top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 23, 2024


Sports News
Photo: ScreenGrab from VNL / FB

Mga laro ngayong Linggo – MOA


11:00 AM Alemanya vs. Iran


3:00 PM Pransiya vs. Brazil


7:00 PM Japan vs. Estados Unidos



  Tunay na hiyang ang Canada sa MOA Arena at winalis nila ang lahat ng apat nilang laro sa pagwawakas ng kanilang kampanya sa 2024 FIVB Men’s Volleyball Nations League (VNL) kahapon.  Nagpamalas ng husay ang mga Canadian kontra sa Netherlands – 21-25, 25-22, 28-26, 14-25 at 15-9 – at ngayon ay paghahandaan ang quarterfinals. 


       Sumandal muli ang Canada sa malupit na tambalan nina Stephen Maar na may 18 at Eric Loeppky na may 14 puntos.  Pinabayaan si kapitan Nimir Abdel-Aziz na umusok  para sa 37 at nabantayan na mabuti ang ibang mga Olandes. 


      Sa kartadang 8-4, hihintayin na lang ng Canada ang makakaharap sa quarterfinals.  Tanggal ang mga Olandes sa 3-9.


       Hindi nagpahuli ang Estados Unidos at patuloy ang pagpalag sa lumiliit na pag-asang mapabilang sa sunod na yugto at nagtagumpay sa Alemanya – 25-23, 21-25, 26-24 at 25-23.  Bumuhos ng 23 si Matthew Anderson at nag-ambag ng 20 si Torey Defalco at pumasok ang mga Amerikano sa tabla sa 5-6 kasama ang mga naglalaro sa Ljubljana na Serbia at Argentina para sa ika-walo at huling upuan. 


       Samantala, hindi binigo ng paborito Japan ang kanilang mga tagahanga at winalis ang Netherlands Biyernes ng gabi, 25-18, 25-19 at 25-20 para lalong masemento ang kanilang pagpasok sa quarterfinals sa kartadang 7-3.  Namuno sa atake sina Yuji Nishida na may 16 at kapitan Yuki Ishikawa na may 15 puntos. 


     Haharapin ng mga Hapon ang mga Amerikano sa tapatan ng maituturing na dalawang pinakasikat na koponan sa huling araw ng palaro ngayong Linggo sa 7:00 ng gabi.  Bago noon ay magtutuos ang Alemanya at Iran sa 11:00 ng umaga at Pransiya laban sa Brazil sa 3:00 ng hapon.

  


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 22, 2024


Sports News
Photo: Screengrab from VNL / FB

Mga laro ngayong Sabado – MOA


11 AM Alemanya vs. Estados Unidos


3 PM Canada vs. Netherlands


7 PM Pransiya vs. Japan


 Pasok na ang Canada sa knockout quarterfinals ng 2024 FIVB Men’s Volleyball Nations League (VNL) matapos ang pinaghirapang 26-24, 25-19 at 26-24 tagumpay sa Brazil Biyernes sa MOA Arena.  Sa isa pang laro, napigil ng Pransiya ang umaarangkadang Iran, 25-21, 25-17 at 25-20. 


       Parehong bitbit ang kartadang 6-3, hindi nagbigayan ang Canada at Brazil sa unang set.  Naging mas madali ang pangalawang set subalit  kinailangan ng mga Canadian na ipasok ang magkasunod na puntos upang kumalas sa 23-23 tabla at kunin ang laban. 


       Binuhat ang Canada ni outside hitter Eric Loeppky na nagtala ng pantay na tig-7 puntos sa bawat set para sa 21 puntos.  Sa kanilang ika-7 panalo sa 11 laro, nakakasiguro na ang Canada sa ika-6 na puwesto papasok sa huli nilang laro ngayong araw kontra Netherlands simula 3 p.m.


        Pinalamig ng mga Pranses ang mga Iranian na nasa gitna ng dalawang tagumpay sa Estados Unidos at Netherlands.  Nagpakitang-gilas ang tambalang Jean Patry na may 16 at Trevor Clevenot na may 12 puntos. 


      Umangat ang Pransiya sa 7-3, kalahating laro ang lamang sa 7-4 Canada.  Haharapin ng mga Pranses ang Japan sa tampok na laro ng 7 p.m.


       Samantala, nanalo na ang Estados Unidos ngayong yugto at iniligpit ang Brazil sa limang set – 25-21, 18-25, 25-21, 22-25 at 15-9 – noong Huwebes ng gabi sa likod ng 21 ni Torey Defalco at tulong nina Maxwell Holt, Matt Anderson at Taylor Averill.  Mahalaga na mawalis ng mga Amerikano ang mga nalalabing laro sa Alemanya ngayon at Japan sa Linggo upang magkaroon ng pag-asa sa quarterfinals na gaganapin sa Poland mula Hunyo 27 hanggang 30. 

 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 27, 2024


sports news
File photo: Boston Celtics / IG

Laro ngayong Lunes – American Airlines Center


8 a.m. Minnesota vs. Dallas



      Bumida si Jrue Holiday sa huling mga segundo upang maisalba ng Boston Celtics ang 114-111 panalo sa Game Three ng 2024 NBA Eastern Conference Finals kahapon sa Gainbridge Fieldhouse.  Isang panalo na lang ang kailangan ng Boston para mawalis ang seryeng best-of-seven at pumasok sa NBA Finals. 


      Kinumpleto ni Holiday ang three-point play buhat sa foul ni Pascal Siakam na ibinalik ang lamang sa Celtics, 112-111, at 39 segundo sa orasan.  Mula roon ay inagaw ni Holiday ang bola kay Andrew Nembhard at napilitang mamigay muli ng foul si Siakam at itigil ang oras. 


      Binalikan ng mga reperi ang video at nagpasya na gawaran ng dalawang free throw si Holiday na walang kabang ipinasok ito at 1.7 ang nalalabi.  May pagkakataon pa ang Pacers subalit nagmintis ang tres ni Aaron Nesmith. 


       Matiyagang humabol ang Celtics mula 66-84 sa kalagitnaan ng 3rd quarter.  Nakatutok ang pansin sa tambalang Jayson Tatum at Jaylen Brown at nagtrabaho sila upang palapitin ang Boston hanggang ipasok ni sentro Al Horford ang kanyang ika-7 three-points ng laro para maging 109-111 at ihanda ang daan para kay Holiday

     Nanguna si Tatum na may 36 puntos at 10 rebound habang 24 si Brown at 23 kay Horford.  Ipinasok ni Holiday ang siyam ng kanyang 14 sa 4th quarter. 


       Nagtala ng 32 si Nembhard na sinundan ni reserba TJ McConnell na may 23.  Malaking bagay ang hindi paglaro ni Tyrese Haliburton na sumakit ang hita noong Game 2 at titingnan pa kung handa siya para sa Game 4 ngayong Martes. 


      Samantala, umaasa ang Dallas Mavericks na ang paglaro ngayong ang magdudulot ng 3-0 bentahe sa Minnesota Timberwolves.  Titingnan kung anong mahika ngayon ni Luka Doncic na mabangis ang ipinakita upang maagaw ng Mavs ang naunang dalawang mahigpitang tagumpay.  



 
 
RECOMMENDED
bottom of page