- BULGAR
- Feb 24, 2024
ni Anthony Servinio @Sports | February 24, 2024

Laro ngayong Linggo – Philsports Arena
7 p.m. Pilipinas vs. Chinese-Taipei
Dadalhin ng ganadong Gilas Pilipinas ang positibong enerhiya kontra sa bisitang Chinese-Taipei sa pagpapatuloy ng 2025 FIBA-Asia Cup Qualifiers Grupo B ngayong araw sa Philsports Arena simula 7 p.m. Naglabas ng kamandag ang mga Pinoy sa pagdurog sa host Hong Kong, 94-64, noong Huwebes sa Tsuen Wan Stadium.
Sumandal ang Gilas sa malupit na 3rd quarter nina Justin Brownlee at Kai Sotto upang palakihin ang 41-37 lamang noong halftime sa 71-46 at hindi na nakabanta ang kalaro. Nagsama sina Kevin Quiambao at Carl Tamayo upang umabot ng 92-61 ang agwat papasok sa huling minuto.
Inamin ni Coach Tim Cone na nangapa noong una si Brownlee kaya ginamit pa rin niya ito upang mahanap ang ritmo. Sinuklian ni Brown ang kumpiyansa ni Coach at mga kakampi sa kanyang 16 puntos, 7 rebound at 7 assist habang 13 puntos at humakot ng 15 rebound si Sotto. Humabol si Quiambao noong huling bahagi ng 4th quarter at nagtapos na may 15 sa gitna ng sigaw ng mas maraming Filipino sa palaruan. Nag-ambag ng 11 si Jamie Malonzo.
Haharapin ng Gilas ang mga Taiwanese na dumanas ng 89-69 tambakan sa bisitang Aotearoa New Zealand sa kabilang laro sa grupo. Bumida sa mga Kiwi ang mga dating import ng Converge FiberXers Ethan Rusbatch na may 26 at Tom Vodanovich na may 16.
Sa gitna ng dominasyon, mag-isang pumalag si Liu Cheng na may 20 puntos. Walang iba pang Taiwanese ang naka-10 at tig-9 lang sina Lin Chun Chi at Lin Cheng.
Samantala, mahusay ang inilaro ni Jericho Cruz subalit hindi ito sumapat at nagwagi ang host Japan kontra Guam, 77-56, sa Grupo C. Nagtala ng 12 si Cruz habang nanguna sa mga Hapon sina Yuki Kawamura na may 15 at Makoto Hiejima na may 12.






