top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 17, 2024


Sports News
Photo: One Sports & Ateneo De Manila University / FB

 Kinoronahan ang Ateneo de Manila University bilang pinakaunang kampeon ng UAAP Esports NBA 2K sa pagbukas ng bagong kabanata sa mayaman na kasaysayan ng nangungunang liga ng mga paaralan. Hawak ang bentahe na maglaro sa sariling tahanan, dinaig ni Paolo Jesus Medina ng Blue Eagles si Kegan Audric Yap ng De La Salle University Viridis Arcus sa Game 3 ng seryeng best-of-three, 74-63, Huwebes ng gabi. 


Sa Game One, humabol si Medina  mula sa 30-50 upang maagaw ang tagumpay, 77-75.  Bumawi si Yap at kinuha ang Game 2, 93-89. 


Winalis ni Medina si Daemiel Erzbet Argame ng University of Santo Tomas Teletigers sa semifinals, 96-92 at 119-81.  Kinailangan ni Yap ng tatlong laro bago pabagsakin ang isa pang Teletiger Eryx Daniel delos Reyes, 65-53, 72-83 at 88-67. 


Kinalimutan ni Medina ang pagkatalo niya sa unang dalawang laro sa Grupo A ng elimination round at nanaig sa huling limang laro upang magtapos sa 5-2 at pangalawa kay delos Reyes na 6-1.  Perpektong 7-0 si Argame sa Grupo B at 6-1 si Yap. 


Ang kampeonato ang bunga ng anim na buwan na paghahanda.  Ayon kay Ateneo coach Nite Alparas, malaking hamon na ipagsabay ang ensayo at pag-aaral subalit habang papalapit ang UAAP ay lumakas ang paniniwala niya na makukuha ng Blue Eagles ang titulo. 


Si Coach Alparas ang humahawak din sa pambansang koponan E-Gilas at nakikita niya ang potensiyal nina Medina at Yap na katawanin ang Pilipinas.  May parating na torneo ng E-FIBA na punong-abala ang Pilipinas sa Disyembre. 


Samantala, magsisimula ngayong Sabado ang inaabangang bakbakan sa Mobile Legends: Bang Bang.  Babalik ang walong paaralan sa Ateneo simula 10:00 ng umaga at tatakbo ang torneo hanggang Agosto 21.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 10, 2024


Sports News
Photo: Circulations / FB

Napili sina Carlos Yulo ng Artistic Gymnastics at Aira Villegas ng Boxing para magdala ng watawat ng Pilipinas sa pormal na pagsasara ng Paris 2024 Olympics sa gabi ng Linggo sa Paris, Lunes ng umaga (oras sa Pilipinas) sa Stade de France.


Sasamahan nila ang mga kapwa atleta upang ipagdiwang ang matagumpay na dalawang linggo ng mainitang kompetisyon na papalitan ng kasiyahan at pakikipagkaibigan.


Nararapat lang ang dalawa at si Yulo ang unang Pinoy na may dalawang ginto mula sa Floor Exercise at Vault at nangyari ito sa iisang Olympics. Nakamit ni Villegas ang tanso sa kanyang unang Olympics.


\Matapos ang kontrobersyal na pambungad na palabas noong Hulyo 28 ay nagpasya ang muling pag-aralan ng mabuti ang magiging laman ng pagsara. Umani ng batikos ang itinuring na malaswang pagganap ng Huling Hapunan ng Panginoong Hesus kung saan ang mga gumanap ay mga kasapi ng LGBTQ.

\Nakabalot ang listahan ng mga magtatanghal na artista subalit ilan sa mga nabubulong na pangalan ay sina Billie Eilish, Red Hot Chili Peppers at si Snoop Dogg. Gagawa raw si Tom Cruise ng eksena na hango sa kanyang mga pelikula kung saan tatalon siya mula sa himpapawid o sa bubong sa bahagi ng seremonya kung saan ipapasa ng Paris ang pagiging punong-abala sa Los Angeles sa 2028.


Tiyak na babaha ang emosyon kasabay ng pag-apula ng apoy ng Olympics. Subalit kasabay nito ang pangako ng mga atleta na magtitipon muli upang sariwain ang kanilang ugnayan sa loob at labas ng palaruan.


Uuwi agad sina Yulo, Villegas at mga nalalabing na opisyal at staff ng Team Pilipinas. May nakaplanong parada para sa kanila sa Maynila at sa mga lugar ng kanilang paninirahan maliban sa maraming gantimpalang salapi at regalo para sa mga nag-uwi ng medalya.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 10, 2024


Sports News
Photo: Paris Olympic 2024 / FB

Tatlong akyat sa entablado lang ang itinagal ng pinakaunang sabak ni Vanessa Sarno sa Paris 2024 Weightlifting Sabado ng umaga sa Paris South Arena #6. Namarkahan ang 20-anyos na baguhan na hindi nakapagtapos bunga ng bigo niya mabuhat ang pambungad na 100 kilo sa Snatch ng Women’s 71-kilogram Category.


Sa tatlong subok, nabuhat niya ang barbell lampas ng kanyang ulo subalit binitawan niya agad ito bago siya nakatayo. Dahil wala siyang nabuong buhat ay hindi na siya pinatuloy sa Clean and Jerk at naging ika-12 at huli sa kompetisyon.


Ito ang unang pagkakataon na may timbang na Women’s 71 kaya nagtakda ng Olympic Standard para kilalanin bilang bagong Olympic Record. Tanging ang nagwagi ng ginto Olivia Reeves ng Estados Unidos ang bumuhat ng 117 kilo sa Snatch para higitan ang itinakdang 115 para maging unang may-hawak ng Olympic Record.


Hindi naabot ng Amerikana ang 148 para sa Clean and Jerk at 265 para sa Total at 145 lang ang nakuha niya para sa kabuuang 260. Pilak si Mari Leivis Sanchez ng Colombia sa 257 at tanso si Angie Paola Palacios ng Ecuador sa 256.


Ang iba pang nagtapos ay sina Siuzanna Valodzka ng Neutral Athletes (246), Marie Fegue ng Pransiya (243), Chen Wen Huei ng Chinese-Taipei 236, Joy Ogbonne Eze ng Nigeria (232), Amanda Da Costa Schott ng Brazil (229), Neama Said ng Ehipto (222) at Jacqueline Nichele ng Australia (209). Kasama ni Sarno sa mga hindi nagtapos si Loredana Elena Toma ng Romania na walang nabuhat sa Clean and Jerk matapos ang 115 sa Snatch.


Kahit bigo ay nanatiling positibo si Sarno at nagpasalamat na nakaabot siya sa Olympics. Alam niya na dadating muli ang pagkakataon sa Los Angeles 2028 at pati rin sa Brisbane 2032.


Inabot ang alamat na si Hidilyn Diaz ng dalawang Olympics noong Beijing 2008 at London 2012 bago nakamit ang pilak noong Rio 2016. Iyan ang naglatag ng daan para sa makasaysayang ginto sa Tokyo 2020.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page