / VA @Sports | September 14, 2023


ree

Kahit wala sa listahan ang pangalan nina PBA forwards Calvin Abueva at Jason Perkins na isinumite ng Philippine Olympic Committee (POC) noong Hulyo sa Organizing Committe ng Asian Games sa Hangzhou, China ay kumpiyansa at tiwala si Gilas Pilipinas coach Tim Cone na mapapayagan na ang mga ito bilang kapalit ng mga injured na sina Jamie Malonzo at Brandon Ganuelas-Rosser.


Nasa shaded lane para sa depensa sina 6-foot-10 naturalized center Ange Kouame, six-time PBA MVP June Mar Fajardo at 6’8 Moala Tautuaa.


ree

Nasa backcourt sina naturalized guard Justin Brownlee, Scottie Thompson, Terrence Romeo, RR Pogoy, Chris Newsome at Calvin Oftana habang nasa corner sina Abueva, Perkins at Japeth Aguilar. “We got a good balance of size, quickness on the three and four and we got good guards and I got good shooters,” ayon kay two-time PBA Grand Slam champion coach na si Cone.


Itutuloy ng Gilas team ang ensayo sa Philsports hanggang Biyernes at lilipat sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna hanggang Setyembre 21.


Unang makakasagupa ng Gilas Pilipinas sa Hangzhou ng Bahrain sa Setyembre 26 kasunod ang Thailand sa Set. 28 at ang Jordan sa Set. 30.


Samantala, inanunsiyo noong Lunes ng International Basketball Federation (FIBA) ang 19 na mga bansang kasama sa makikipagsapalaran para sa nalalabi pang apat na spots sa 2024 Paris Olympic Games.

Base sa listahan na inilabas ng FIBA, ang mga bansang sasabak kasama ng mga Pre-Olympic Qualifying Tournament winners Bahamas, Bahrain, Cameroon, Croatia at Poland sa darating na OQT na idaraos sa Hulyo 2 -7, 2024 ay ang 24th placer Philippines, 23rd-placer Lebanon at 22nd-placer New Zealand para sa Asia-Oceania region.


Samantala, nakatakdang ihayag ng FIBA sa mga susunod na araw kung sino ang magiging hosts ng OQT sa Hulyo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page