top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Mylene Alfonso @News | May 31, 2026



Alan Peter Cayetano - Senate PH

Photo: Senate PH



Inakusahan ni Senate President Alan Peter Cayetano na tinatakot umano ang ilang miyembro ng Senate majority ng administrasyong Marcos upang mapilitan silang lumipat sa minority at makabuo ng panibagong liderato sa Senado.


Ayon sa live stream post ni Cayetano nitong Biyernes, ilalabas ng mga senador ang ebidensya ng umano’y pananakot upang mapigilan ang pagbuo ng isang “independent Senate”.


Ani Cayetano, may mga alegasyon umano na pinipilit ang ilang mambabatas na lumipat ng grupo kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso, habang ang mga hindi lilipat ay kakasuhan.


“Wala kaming problema kung sa korte ay patunayan na sila ay guilty o hindi. Ang problema po namin 'yung gagamitin 'yung threat na 'pag lumipat ka dito, wala ka nang kaso. ‘Pag d'yan ka, tutuluyan ka namin," diin ni Cayetano.


"In the next few days, option po ng mga senador na maglabas ng ebidensya ng pananakot para hindi namin mabuo 'yung independent na Senate," wika pa ni Cayetano.


Sa gitna ng mga isyu sa Senado, ilang miyembro ng majority bloc ang nahaharap sa mga kasong kriminal.


Kabilang dito si Sen. Jinggoy Estrada na kinasuhan ng plunder at graft kaugnay ng umano’y P573 milyong anomalya sa insertions at kickbacks. Nakapagpiyansa siya ng P90,000 para sa kasong graft.


Ayon sa Office of the Ombudsman, susunod na kakasuhan si acting majority leader Joel Villanueva sa korte, habang may mga reklamong plunder din na kinakaharap sina Sen. Francis Escudero at Rodante Marcoleta.


Mariing itinanggi ng mga senador ang mga nabanggit na paratang.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | May 27, 2026



Alan Peter Cayetano - Senate PH

Photo: Senate PH



Unti-unti na umanong nawawala ang dignidad at kredibilidad ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Alan Peter Cayetano. 


Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, malayo na ang kasalukuyang Senado sa panahon nina Jose “Pepe” Diokno, Raul Roco, Juan Flavier, Miriam Defensor Santiago, at Franklin Drilon — mga lider na hindi lamang kilala sa talino kundi pati sa disiplina, statesmanship, at respeto sa institusyon. 


Para kay Goitia, malinaw itong makikita sa reorganisasyon ng Blue Ribbon Committee. Marami umano ang nagtaas ng kilay matapos italaga si Sen. Rodante Marcoleta bilang vice chairman sa kabila ng mga reklamong kinahaharap nito na may kaugnayan sa plunder, bribery, at umano’y campaign irregularities. 


Tinukoy din ni Goitia ang naging kilos ng ilang senador mula sa mayorya kaugnay ng ICC warrant of arrest laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa kasong crimes against humanity. Aniya, lumakas ang persepsyon ng publiko na mas inuuna ng ilang miyembro ng Senado ang pagprotekta sa mga political ally kesa pangalagaan ang integridad ng institusyon. 


Binigyang-diin din niya ang naging pahayag ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa na hindi dapat maging instrumento ng impunity ang hudikatura. 

Ikinumpara rin ni Goitia ang kaguluhan sa Senado sa direksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ayon sa kanya ay nananatiling nakatutok sa pamamahala at sa mga pangunahing problema ng bansa.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 31, 2023




Hinimok ni Sen. Alan Peter Cayetano ang pamahalaan na gawin ang tama at huwag idaan sa lakas ang pagtugon sa West Philippine Sea (WPS).


Ginawa ni Cayetano ang pahayag matapos ang debate sa Senado tungkol sa Senate Resolution 659 na inihain ni Sen. Risa Hontiveros.


Layon ng resolusyon na hikayatin ang Philippine government sa pamamagitan ng

Department of Foreign Affairs na maghain ng resolusyon sa United Nations General Assembly na mananawagan sa China na itigil na ang pangha-harass sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa WPS.


Dapat umanong magpatuloy ang diskusyon sa WPS at kailangan ng “maturity” sa pagtugon sa problema at pagbuo ng istratehiya.


Sinabi rin ng mambabatas na dapat maalam ang bansa sa usapin ng geopolitics at maging sensitibo sa mga galaw ng magkakaribal na makapangyarihang mga bansa.


Unang sinabi ni Cayetano sa plenaryo na kaisa siya ng mga senador sa panawagan na itigil ng China ang harassment sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas, pero iginiit niya na dapat maging maingat sa kung anong istratehiya ang gagawin na hindi ikakahina ng bansa sa harap ng international community.


Sinabi rin ni National Security Adviser Eduardo Año na dapat pinag-iisipan at pinag-uusapan nang maayos ang isyu bago gumawa ng anumang hakbang lalo na kung ito ay tungkol sa pag-akyat sa UNGA.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page