top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | March 14, 2024



ree


Magbabalik ang isa sa pinaka-minamahal na serye ng takbuhan sa bansa, ang Takbo Para Sa Kalikasan, para sa kanilang ika-7 taon mula pa noong 2018. Gaya ng kinagawian, magkakaroon ng apat na yugto na hahamon sa kakayahan ng mga kalahok kasabay ang pagpapalaganap ng pag-aalaga sa Inang Kalikasan. 

     

Bubuksan ang serye sa Fire Run sa Mayo 5 sa Liwasang Ambahan ng Cultural Center of the Philippines Complex simula 3 a.m.  Tampok dito ang 16 km at iba pang karera sa 10, 5 at 1 km. Bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa Climate Foundation, isang samahan na ang layunin ay labanan ang pagbabago ng klima.  Mula pa noong 2007, ilan sa kanilang mga proyekto ay may kinalaman sa pangangalaga sa karagatan at paglilinis ng hangin. 

      

Lahat ng mga magtatapos ay sasabitan ng medalya at tatanggap ng t-shirt at regalo galing sa mga sponsor. Ito ay dagdag sa numero at damit na makukuha oras na magrehistro. Kasalukuyang ginaganap ang pagpapalista online sa My Run Time at sa Facebook ng Takbo Para Sa Kalikasan.  Tumatanggap din ng kalahok sa piling mga sangay ng Chris Sports. 

       

Mayroon ding Virtual Run para sa mga hindi makakapunta ng CCP.  Tumakbo lang sa Mayo 4 at 5 at ipadala ang katibayan ng distansiya at oras upang matanggap ang parehong medalya at mga t-shirt.  Pagkatapos ng Fire Run ay susunod ang Water Run (Hulyo 14), Air Run (Setyembre 22) at Earth Run (Nobyembre 17).  Ang mga makakabuo ng apat na yugto ay makakakuha ng sabitan para sa apat na medalya. 

    

Samantala, abangan ang iba pang mga parating na alay ng Green Media Events.  Gaganapin ang NASTA-TESDA Tek-Bok Run sa Abril 13 at susundan agad ng APO Half Marathon: Race To Rescue sa Abril 14, pareho sa CCP Complex.


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | March 13, 2024



ree


Pinaghalong mga beterano at mga bagong pangalan ang 28 na magbubuo ng Philippine Men’s Football National Team para sa kanilang dalawang mahalagang 2026 FIFA World Cup at 2027 AFC Asian Cup Qualifier Grupo F kontra Iraq ngayong Marso.  Ito na rin ang unang pagsubok para sa bagong talagang head coach Tom Saintfiet na buhayin ang kampanya ng pambansang koponan. 

      

Unang haharapin ng mga #139 Pinoy ang #59 Iraqi sa Basra sa Marso 21.  Magkikita sila muli sa Marso 26 sa Rizal Memorial Stadium kung saan umaasa ang Philippine Football Federation na mauulit ang 10,000 nanood noong mga laban kontra Vietnam at Indonesia noong nakaraang taon. 

       

Pangungunahan muli ang listahan ni goalkeeper Neil Etheridge na may pinakamatagal na serbisyo.  Ang kanyang mga kapwa-goalkeeper ay sina Patrick Deyto at Kevin Ray Mendoza. 

       

Ang mga forward ay mga bituin ng Philippines Football League (PFL) Jarvey Gayoso, Chima Uzoka, at JB Borlongan kasama ang beterano Patrick Reichelt.  Nandiyan din ang mga kabataan Theo Libarnes at Andres Aldeguer. 

       

Tumanggap ng malaking tulong ang midfield sa pagdating ng magkapatid Michael at Mathew Baldisimo galing Canada na matagal na liniligawan ng koponan.  Mga subok na ang kanilang makakasama na sina Mike Ott, Kevin Ingreso, OJ Porteria, Santiago Rublico, Justin Baas, Oskari Kekkonen at Mark Swainston. 

      

Ang mga defender ay sina Daisuke Sato, Amani Aguinaldo, Jefferson Tabinas, Pocholo Bugas, Christian Rontini, Jesper Nyholm, Simen Lyngbo, Marco Casambre at Jesse Curran.  Ang tanging baguhan ay ang kapatid ni Tabinas na si Paul Tabinas. 

       

Malalim na butas ang aakyatin ng Pilipinas matapos matalo sa Vietnam at tumabla sa Indonesia.  Optimistiko si Coach Saintfiet na makakuha sila ng magandang resulta sa Iraq at mula doon ay sisikapin na talunin ang mga Vietnamese at Indones sa kanilang mga tahanan sa Hunyo.  


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | March 11, 2024



ree


Naging unang manlalaro si Luka Doncic na may anim na sunod na triple-double na may higit 30 puntos sa 142-124 tambakan ng Dallas Mavericks sa kulelat na Detroit Pistons sa NBA kahapon sa Little Caesars Arena.  Kasabay nito ay pinatibay ng Boston Celtics ang hawak nila sa liderato ng liga sa 117-107 panalo sa Phoenix Suns. 

       

Pinitas ni Doncic ang ika-10 rebound upang makumpleto ang triple-double at pinaupo na siya sa nalalabing tatlong minuto at komportableng lamang ang Mavs, 128-108.  Nagtapos siya na may 39 puntos, 10 rebound at 10 assist. 

       

Nagsimula ang pamamayagpag ni Doncic noong Pebrero 29 laban sa Toronto Raptors.  Sa nakalipas na anim na laro ay pantay ang Mavs sa 3-3 subalit wagi sa huling dalawa para sa kartadang 36-28 at ika-walo sa Western Conference.

       

Lumamang ng maaga ang Suns, 18-14, pero binura ito agad nina Jayson Tatum at Jaylen Brown para kunin ang first quarter at hindi na isinuko ito, 31-26.  Nakatamasa ng ilang 15 puntos na lamang ang Celtics, ang huli ay 103-88 sa shoot ni Brown at walong minuto ang nalalabi, at kumapit sa gitna ng tangkang humabol ng Phoenix sa likod ni Kevin Durant. 

      

Uminit para sa 13 ng kanyang 29 si Tatum sa fourth quarter at may dagdag na 10 rebound.  Sumuporta si Brown na may 27 at nasayang ang trinabaho ni Durant na 45 puntos at 10 rebound. 

      

Nilampasan ng World Champion Denver Nuggets ang hamon ni Jordan Clarkson at Utah Jazz, 142-121, salamat sa 37 ni Jamal Murray.  Ang tagumpay ay kasunod ng 115-109 panalo ng Nuggets sa numero unong Boston noong Biyernes. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page