- BULGAR
- Dec 10, 2023
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 10, 2023

Mas bigyan ng pagkakataon ang mga manlalaro na nandito na sa bansa imbes na umangkat pa ng mga galing ibayong-dagat. Parehong tinutukoy dito ang Azkals at Filipinas kaya handa na ang bagong pamunuan na makipagtrabaho kasama ang mga coach at manager nito.
“Ang Filipino ay Filipino, kahit kalahati o puro ang dugo,” iyan ang layunin ng bagong halal na Presidente ng Philippine Football Federation (PFF) na si John Anthony Gutierrez sa kanyang unang pormal na pagharap sa mga mamamahayag matapos magtagumpay sa halalan kung saan tumanggap siya ng 30 sa maaaring 36 boto. “Lamang sa ngayon ang mga Pinoy na naglalaro sa labas ng Pilipinas subalit paliliitin natin ang agwat pagdating sa kalidad ng pagsasanay at pondo na ibinubuhos sa Football.”
Kasama ni Gutierrez ang Azkals alamat na si Freddy Gonzalez at Coach Vince Santos ng Far Eastern University. Hindi nila lininaw ang kanilang mga magiging papel sa PFF subalit sinang-ayunan nila ang mga pahayag ng Presidente.
“Napatunayan na ang Azkals ay makakasabay sa mga mahuhusay ng mundo at marami tayong mga talento dito,” wika ni Coach Santos. “Ang Pilipinas ay isang natutulog na higante sa larangan ng Football.”
Si Gonzalez ay mabuting halimbawa ng manlalaro na ipinanganak at namulat sa Football sa Pilipinas kaya alam niya na kayang maabot din ng mga kabataan ngayon ang kanyang naabot. Dahil sa kanyang galing, nagsilbi siya sa pambansang koponan at nakalaro bilang import sa Vietnam at ngayon ay matagumpay na negosyante.
Dagdag ni Gutierrez na nagiging madali ang paglipat ng pamunuan ng PFF sa kanya mula sa pangkat ng dating Presidente Mariano V. Araneta at maganda ang kanilang samahan. Nakatanggap na siya ng pagbati mula sa iba pa niyang kapwa-pinuno ng National Sports Association.






