- BULGAR
- Jan 14, 2024
ni Anthony Servinio @Sports | January 14, 2024

Itinalaga ng Philippine Football Federation (PFF) ang alamat na si Freddy Gonzalez bilang Direktor ng mga Pambansang Koponan at ang kasabay na tungkulin bilang Manager ng Men’s National Team. Papalitan niya si Dan Stephen Palami na nagbitiw noong Enero 9 matapos pangasiwaan ang Azkals mula pa noong 2009.
Kinumpirma ni PFF President John Anthony Gutierrez ang balita noong Huwebes. Ang pagtalaga kay Gonzalez ay hudyat ng panibagong simula para sa Azkals.
Isa sa pinakamahusay na manlalaro noong Dekada 90 bago nagdatingan ang mga Pinoy na nakatira sa ibayong-dagat, bitbit niya ang malawak na karanasan sa kanyang pagiging pambansang atleta at import sa Vietnam. Si Gonzalez ay nahubog ang kaalaman sa Football sa Colegio San Agustin sa Makati City at ito ang naging tiket niya para maglaro sa Amerika sa University of Portland.
Maliban sa pagiging atleta, isa siyang matagumpay na negosyante matapos niyang mag-retiro. Huli siyang napanood sa United Football League (UFL), ang ninuno ng kasalukuyang Philippines Football League (PFL).
Pangunahin ngayon para kay Gonzalez ay gabayan ang Azkals sa kanilang kampanya sa pinagsabay na qualifier para sa 2026 FIFA World Cup sa Amerika at 2027 AFC Asian Cup sa Saudi Arabia. Nakatakdang bumisita ang Azkals sa Iraq sa Marso 21 at magkikita muli ang dalawang panig sa 26 sa Rizal Memorial Stadium.
Mananatiling Manager ng Women’s National Team si Jefferson Cheng. Inaasahan na tutuloy ang pag-usbong ng Football para sa kababaihan ngayon at nasa ika-38 ang Filipinas sa FIFA Ranking, ang pinakamataas na naabot nila sa kasaysayan.
Samantala, inihayag ng dating headcoach ng Azkals na si Sven-Goran Eriksson na mayroon siyang kanser sa pancreas at baka isang taon na lang ang kanyang buhay. Ang Pilipinas ang kanyang huling hinawakan noong 2018 AFF Suzuki Cup at 2019 AFC Asian Cup sa UAE.






