top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | February 7, 2024


ree

Laro ngayong Huwebes – Pinatar Arena


Pilipinas vs. Sweden (para 3rd) 


Tumanggap  ng 2-0 pagkatalo ang Under-17 Philippine Women’s Football National Team sa Inglatera sa semifinals ng 2024 MIMA Cup sa Pinatar Arena sa Espanya Martes ng madaling araw, oras sa Pilipinas. Sunod na haharapin ng Batang Filipinas ang Sweden para sa tanso ngayong Huwebes sa parehong palaruan. 


Naglabas ng mahigpit na depensa ang mga Pinay subalit malinaw na dominado ng mga Ingles ang laban.  Hindi nagtagal ay inulo papasok ni Izzy Fisher ang bola sa ika-36 minuto at walang nagawa si goalkeeper Samantha Hughes. 


Nagsugal si Coach Sinisa Cohadzic at pinaupo sa ika-51 si Nina Mathelus, na markado at hindi makakuha ng bola, at ipinasok si Sophia Saludares subalit walang nakapigil sa arangkada.  Na-doble ang agwat sa isa pang goal ni Emily Cassap sa ika-56.


Haharapin ng Inglatera para sa kampeonato ang Scotland na tinakasan ang Sweden, 3-2.  Tabla ang laro sa 2-2 at ipinasok ni kapitana Laura Berry ang nagpapanalong goal sa ika-87 minuto.


Kahit bigo, malaking karanasan ang napulot ng koponan bilang paghahanda para sa kanilang makasaysayang unang paglahok sa 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup.


Kamakailan ay inihayag ng host Indonesia na ililipat nila ang petsa ng torneo sa Mayo 6 hanggang 16 mula sa orihinal na Abril 7 hanggang 20.


Samantala, inilabas ng Philippines Football League (PFL) ang listahan ng 15 koponan ngayong 2024 kumpara sa pito noong 2023.  Pinangungunahan nito ng defending champion Kaya Iloilo at mga nagbabalik na Dynamic Herb Cebu, Stallion Laguna, Mendiola 1991 at Maharlika Taguig.


Magbabalik din ang dating kampeon United City na umatras sa gitna ng huling torneo.


Matapos ang ilang taon ng pahinga, balik-PFL din ang mga dating kasapi na Davao Aguilas, Philippine Air Force at Loyola.



 

 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 4, 2024


ree

Maaaring maglaro na para sa Gilas Pilipinas ang bayani ng 19th Asian Games Hangzhou Justin Brownlee simula sa 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers ngayong Pebrero. Ito ay matapos ilabas ng FIBA ang desisyon tungkol sa kaso ng paggamit umano ng ban substance matapos ang kampeonato noong Oktubre. 


Ayon sa mga nalikom na detalye, nagpataw ng tatlong buwang suspensiyon kay Brownlee ang FIBA at hindi siya papayagang lumahok sa kahit anong bagay na may kinalaman sa Basketball mula laro hanggang ensayo. Subalit hindi na inapela ang pagiging positibo ng paunang pagsusuri at kusang nagpahinga si Brownlee simula Nobyembre 9, pangunahing dahilan bakit hindi niya nasamahan ang Barangay Ginebra Kings sa depensa ng korona sa tumatakbong PBA Commissioner’s Cup. 


Ibinilang ng FIBA ang panahon mula Nobyembre 9 at papatak ang ikatlong buwan sa Pebrero 9.  Ayon kay Gilas Coach Tim Cone, balak nilang magdaos ng maikling kampo bago ang paglakbay sa Hong Kong sa Pebrero 22 at ang pagdalaw ng Chinese-Taipei sa 26 sa Philsports Arena. 


Maliban sa kusang pagpapahinga, nakababa sa parusa na ang nakitang gamot kay Brownlee ay matagal nang inalis sa listahan ng mga bawal at wala itong kinalaman sa kanyang pagiging atleta. Matatandaan din na sumailalim sa operasyon sa paa si Brownlee bago ang Asian Games at maaaring ang gamot ay nasama dito at sa kanyang paghilom. 


Sa Pebrero 9 ang pinakamaagang petsa na matatapos ang PBA Finals kung saan kasali sina June Mar Fajardo at CJ Perez para sa San Miguel Beer. Kung aabot ng Game Seven, ito ay gaganapin sa 16 at iyan lang ang panahon na maaaring mabuo ang 12 manlalaro kasama ang manggagaling Japan na sina Dwight Ramos, Kai Sotto at AJ Edu. 


Ang iba pang mga manlalaro ay sina Scottie Thompson, Jamie Malonzo, Calvin Oftana, Chris Newsome, Carl Tamayo at Kevin Quiambao. Itinalagang team manager at tutulong din si Coach Richard del Rosario habang hindi pa inihahayag ang iba pang coaching staff.


 

 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 4, 2024


ree

Lumikha ng himala ang Eridanus Santa Rosa upang maagaw ang panalo sa Muntinlupa Chiefs, 99-96, sa tampok na laro sa 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup Biyernes ng gabi sa Laguna Sports Complex sa Santa Cruz.


Nanaig din ang rumaragasang Cam Sur Express sa Circus Music Festival Makati, 109-76, at bigyan ng libreng tiket ang Chiefs sa semifinals. 


Hawak ng Muntinlupa ang 94-87 lamang na may 1:09 nalalabi subalit nakahabol ang Eridanus sa mga buslo nina Sean Sandoval, King Fadriquela at Michael Bisbe para itabla ang laro, 94-94.  Nakahinga saglit ang Chiefs sa dalawang free throw ni Francis Abarcar, 96-94, pero bumira ng pang-lamang na three-points mula sa kanto si John Lester Maurillo na may 22 segundong nalalabi, 97-96. 


May pagkakataon ang Muntinlupa ngunit nagmintis ang tira ni Tristan Kyle Villablanca.


Napilitan mag-foul ang Chiefs hanggang itinakda ni Fadriquela ang huling talaan sa dalawang free throw na may anim na segundo at nagmintis ang tres ni Abarcar. 


Napiling Best Player si Rodolfo Alota na may 13 puntos habang nagtala ng tig-15 sina Bisbe at Alexander Junsay.  Nanatili ang Santa Rosa na pangalawa sa Grupo B na may kartadang 5-1 habang nilasap ng Chiefs ang kanilang ika-pitong sunod na pagkabigo subalit pasok pa rin sa semifinals sa bisa ng pagiging pangalawa sa Grupo A. 


Bumuhos agad ng opensa ang Cam Sur upang kunin ang unang quarter, 34-28.


Humigpit ang depensa at nilimitahan ng Express ang Makati sa dalawang puntos lang sa unang mga minuto ng third quarter at itayo ang 70-50 bentahe at tuloy-tuloy ang kanilang arangkada patungo sa kanilang ika-limang sunod na tagumpay at pangkalahatang 6-2 panalo-talo habang lalong nabaon ang Makati sa 0-9. Itinanghal na Best Player si Jayson Orada na may 14 puntos at 16 rebound.   

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page