top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | March 1, 2024


ree


Dinurog ng Slovenia ang mga puso ng Philippine Women’s Football National Team, 1-0, at mauwi ang Third Place ng 2024 Pinatar Cup Miyerkules ng madaling araw, oras sa Pilipinas, mula Pinatar Arena sa Murcia, Espanya.  Isang goal lang ni defender Lana Golob sa ika-5 minuto ang sapat para gulatin ng World #44 ang #38 Filipinas.

     

Kahit maagang namigay ng goal, sinikap pa rin ng Filipinas na pantayin ang iskor subalit hindi nila araw at inulit ang kanilang pagiging Fourth Place noong nakaraang taon. 


Malaking bagay ang inilabas na mas mahigpit na depensa at nakaiwas na matambakan. 

      

Sa gitna ng sunod-sunod na kabiguan nitong linggo, nagpapasalamat pa rin si Coach Mark Torcaso sa pagkakataon na makalaro ang mga bigating bansa ng Europa.  Yumuko rin ang mga Pinay sa #27 Finland sa FIFA Friendly bago ang torneo, 0-4, at #25 Scotland sa semifinals noong Sabado, 0-2. 

       

Kinailangan ng Finns ang penalty shootout upang talunin ang Scots sa championship, 5-4.  Kulang ang 120 minuto at nanatiling tabla, 1-1, sa bisa ng mga goal nina Oona Sevenius ng Finland (21’) at Martha Thomas ng Scotland (75’). 

     

Ipagtatanggol ng Filipinas ang kanilang korona sa 2024 AFF Women’s Championship.  Bago noon, magtatakda ng mga Friendly at lalahok sa iba pang mga torneo ngayong Abril 1-9, Mayo 27-Hunyo 4, Hulyo 8-16, Oktubre 21-30 at Nobyembre 25-Disyembre 7. 

      

Lalahok din sa unang pagkakataon ang bansa sa 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup Indonesia mula Mayo 6 hanggang 19.  Ang opisyal na bunutan ay gaganapin sa Marso 7.


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 29, 2024


ree


Magbubukas ang 30th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Men’s Basketball Tournament ngayong Marso 1 (Biyernes) tampok ang tatlong laro sa Philsports Arena.  Hahamunin ang defending champion Immmaculada Concepcion College ng 10 iba pang paaralan gamit ang temang “Exceeding Sports Beyond Borders.” 

       

Inuwi ng Blue Hawks ang kanilang unang korona sa liga matapos walisin sa seryeng best-of-three ang paborito at numero unong Olivarez College Sea Lions, 80-79 at 79-70.  Subalit may kapalit ang tagumpay at isa-isang lumipat sa ibang paaralan ang mga pangunahing manlalaro ng dalawang magkatunggali bunga ng kanilang mahusay na ipinakita. 

       

Maliban sa ICC at Olivarez, ang iba pang kalahok sa tinaguriang Pearl Anniversary ng liga ay Philippine Merchant Marine School Mariners, PATTS College of Aeronautics Seahorses, De La Salle University-Dasmarinas Patriots, Asian Institute of Maritime Studies Blue Sharks, Emilio Aguinaldo College-Cavite Vanguard, Bestlink College of the Philippines Kalasag, Saint Dominic College of Asia Pikemen, Lyceum of the Philippines University-Laguna Pirates at ang nagbabalik na University of Luzon Golden Tigers.  Lumiban ang Centro Escolar University Scorpions at Polytechnic University of the Philippines Radicals. 

        

Naging panauhin noong Martes sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum ang mga opisyal ng NCRAA.  Magtutuos ang ICC at AIMS sa tampok na laro ng 3 p.m.  Ang iba pang mga laro sa unang araw ay DLSU-D laban sa UL sa 9 a.m. at SDCA at BCP sa 1 p.m.  

       

Maglalaro ng single round na 55 laro o tig-10 beses ang bawat koponan.  Ang walong may pinakamataas na kartada ay tutuloy sa quarterfinals, semifinals hanggang best-of-three finals. 


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 27, 2024



ree


Ipinakilala na ng Philippine Football Federation (PFF) si Tom Saintfiet bilang bagong head coach ng Men’s National Team noong Lunes.  Bitbit ng 50-anyos na tubong Belgium ang 26 taong karanasan at 100 laro bilang head coach ng mga pambansang koponan karamihan ay sa Aprika. 


       Agad magtratrabaho si Coach Saintfiet para sa parating na 2026 FIFA World Cup at 2027 AFC Asian Cup Qualifier kontra Iraq sa Marso 21 sa Basra at 26 sa Rizal Memorial Stadium.  Pinalitan niya si Hans Michael Weiss na humawak sa koponan sa unang dalawang laro kontra Vietnam at Indonesia. 


         Bahagi ng paghahanda ang pagdaos ng ensayong bukas sa publiko ngayong Marso 1 sa Rizal Memorial simula 4:00 ng hapon tampok ang mga manlalaro na nakatira sa Pilipinas.  Iginiit ni Coach Saintfiet na wala siyang pakialam kung saan galing ang manlalaro basta buo ang loob nito na katawanin ang Pilipinas at may disiplina, isang katangian na nakita niya matapos personal na manood ng ilang laro sa mga nakalipas na araw. 


         Sa Gambia siya umani ng malaking tagumpay mula 2018 hanggang nitong Enero kung saan ginabay niya ang bansa ng dalawang beses sa Africa Cup of Nations.  Kahit maayos ang samahan nila, nagpasya siya na magbitiw sa tungkulin upang maghanap ng mga bagong hamon at dinala siya ng tadhana sa Pilipinas kahit may mga nakakatakam na alok mula sa Nigeria, Cameroon at Tsina. 


       Samantala, mukhang bilang na ang mga araw ng paggamit ng palayaw na “Azkals”.  Subalit ipinaliwanag ni PFF Director for National Teams at Team Manager Freddy Gonzalez na ang paghanap ng kapalit ay hindi mahalaga sa ngayon at mas tututukan nila ang mga laban sa Iraq.  


 
 
RECOMMENDED
bottom of page