top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 12, 2024



ree

Photo: PFF/ IG


Mga laro ngayong Biyernes – Jesus Is Lord Colleges Foundation

5 p.m. Binan vs. Makati

7 p.m. Santa Rosa vs. Zambales


Itataya ng Eridanus Santa Rosa ang kanilang perpektong 2-0 kartada laban sa Boss ACE Zambales Eruption sa tampok na laro ngayong Biyernes sa 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup sa Jesus Is Lord Colleges Foundation sa Bocaue, Bulacan simula 7 p.m. 


 Sisikapin din ng Circus Music Festival Makati at Tatak GEL Binan na buhayin ang kanilang kampanya sa pambungad na laban ng 5 p.m. 


Galing ang Eridanus sa impresibong 109-101 panalo sa Makati  subalit haharapin nila ang Eruption na wala ang kanilang numero unong scorer Alex Junsay na pinatawan ng isang larong suspensiyon matapos sikuhin si Rommel Saliente.  Dahil dito, malaking hamon para sa mga kakamping sina John Lester Maurillo at Kiervin Revadavia na takpan ang nalikhang puwang at itala ang pangatlong panalo. 



Nagtala ng 44 puntos si Allen Fomera upang itulak ang Zambales sa 113-112 pagtakas sa Binan.  Tiyak na magiging markado si Fomera, ang numero uno sa puntusan ng buong NBL, subalit dapat ding bantayan sina Lyndon del Rosario at Arnel Bico.


Samantala, mahalaga na wakasan na ng Makati ang kanilang apat na sunod na talo upang may pag-asa sa playoffs. Nakasalalay ang kanilang kapalaran kay PJ Intia, Jexter Tolentino at Noah Lugo. 


Sa panig ng Binan, kailangang kalimutan na nila ang masaklap na talo sa Zambales.  Nagtala rin ng 44 puntos si Ameer Nikko Aguilar noong laro na iyon subalit kailangan niya ang tulong nina Michael Joseph Homo, Art Patrick Aquino, Angelo Alanguilan at Jazzele Oliver Cardeno. 


Wala pang 24 oras ay magpapalitan ng kalaro ang mga koponan at babalik sa parehong palaruan sa Sabado.  

 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 11, 2024



ree

Photo: PFF/ IG


Enero  pa lang ay nagulat agad ang mundo ng Philippine Football matapos ihayag ni Dan Stephen Palami ang kanyang pagbitiw sa matagal nang tungkulin bilang Manager ng National Men’s Team.  Ito ang pagwawakas ng samahan na nagsimula noong 2009 at naging daan para muling mabuhay ang laro sa bansa.


Kasama niya ang bagong Presidente ng Philippine Football Federation (PFF) John Anthony Gutierrez na naghatid ng malaking pasasalamat sa serbisyo ni Palami.  Sa kanyang gabay, nagsimula ang pag-usbong ng Football sa tinaguriang “Miracle In Hanoi” noong 2010 AFF Suzuki Cup kung saan tinalo ng Azkals ang host Vietnam upang makapasok sa semifinals. 


Kasunod nito ang unti-unting pagtaas ng Pilipinas sa FIFA World Ranking hanggang makapasok sa 2019 AFC Asian Cup sa United Arab Emirates.  Si Palami rin ang dahilan upang nakapaglaro sa Pilipinas ang mga tuklas gaya nina Neil Etheridge at Stephan Schrock. 


Patuloy ang paglahok ng Azkals sa pinagsabay na qualifier para sa 2026 FIFA World Cup sa Hilagang Amerika at 2027 AFC Asian Cup sa Saudi Arabia.  Malaki ang kanilang bubunuin sa mga nalalabing laro kontra Vietnam at Indonesia at dalawa sa Iraq.


Walang tiyak na pangalan ang ipinakilala subalit may tatlo umanong kandidato para palitan si Palami. Sa panig ng kababaihan, sisikapin ng Pilipinas na mapanatili sa kanila ang AFF Women’s Championship ngayong taon.  Maglalaro rin sa unang pagkakataon ang Filipinas sa kanilang unang AFC Women’s Under-17 Asian Cup sa Indonesia sa Abril at ang unang tatlo ay tutuloy sa FIFA Under-17 Women’s World Cup sa Dominican Republic sa Nobyembre.


May plano pa naman ang PFF ngayong 2024.  Pangunahin dito ang pagpapalakas ng grassroots at humubog ng bagong henerasyon ng manlalaro na maaaring maging Azkals o Filipinas.               

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 11, 2024



ree

Photo: Los Angeles Lakers/ IG


Tiniyak ni Anthony Davis na hindi masasayang ang kanyang halimaw na laro at bumida sa huli ng 132-131 panalo ng Los Angeles Lakers sa bisita Toronto Raptors sa NBA kahapon sa Crypto.com Arena.  Ang New York Knicks na ang pinakamainit na koponan at dinaig ang Portland Trail Blazers, 112-84, para sa ika-limang sunod. 

 

Sa gitna ng mga huling hirit ng Raptors, ipinasok ni Davis ang dalawang free throw mula sa foul ni Scottie Barnes upang maging 132-128 ang iskor at tatlong segundo ang nalalabi.  Pumasok ang huling tres ni Pascal Siakam subalit hindi nagbago ang resulta at pumantay ang Lakers sa 19-19 panalo-talo. 

 

Nagtapos si Davis na may 41 puntos at 11 rebound habang 22 si LeBron James.  May kabuuang 39,351 puntos na si LBJ at tinatayang aabot siya ng 40,000 bago ang All-Star sa Pebrero. 

 

Nagbubunga ang palitan kamakailan ng manlalaro ng Knicks at Raptors at nagsabog ng 23 puntos ang pinakabagong Knick OG Anunoby upang manguna sa tambakan sa Blazers.  Si Anunoby at Precious Achiuwa ay nakuha sa Toronto kapalit nina RJ Barrett at Immanuel Quickley noong Disyembre 30. 

 

Numero uno pa rin sa Western Conference ang Minnesota Timberwolves sa bisa ng 113-92 tagumpay sa Orlando Magic.  Bumira ng limang 3-points patungong 28 puntos si Karl Anthony Towns para sa kanilang ika-26 panalo sa 36 laro. 

 

Matapos ihayag na hindi na maglalaro si Ja Morant ngayong taon dahil ooperahan sa balikat, nagwagi ang Memphis Grizzlies sa Dallas Mavericks, 120-103.  Nagtala ng 32 si Desmond Bane at 23 si Marcus Smart.  

 

Samantala, nagkasundo ang Miami Heat at si kabayan Coach Erik Spoelstra na dagdagan ng walo pang taon ang kanyang kasalukuyang kontrata na mapapaso ngayong taon. Tinataya sa $120 milyon ang kanyang tatanggapin. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page