top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 5, 2024



ree

Pinatunayan muli ni kabayan Jordan Clarkson kung bakit bininyagan siya bilang “The Flamethrower” ng mga Amerikanong mamamahayag at bumuga ng 36 puntos sa 154-148 overtime tagumpay ng Utah Jazz sa kulelat na Detroit Pistons sa NBA kahapon mula sa Delta Center.  Kasama rito ang lima sa overtime na nagtayo ng ligtas na 151-144 bentahe sa huling 24 segundo.

 

Ipinilit ng Detroit ang overtime sa tres ni Alec Burks kasabay ng huling busina ng fourth quarter, 138-138.  Kontrolado ng Pistons ang laro subalit uminit para sa 16 si Clarkson at ipinasa ang bola kay Lauri Markkanen upang saglit maagaw ang lamang, 108-105, at limang segundo sa orasan. 

 

Umakyat sa 10,932 ang kabuuang puntos ni JC sa kanyang 10 taong karera at ngayon ay ika-337 sa listahan na may pinakamarami.  Sa isang laro lang ay nilampasan niya ang mga retiradong alamat Don Nelson (10,898), Ricky Sobers (10,902), Nene (10,909), Vernon Maxwell (10,912) at Dan Majerle (10,925) pati rin ang aktibo pang si Jonas Valanciunas ng New Orleans Pelicans (10,925).

 

Apat na puntos lang ang ambag ni Valanciunas subalit mas mahalaga ay tinalo ng Pelicans ang numero uno ng Western Conference Minnesota Timberwolves, 117-106.  Bumida sa New Orleans si Zion Williamson sa kanyang 27 habang 24 si CJ McCollum.

 

Pinutol ng Atlanta Hawks ang limang sunod na panalo ng Oklahoma City Thunder, 141-138, sa likod ng 28 ni Jalen Johnson at Trae Young na may 24 at 11 assist.  Lamang ang Hawks, 141-129, sa huling 1:41 at hindi na pumuntos subalit nabitin ang habol ng OKC. 

 

Nagsabog ng 41 si Luka Doncic upang hatakin ang Dallas Mavericks sa Portland Trail Blazers, 126-97.  Hindi na kinailangan ang kanyang serbisyo sa fourth quarter komportableng lamang ang Mavs, 102-74.           

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 5, 2024



ree

Mga laro ngayong Biyernes – Dominican College, Santa Rosa City

5 p.m. Taguig vs. Zambales

7 p.m. Santa Rosa vs. Makati 


Handog ng 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup sa Bagong Taon ang dalawang umaatikabong laro ngayong Biyernes sa Dominican College sa Santa Rosa City.  Ipagtatanggol ng Eridanus Santa Rosa ang tahanan sa bisitang Circus Music Festival Makati sa salpukan ng 7 p.m. kasunod ang tapatan ng defending champion Taguig Generals at Boss ACE Zambales Eruption sa 5 p.m.  


Mahigit isang buwan na walang aksyon ang Santa Rosa matapos buksan ang torneo sa 104-99 panalo sa kapitbahay na Tatak GEL Binan noong Dis. 1.  Malaking hamon ang maipagpag ang kalawang at inaasahan na pamumunuan muli ang kanilang atake nina John Lester Maurillo, Alexander Junsay, Kiervin Revadavia at Dylan Garcia na mahusay ang ipinakita kontra Binan. 


Sisikapin ng Makati na wakasan ang kanilang dalawang magkasunod na talo.  Kailangan ng tulong sina PJ Intia, Rommel Saliente at Noah Lugo upang maiwasan na lalong mabaon sa ilalim ng liga. 


Samantala, matalas pa rin ang porma ng kampeong Taguig at wala pa silang talo sa dalawang laro at isa sa mga ito ay sa Eruption, 110-103, noong noong Dis. 16.  Susubukan ng Generals na umulit at sasandal sila sa shooting at anim na manlalaro ang gumagawa ng 10 o higit sa pangunguna ni Lerry John Mayo.


Alam ng baguhang koponang Zambales na kaya nilang sabayan ang mga beterano ng Taguig at kinapos lang sa huling quarter.  Aabangan ang masipag na tambalan nina Allen Fomera at Lyndon del Rosario na nagsama para sa 60 puntos sa kanilang huling laban kung saan humabol at sinilat ang Cam Sur Express, 94-90.  


Ngayong 2024 ay maraming inihandang regalo ang NBL-Pilipinas para sa kanilang tagahanga.  Pinakamalaki dito ang binubuong torneo kasama mga kinatawan buhat sa NBL ng Estados Unidos at Singapore.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 3, 2024



ree

Nagpasiklab agad sa unang araw ng Bagong Taon si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson at nagtala ng bihirang triple double upang buhatin ang Utah Jazz sa 127-90 panalo sa bisita Dallas Mavericks sa Delta Center.  Sa numerong 20 puntos, 10 rebound at 11 assist, ito ang pinakauna ni Clarkson sa 10 taon sa NBA. 


Humataw agad ang Utah sa first quarter, 37-26, sa likod ni Simone Fontecchio na ipinasok ang 14 ng kanyang kabuuang 24 puntos na may kasamang tig-anim mula kay Lauri Markkannen at reserba Clarkson na pumasok paglipas ng unang anim na minuto. 


Umangat sa 15-19 ang Jazz habang bumaba sa 19-15 ang Mavs na pinangunahan ni Luka Doncic na may 19 at 14 assist. 


Dahil sa ipinapakita ni Clarkson, malakas na kandidato siya na mapabilang sa taunang All-Star Game na gaganapin sa Gainbridge Fieldhouse ng Indiana Pacers sa susunod na buwan.  Maaaring bumoto para Clarkson ng isang beses araw-araw sa NBA.com o gamit ang NBA app hanggang Enero 20. 


Sa ibang mga laro, kahit lumiban si Kevin Durant ay naukit ng Phoenix Suns ang 109-88 tagumpay sa Portland Trail Blazers.  Tinakpan ni Bradley Beal ang puwang sa 21 puntos habang may 14 ang dating Blazer Jusuf Nurkic. 


Ginulat ang New York Knicks ang numero uno ng Western Conference Minnesota Timberwolves, 112-106.  Bumanat ng 15 si Julius Randle sa first quarter at nagtira ng lakas para sa mga pandiin na shoot sa last two minutes upang magtapos na may 39. 

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page