top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 14, 2025



Photo: Strong Group Athletics vs Chinese Taipei - Jones Cup



Laro ngayong Lunes – Xinzhuang Gym 5:00 PM SGA vs. Japan          


Linimitahan ng depensa ng defending champion Strong Group Athletics (SGA) ng Pilipinas sa dalawang puntos lang sa pangatlong quarter ang host Chinese-Taipei A upang magwagi, 67-56, sa simula ng kanilang kampanya sa pangalawang araw ng 2025 William Jones Cup sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City. Sunod na haharapin nila ang Japan ngayong Lunes.


Hawak ng Taiwan ang 35-28 lamang matapos ang pangalawang quarter bago ang arangkada ng SGA para baliktarin ang takbo pabaligtad pabor sa kanila, 54-37. Sapat na sapin iyon at kinapos ang tangkang paghabol ng Taiwan sa huling quarter.


Halimaw ang numero ni Andre Roberson na 17 puntos at 19 rebound habang ang kanyang kapwa-import Ian Miller ay nagtala ng 16. Sumuporta si Rhenz Abando na may 11.          


Si Cheng Ying Chun ang nag-iisang Taiwanese na may higit 10 at nagtala ng 14. Siyam lang si Lin Ting Chien. Galing ang mga Hapon sa 86-84 pagtakas sa Qatar para pantayin ang kartada sa 1-1. Noong Sabado ay natalo sila sa Bahrain, 69-85.


Ang Bahrain at SGA na lang mga koponang walang talo matapos ang ikalawang araw ng torneo. Umakyat sa 2-0 ang Bahrain ng magtagumpay sila sa Chinese-Taipei B, 71-63.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 19, 2025




Tumikim ng pangalawang pagkatalo ang Alas Pilipinas sa Chinese-Taipei sa pagpapatuloy ng 2025 Asian Volleyball Confederation (AVC) Volleyball Nations Cup sa Isa Bin Rashed Hall sa Manama, Bahrain.


Nagtapos ang apat na set pabor sa Taiwanese sa 25-18, 23-25, 30-28 at 25-20. Madaling nakuha ng Taiwan ang unang set subalit nagising ang mga Pinoy upang maagaw ang pangalawa. Ibinigay ni Lloyd Josapat ng 24-23 lamang ang Alas at hindi umubra ang block touch challenge na inihain ng Taiwan para maging 25-23.


Sa pangatlong set, nasayang ang pagkakataon at itinala ng Taiwan ang huling tatlong puntos upang makabawi mula sa 27-28. Hindi nakabangon ang Alas at tuluyang bumigay sa huling set. Nanguna sa Chinese-Taipei si outside hitter Chang Yu Sheng na may 22 puntos.


Sumunod si Wen Yi Kai na may 14 at Kapitan Chang Yu Chen na may 12. Ipinagpag ni Kapitan Marck Espejo ang pilay para magsabog ng 24 mula 21 atake. Tumulong si Leo Ordiales na may 15 buhat sa 13 atake.


Binigo ng Pakistan ang mga Pinoy noong Martes sa apat na set – 25-18, 25-12, 18-25 at 25-22. Napilay si Espejo sa unang set at hindi na bumalik at sinikap ng kanyang kapalit Ordiales na buhatin ang koponan sa kanyang 22 puntos.


Maglalaro na ang Alas para sa ika-siyam hanggang ika-11 puwesto simula ngayong Sabado ng hating gabi. Kasama nila sa isang round robin ang mga kulelat mula sa Grupo A at D.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 11, 2025



Photo: ALAS PILIPINAS INVITATIONAL VOLLEYBALLS / ALAS PILIPINAS VS KOREA HYUNDAI Gigil na tumodo ng pag atake si Alas Pilipinas center Mark Jesus Espejo na hindi alintana ang depensa ng tatlong katunggaling Korea Hyundai sa kasagsagan ng kanilang aksyong sa ginaganap na Alas Pilipinas Invitational Volleyball sa Araneta Coliseum. via Reymundo Nillama



Humataw ang Alas Pilipinas sa kanilang ikalawang sunod na tagumpay laban sa bisitang Hyundai Capital Skywalkers ng Timog Korea sa apat na set Miyerkules sa Araneta Coliseum. Dumaan sa apat na set – 25-22, 22-25, 25-21 at 25-20.


Lumutang ang kakaibang husay ni kapitan Marck Espejo na may 20 puntos mula 17 atake. Sa gitna ng dominasyon ni Espejo ay nag-ambag ng siyam si Peng Taguibolos habang tig-pito sina Steven Rotter at Leo Ordiales.


Nagpakitang-gilas din ang bagong tuklas na si Jackson Reed na naglaro sa University of Southern California sa Amerika. Ang kanyang lolo ay tubong Pangasinan.


Si Lee Seung Jun ang nagdala ang laban para sa mga Koreano na may 18 habang 14 si Lee Jae Hyun. May siyam na puntos si Kim Jin Yeong.


Tatapusin ng Alas ang kanilang kalendaryo sa pagharap sa Thailand. Walang kokoronahan na kampeon at ang mga laro ay bilang paghahanda para pagiging punong-abala sa 2025 FIVB Men’s World Championship sa Setyembre.   


Pagkatapos ng Alas Invitationals ay sasabak ang mga Pinoy sa 2025 AVC Men’s Volleyball Nations Cup. Ang torneo ay ngayong Hunyo 17 hanggang 24 sa Manama, Bahrain.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page