top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | February 12, 2024




ree


Bumira si Stephen Curry ng three-points mula 32 talampakan at dalawang segundo sa orasan upang itulak ang Golden State Warriors laban sa bisita Phoenix Suns, 113-112 sa NBA kahapon sa Chase Center.  Nagpasikat din si Luka Doncic sa malaking 146-111 tagumpay ng Dallas Mavericks sa bigating Oklahoma City Thunder.




Saglit ibinalik ng shoot ni Devin Booker ang lamang sa Suns at 35 segundong nalalabi, 112-110, bago namayani si Curry at umangat ang depensa ng Warriors upang mapreserba ang resulta.  Nagtapos na may siyam na tres si Curry para sa 30 puntos at pumantay na ang kanilang kartada sa 25-25 sabay putol sa tatlong sunod na panalo ng Phoenix na lumubog sa 31-22. 


Namayagpag si Doncic para sa 32 puntos at sinundan ni Kyrie Irving na may 25 at limang iba pang kakampi na may 10 o higit na ambag.  Biglang nagbukas ang pinto para kay Doncic na makamit ang kanyang unang MVP matapos operahan sa tuhod ang kasalukuyang MVP Joel Embiid ng Philadelphia 76ers na tinatayang apat na linggo mawawala. 


Ayon sa bagong patakaran ng liga, ang mga kandidato para MVP ay dapat maglaro ng hindi bababa ng 65 beses at sa dami ng iniliban ni Embiid ngayong taon ay hindi niya maaabot ito.  Habang nagpapagaling ay nagawa ng kanyang mga kakampi na maukit ang 119-113 panalo sa Washington Wizards sa likod ng 28 ni 2024 All-Star Tyrese Maxey. 


Sumandal sa balanseng atake ang Cleveland Cavaliers upang masugpo ang Toronto Raptors, 119-95, ang kanilang ika-siyam na sunod at lumakas ang kapit sa pangalawang puwesto sa Eastern Conference sa 35-16 panalo-talo.  Ang buong first five at tatlong reserba ng Cavs ay nagtala ng 11 o higit na puntos sa pamumuno ni sentro Jarrett Allen na may 18 at 15 rebound. 


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 11, 2024


ree

Maaaring masilayan na ng publiko ang bagong 19 na talampakang at 4,000 librang rebultong tanso ni Kobe Bryant sa labas ng Crypto.com Arena.  Hango ang disenyo mula sa pagtaas ng hintuturo ng namayapang Los Angeles Lakers alamat matapos niyang magtala ng 81 puntos kontra Toronto Raptors noong Enero 22, 2006 suot ang kanyang unipormeng #8


Ayon sa kanyang naiwang maybahay na si Vanessa, ito lang ang una sa tatlong nakaplanong rebulto.  Magtatayo ng isa pa suot ang #24 na ginamit ni Bryant mula 2006 hanggang mag-retiro noong 2016 at isa pa kasama ang kanilang anak na si Gianna na kasama ng kanyang ama sa pagbagsak ng helicopter noong Enero 26, 2020. 


Pormal na inilabas ang rebulto noong Pebrero 8 o 2-8-24 na angkop sa mga uniporme ng mag-amang Bryant.  Tampok sa pribadong seremonya ang mga talumpati nina Coach Phil Jackson at Kareem Abdul-Jabbar at dinaluhan ng mga naging kakampi ni Bryant at pamunuan ng prangkisa.

 

Bago kay Kobe, pinarangalan ng Lakers sa kanilang mga sariling rebulto sina Kareem, Shaquille O’Neal, Magic Johnson, Jerry West, Elgin Baylor at ang boses ng koponan sa radyo at telebisyon na si Chick Hearn.  Makikita ang mga ito sa paligid ng Crypto, ang tahanan ng Lakers mula pa 1998 noong ito ay kilala bilang Staples Center. 


Samantala, nagpakitang-gilas ang mga kasalukuyang Lakers at baka mabigyan din sila ng rebulto pagdating ng panahon at tinambakan ang bisita New Orleans Pelicans, 139-122.  Tiyak na nangunguna sa mga kandidato si LeBron James na double-double na 21 puntos at 14 assist.


First half pa lang ay umabot na ang 87 ang produksyon ng Lakers.  Bumanat si D’Angelo Russell ng anim na three-points para sa 30 puntos at sumunod si Austin Reaves na may 27 at umangat ang Lakers sa 28-26 at ika-siyam sa Western Conference.


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 11, 2024


ree

Mga laro ngayong Linggo – Cong. Jun Duenas Gym


4:00 PM Cam Sur vs. Zambales


6:00 PM Santa Rosa vs. Taguig


Pinabuti ng Tatak GEL Binan ang kanilang pag-asang mapabilang sa semifinals ng 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup matapos tambakan ang bisita Makati Circus Music Festival, 143-123, Biyernes ng gabi sa Alonte Sports Arena.  Nagtala rin ng mahalagang tagumpay ang Eridanus Santa Rosa sa Muntinlupa Chiefs, 105-86, at lumapit din sa semifinals. 


Matapos ang mahigpit na unang tatlong quarter, umarangkada ang Binan sa fourth quarter at bumuhos ng 43 puntos sa likod nina Best Player Alexander Villacorta, Jazzele Oliver Cardeno at Ameer Nikko Aguilar.  Inipit ng depensa ang Makati sa dalawang free throw lang sa simula at walang nakapigil sa kanilang paglayo at ang huling talaan ay siya ring pinakamalaking lamang sa laro.


Umangat ng todo si Villacorta na may 29 puntos kumpara sa kabuuang 35 sa una niyang anim na laro.  Pumasok bilang mga reserba sina Cardeno na may 31 at 12 rebound at Aguilar na may 27 at umangat ang Binan sa 5-3 habang winakas ng Makati ang kanilang kampanya sa 0-10.


Sa unang laro, nanigurado ang Santa Rosa at maagang itinahi ang resulta kontra sa Chiefs na tinalo rin nila, 99-96, noong nakaraang Pebrero 2.  Maganda ang simula ng Muntinlupa, 19-9, subalit nagising agad ang Eridanus upang makuha ang first quarter, 30-23, at tuloy-tuloy na ang kanilang hataw.


Best Player si Alexander Junsay na nagsumite ng 24 at 10 rebound at sumuporta sina John Lester Maurillo at Michael Bisbe na may tig-14.  Umakyat ang Santa Rosa sa 6-1 at kalahating laro na lang ang hahabulin sa defending champion Taguig Generals na 7-1. 


Sisikapin ng Generals na maselyuhan ang upuan sa semifinals sa pagdalaw sa kanila ng Eridanus sa Cong. Jun Duenas Gym sa Signal Village ngayong Linggo simula 6:00 ng gabi.  Bago noon, hahanapin din ng Cam Sur Express (6-2) ang tiket sa semifinals kontra sa Boss ACE Zambales Eruption (4-4) sa 4:00 ng hapon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page