top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 20, 2023


ree

Laro ngayong Miyerkules – Hanoi, Vietnam

5:00 p.m. Australia vs. Pilipinas


Nakasalalay ang patuloy na pag-usbong ng Women’s Football sa paglahok ngayong Miyerkules ng Pilipinas sa Round 2 ng 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup qualifiers sa Vietnam Youth Football Training Center sa Hanoi.


Unang haharapin ng Filipinas sa Grupo B ang Australia at agad masusubukan ang kanilang kakayahan sa gabay ng bagong coach na si Sinisa Cohadzic.


Pangungunahan ang atake ng Filipinas ni forward Nina Mathelus na gumawa ng apat na goal sa dalawang laro noong Round One noong Abril. Winalis ng mga Pinay ang host Guam, 3-1, at Lebanon, 2-0, upang maging numero uno sa Grupo G.


Sasamahan si Mathelus ng mga kapwa-forward Louraine Evangelista at Isabella Preston.


Ang mga midfielder ay sina Jelena Pido, Francesca Alberto, Doreen Balajadia, Jirelle Boutros, Marika Chua, Shien Payag, Tea Pidding, Sophia Saludares at Adrielle Salvador.


Ang mga defender ay sina kapitana Ariana Markey, Luna Rivera, Lyka Cueva, Anna Medalla, Maxine Pascual, Jelena Soon, Nathaly Sumboa at Ushin Valencia.


Magtutulungan sa goalkeeper sina Clara Estiandan, Samantha Hughes at Brooke Solis.


Pagkatapos ng Australia ay nakatakdang harapin ng Filipinas ang Bangladesh sa Biyernes at host Vietnam sa Linggo. Nasa Grupo A ang Timog Korea, Iran, India at host Thailand.


Tanging ang dalawang may pinakamataas na kartada sa bawat grupo ang tutuloy sa Asian Cup sa Abril. Pasok na ang defending champion Japan, Hilagang Korea, Tsina at host Indonesia.


Samantala, buo na ang mga maglalaro sa semifinals ng 2023 PFF Women’s League sa pagwawakas ng elimination noong Linggo. Tatlong koponan ang nagtabla sa liderato na may pitong panalo, isang tabla at isang talo subalit nanaig ang Kaya Iloilo (+36) sa Far Eastern University (+34) at Manila Digger (+18).

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 20, 2023


ree

Laro ngayong Miyerkules – Binan Football Stadium

4:00 PM Stallion Laguna vs. Bali United


Matapos magtamasa ng tagumpay sa 2022-2023 Philippines Football League (PFL), dadalhin ng Stallion Laguna at Dynamic Herb Cebu ang kanilang husay sa mas mataas na entablado, ang 2023-2024 AFC Cup. Unang sasalang ang Stallion ngayong Miyerkules kung saan dadalaw sa kanila ang Bali United ng Indonesia sa Binan Football Stadium simula 4 p.m.


Nakapasok ang Stallion sa AFC Cup sa bisa ng kanilang pagtapos ng pangatlo sa PFL habang ang Bali ang kampeon ng 2021 Liga One. Ang iba pang haharapin ng koponan sa Grupo G ng ASEAN Zone ay ang Terengganu na pumangalawa sa 2022 Liga Super Malaysia at Central Coast Mariners na pumangalawa sa 2022-2023 A League Men ng Australia.


Inamin ni Stallion coach Ernie Nierras na matagal na nilang pinangarap na makalaro sa AFC Cup at iba ang pakiramdam na makita ang bunga ng kanilang pinaghirapan. Itinatag ang koponan noong 2001 at maraming nilahukan na torneo bago maging isa sa mga unang bumuo ng PFL noong 2017.


Balik ang AFC Cup sa kinagawian na umiikot ang mga laro sa mga tahanan ng koponan.


Balik na rin ang group stage sa dalawang round o tig-anim na laro kumpara sa single round na ginanap sa isang lugar lang sa mga nakalipas na taon bunga ng pandemya.


Bubuksan ng Cebu, ang pumangalawa sa PFL, ang kanilang kampanya sa Huwebes sa Rizal Memorial Stadium kontra Phnom Penh Crown na kampeon ng 2022 Cambodia Premier League simula 8 p.m. Ang iba nilang makakalaro sa Grupo F ay ang Macarthur FC na kampeon ng 2022 Australia Cup at Shan United na kampeon ng 2022 Myanmar National League.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 19, 2023


ree

Laro ngayong Martes - Rizal Memorial Stadium

8:00 p.m. Shandong v. Kaya Iloilo


Magbabalik ang Kaya FC Iloilo sa pinakamataas na antas ng club pro Football sa kontinente sa pagsabak nila kontra sa bisita Shandong Taishan ng Tsina sa pagbubukas ng 2023-2024 AFC Champions League. Sisipa ang aksiyon simula 8:00 ng gabi sa Rizal Memorial Stadium sa makasaysayang pinakaunang opisyal na laro sa Pilipinas ng group stage ng prestihiyosong torneo.


Susubukan ng mga kampeon ng 2023 Philippines Football League (PFL) ang kanilang kakayahan sa mga bisita na pumasok sa torneo matapos pumangalawa sa 2022 Chinese Super League. Kasalukuyang maganda ang porma ng Shandong at tumatakbo silang pangalawa sa 2023 CSL na may 47 puntos buhat sa 13 panalo, walong tabla at apat na talo.


Para kay bagong talagang coach Colum Curtis, umaasa siya na magbubunga ang anim na linggo nilang pagsasanay. Sa kasalukuyang Copa Paulino Alcantara, gumagamit ang Kaya ng iba't-ibang mga kombinasyon ng manlalaro sa kanilang apat na laro kaya mahirap hulaan kung sino ang kanilang isasalang.


Iikot muli ang torneo sa mga tahanan ng mga koponan sa loob ng dalawang round o tig-anim na laro. Bunga ng pandemya, napilitan ganapin sa isang lugar ang lahat ng mga laro.


Dadalaw ang Kaya sa iba pang kalaro sa Grupo C na Yokohama F Marinos na kampeon ng 2023 J1 League ng Japan sa Oktubre 3 at Incheon United ng K1 League ng Timog Korea sa Oktubre 25. Pagsapit ng Round Two sa Nobyembre ay sila naman ang bibisita sa Pilipinas at lalakbay ang Kaya sa Tsina.


Huling lumahok ang Kaya sa 2021 ACL kung saan natalo sila sa lahat ng anim na laro kontra BG Pathum ng Thailand, Ulsan Hyundai ng Timog Korea at Viettel ng Vietnam.


Noong nakaraang taon, lumaban sila sa AFC Cup subalit yumuko sa tatlong laro sa Bali United ng Indonesia, Kedah Darul Aman ng Malaysia at Visakha ng Cambodia.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page