top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 21, 2024


Sports News
Photo: SGA / FB

Isang panalo na lang ang kailangan ng Strong Group Athletics upang mauwi ang 2024 William Jones Cup.  Ipinakita ng koponang Pinoy ang kanilang kahandaan sa 96-70 demolisyon ng host Chinese-Taipei White Sabado ng gabi sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City para manatiling perpekto sa pitong laro. 


Dahil dito, nakatakda na magtuos ang Athletics at isa pang host at walang talo Chinese-Taipei Blue para sa tropeo ngayong Linggo sa pinakahuling laro ng torneo simula 7 ng gabi.  Ayon sa patakaran, ang koponan na may pinakamataas na kartada ay agad kokoronahan. 


Unang quarter pa lang ay itinuloy ni DJ Fenner ang kanyang mahusay na laro laban sa Japan Under-22 noong Biyernes para pumatak ng pitong puntos at bumuo ng malupit na kombinasyon kasama ang kapwa gwardiya RJ Abarrientos na nagdagdag ng anim.  Wala ding nakabigil sa pamamayagpag sa ilalim ni Chris McCullough na nag-ambag ng anim din patungo sa 30-15 bentahe at matalinong inalagaan ito. 


Lalong lumobo ang agwat pagsapit ng halftime, 57-31, at lahat na ipinasok ni Coach Charles Tiu ay gumana sa pangunguna nina Keifer Ravena at Jordan Heading.  Ipinahinga sa ikalawang sunod na araw sina Tajuan Agee (sakit), Rhenz Abando (kamay) at Ange Kouame (tuhod) at titingnan kung makakalaro sila sa kampeonato. 


Halimaw si McCullough sa kanyang 25 puntos kahit hindi na siya ginamit sa huling quarter.  Sumuporta si Ravena na may 14 at Abarrientos na may 13 habang 12 si Fenner at 11 si Heading. 


Tinatapos ang tapatan ng Chinese-Taipei Blue at kulelat na Brisbane South Basketball League (BSBL) Guardians ng Australia kagabi.  Kasalukuyang 6-0 ang Blue habang 1-5 ang Guardians. 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 20, 2024


Sports News
Photo: SGA / FB

Laro ngayong Sabado – Xinzhuang Gym


5 p.m. Strong Group vs. Chinese-Taipei White


Kahit kulang ay nagtulungan ang Strong Group Athletics upang masugpo ang Japan Under-22, 92-79, sa pagpapatuloy ng 2024 William Jones Cup kahapon sa Xinzhuang Gym.  May bagong bidang umusbong na si point guard DJ Fenner na malaking bagay sa ika-6 na sunod nilang panalo at paghahandaan na ang pinakamahalagang laro ngayong Sabado at Linggo. 


Pumutok para sa 11 puntos sa pangalawang quarter si Fenner at pinalaki ang 22-18 lamang sa 54-36 pagsapit ng halftime.  Mula roon ay itinatak ng mga beterano ng Strong Group ang kanilang kalidad laban sa mga biglang hindi makapormang batang Hapon sa pangunguna ni Chris McCullough na nagbagsak ng 10 sa pangatlong quarter. 


Nagtapos si McCullough na may 26 habang nag-ambag ng 17 si Fenner.  Sumunod si Jordan Heading na may 11, walo sa unang quarter. Nanguna sa Japan si Hiyuu Ozawa na may 17.  Bumagsak ang mga Hapon sa 3-3 sabay laho ng pag-asa sa korona. 


Si Fenner ay 6’6” at anak ni Derrick na naglaro ng 10 taon sa National Football League bilang running back at kanyang Pinay na asawang si Carolyn.  


Nanigurado ang koponan at ipinahinga si import Tajuan Agee na may karamdaman matapos ang higanteng inilaro niya kontra Future Sports ng Amerika noong isang araw.  Nagpapagaling din ng pilay sa kamay si Rhenz Abando habang masakit ang tuhod ni Ange Kouame. 


Masusubukan ang Strong Group sa tapatan nila ngayong Sabado kontra Chinese-Taipei White.  Kahit may kartadang 2-3 ay nananatiling delikadong kalaro ang mga Taiwanese na sasandal sa kanilang mga tagahanga. 


Kung magwawagi ang Athletics ay paghahandaan nila ang dambuhalang salpukan sa kapwa walang talo na Chinese-Taipei Blue (5-0) para sa kampeonato sa Linggo.  Ang may pinakamataas na kartada matapos ang tig-8 laro ay tatanghaling kampeon.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 14, 2024


Sports News

Kahit may guhit ng pagong sa damit ay tiyak bibilisan ng lahat ng mga kalahok sa paglarga ng Water Run, ang ikalawang yugto ng seryeng Takbo Para Sa Kalikasan 2024 sa CCP Complex ngayong Linggo simula 3:00 ng madaling araw.  Hatid ito ng Green Media Events na dala ang positibong enerhiya mula sa matagumpay na unang yugto ng Fire Run noong Mayo 5. 


       Asahan ang matinding palitan ng hakbang sa kahabaan ng Roxas Boulevard kung saan daraan ang mga kalahok sa 18, 10 at limang kilometro.  Ang espesyal na isang kilometro para sa mga bata ay sa loob ng CCP. 


       Dahil ito ay Water Run, aapaw ang inuming tubig sa mga himpilan subalit hinihimok muli ang lahat na magdala ng sariling lalagyan upang mabawasan ang kalat.  May mga kawani ng Bureau of Fire Protection na handang bugahan ang mga tumatakbo. 


        Para sa mga nagtapos ng Fire Run, pagkakataon ito para makamit ang pangalawang sa apat na piraso para maidugtong at mabuo ang naglalakihang medalya sa katapusan ng serye.  Marami ring naghihintay na mga premyo sa raffle pagkatapos ng karera. 


        Bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa mga proyekto ng Pawicare sa San Narciso, Zambales na ang layunin ay alagaan at paramihin ang mga pawikan.  Ngayon pa lang ay napipintong isa muling tagumpay ang Water Run dahil maagang nagsara ang pagpapalista noong Hulyo 1 sa dami ng gustong tumakbo. 


       Ang BULGAR ay opisyal na media partner ng Water Run at ng buong TKPSK serye.  May mga inihandang mga regalo para sa mga ka-BULGAR kaya hanapin lang ang makulit pero sobrang cute na si Bulgarito mascot.


       Susundan ang Water Run ng Air Run Half-Marathon sa Setyembre 22.  Ang ika-apat at huling karera ay ang Earth Run na 25 kilometro sa Nobyembre 17. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page