top of page
Search

ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | November 21, 2021





Dahil Best Actress ang kanyang makakasama sa seryeng Viral Scandal na si Charlie Dizon, aminado ang Kapamilya actor na si Joshua Garcia na isang challenge para sa kanya (na wala pang Best Actor award) na makasama ang magaling na aktres.


Pinarangalan bilang pinakamagaling na aktres si Charlie nu'ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2020 para sa pelikulang Fan Girl. Kaya naman, impressed si Joshua sa akting ni Charlie.


“Magaling siya. Grabe, lahat ng mga choices du'n, talon sa bangin talaga, 'yung ganu'n. Ako, nagulat ako sa kanya ru'n kasi ibang Charlie 'yun sa nakilala ko ngayon. Ang galing lang. Na-appreciate ko 'yung trabaho niya ru'n, ang galing!” bungad ni Joshua.


Nakilala niya ang tunay na Charlie on and off-cam while working on Viral Scandal at lalong lumalim daw ang admiration nito sa dalaga.


“Okay siya bilang tao. Mausap (read: makuwento), magaling siyang mag-approach, approachable siya. Kaya gusto ko lang kung paano siya.... Mahilig siyang mag-take ng risk as a person, at hindi ko masabi, eh, gusto ko siya as a person.


"Hindi ko ma-explain 'yun. Wala akong masabi. Talagang tama siya, 'yung dapat na maging Best Actress nga talaga siya. Magaling si Charlie. Magaling naman siya sa trabaho niya and I think isa siya sa buhay sa set,” buhos na paghanga ng binatang aktor sa dalaga.


Kaya naman after Viral Scandal, umaasa si Joshua na magkatrabaho muli siya, this time, magaan ang tema, tipong rom-com.


“Sana, makagawa kami ng rom-com. Actually, nami-miss ko na 'yung mga ganu'ng character, eh. 'Yung rom-com na komedyante. Medyo 'yung mga characters ko kasi rito, puro seryoso, eh, (laughs). Nahirapan ako magpatawa, eh. 'Yun lang. Na-enjoy ko gumawa ng rom-com.


Ibang feeling siya. Mas nakakagalaw ka nang maayos,” aniya.


May mensahe rin siya sa aktres na sulitin at i-enjoy ang pinasukang trabaho.


“Enjoy mo lang siguro 'yung ride sa trabaho mo. Enjoy-in mo lang. Sana, magkatrabaho ulit tayo sa iba. Gusto ko lang ma-enjoy mo. Ako kasi, hindi ko masyadong na-process 'yung journey ko pero nag-enjoy ako. And hindi ko pinagsisihan. Nu'ng pagkatapos na, naririto pa rin ako, nag-reminisce ako, sabi ko, ‘Buti na lang, in-enjoy ko 'yung journey ko.’


"So, 'yun lang masasabi ko, enjoy-in mo 'yung journey mo, 'yung bawat nakikilala mo sa industriya natin, 'yan i-treasure mo sila,” paliwanag niya.


Kasama nina Joshua at Charlie sa Viral Scandal series sina Jake Cuenca, Dimples Romana, Ria Atayde, Miko Raval, Jameson Blake, Markus Paterson, Ria Atayde, Aljon Mendoza, Karina Bautista, Louise Abuel, Kaila Estrada, Vance Larena, Gian Magdangal, Arielle Roces, and Aya Fernandez at mapapanood ito sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC and TFC IPTV.



 
 

ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | November 20, 2021





Sa Who's Who? o Sino Ang? challenge sa pinakabagong vlog ni Vice Ganda, sumabak ang It's Showtime host kasama ang boyfriend na si Ion Perez sa ilang katanungan, gaya ng kung sino sa kanilang dalawa ang mas may angking talent sa pagpapatawa.


Paliwanag ni Vice, kung siya ay nakakatawa sa kanyang mga programa o pelikula, mas 'di hamak daw na komedyante si Ion sa totoong buhay lalo na't kapag nasa bahay sila at walang nakatutok na camera.


"Sa trabaho, siyempre, ako, kasi trabaho ko 'yun. Kilala n'yo naman ako, kapag hindi ako nagtatrabaho, hindi ako nagpapatawa, 'no, seryoso ako sa buhay. Ito (si Ion), sa totoong buhay, patawa siya, 'yung kahit hindi niya sinasadya, nakakatawa siya," sagot ni Vice.


Sa tanong naman kung sino ang mas papansin sa kanilang dalawa ni Ion, sagot ng Unkabogable Star, "Parang ako. Kasi siya, 'pag naglinis na siya ng motor, mahaba 'yun, akala mo nagpadede ng bata, nagpaligo, nagpat*e, nagpatulog, ganu'n kahaba. Tapos, kapag nakatapat na rin siya sa laptop niya, tututok na rin siya. So ako, mas papansin ako.


"Kasi ako, hindi niya ako iniistorbo. Kaya kapag gusto ko na makipaglambingan, ako na 'yung gagawa ng paraan. Kasi hindi niya ako iistorbohin, hindi niya kinukuha 'yung atensiyon ko."


Si Vice rin daw ang mas maalaga at palaging unang nanunuyo lalo na't sila'y may tampuhan.


"Ako. Because I have a nurturing heart, I have nurturing hands. Charot. Maalaga ako talaga.


"Ako ang laging gumagawa ng paraan para maging maayos ang lahat. Sa dami ng stress sa buhay, kung ano 'yung pinakamabilis na gawan ng paraan, gawan na agad ng paraan. Kung ano 'yung pinakamadaling solusyunan, solusyunan. Ayoko nu'ng matutulog na magkaaway, ayaw ko ng ganu'n. Sayang ang time kaya suyo agad, ayusin agad."


Ayon pa kay Vice, siya ang mas maalaga kay Ion, pero mas sweet daw sa kanya ang boyfriend.


"Siya," sabay paliwanag na, "Mas touchy-feely si Ion, pero sweet din ako. Ang tanong mo lang kasi, sino 'yung mas, eh."


Si Ion din umano ang unang nahulog sa kanilang dalawa, at ito rin ang unang nagsabi ng "I love you."


"Siya…. Patay na patay siya sa akin, eh," biro ni Vice, na sinagot naman ni Ion ng, "Ako, hinahalikan ko pa nga 'yan, eh, tapos umiilag-ilag siya."


Aminado naman ang dalawa na pareho silang seloso.


"Ay, hindi namin problema 'yun. Walang madalas magselos pero may instance na nagselos, siya (Ion) 'yun, pero isang beses lang. Hindi kami nagseselos, saka iniiwasan naming gumawa ng dahilan para makaramdam ng ganu'n. Kunwari ako, kahit alam ko namang hindi siya seloso, kung feeling ko, baka ma-affect siya, o baka magselos nang kaunti, iiwas na ako.


"Saka, siya naman kasi, kapag alam niyang may pupuntahan siya, tapos feel niya na magseselos ako, magpapaalam naman siya, eh. Sasabihin naman niya, 'Babe, okay lang na pumunta ako sa ganito?' 'Oo, sige, Babe. Okay lang.' Iniiwasan talaga namin 'yung selos," dagdag ni Ion.


Dahil masaya silang pareho, sa tingin ni Vice, walang sinuman sa kanila ni Ion ang bibitaw sa kanilang relasyon.


Katwiran ni Vice, "Definitely, hindi ako. Ako, ha, personally hindi ko nararamdaman sa amin 'yun. Sa puntong 'to ngayon, ha, kung gaano ka-intense 'yung samahan namin, kung gaano ka-intense 'yung feelings namin sa isa't isa, hindi ko 'yan nararamdaman na mangyayari anytime soon. And hindi ko 'yan nararamdaman na kaya ko 'yang gawin. At hindi ko rin nararamdaman na kayang gawin 'yan ni Ion. Kaya for me, sa ngayon, kung gaano ka-intense, parang walang bibitaw," sey ni Vice.


Wala naman daw sukatan ang pagmamahalan ng dalawa, kung sino ang mas nagmamahal sa isa't isa.


"Hindi ko puwedeng ikumpara kung mas malalim 'yung pagmamahal ko sa pagmamahal niya.


Hindi ko masasabing mas mahal ko siya kesa mahal niya ako o mas mahal niya ako kesa mahal ko siya. Kasi siya naman, nakikita ko naman, ibinibigay niya kung ano'ng kaya niyang ibigay, ako rin naman [ganu'n]. Natatanggap ko naman kung ano 'yung deserve ko, siya rin naman. I'm trying my best to give him what he deserves. Hindi 'yun nasusukat.


"Saka parang hindi na mahalaga sa akin din kung sino ang mas lamang. Ang mahalaga, pareho kaming nagmamahal. Ang mahalaga, 'yung mahal ko, minamahal ako, at 'yung mahal ko, minamahal ko rin. Sapat na 'yun, " katwiran ng Unkabogable Star.


Samantala, pinagtalunan din nila kung sino ang mas magaling humalik sa kanilang dalawa.


Sabi ni Vice, mas magaling siya, pero ayaw magpatalo ni Ion na humirit na sumusuko sa halik niya si Vice.


Pagbubuking naman ni Vice, may times na tamad humalik si Ion kaya nagtalo silang dalawa.


'Kalokah!


 
 

ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | November 15, 2021





Inanunsiyo sa programang It's Showtime last Saturday (November 13) ang pinakabagong miyembro ng programa na si Ogie Alcasid.


Sinalubong nang bonggang-bongga ng mga regular hosts ng It’s Showtime ang OPM icon, na nataong nagdiriwang ng kanilang ika-12th anniversary ng misis na si Regine Velasquez ngayong buwan.


Naiyak si King of OPM sa ginawang pag-welcome sa kanya ng mga hosts na sina Vice Ganda, Lovi Poe, Janine Gutierrez, mga anak na sina Sarah, Leila at Nate Alcasid at asawang si Regine Velasquez.


"I just want to say God is good. Of course, last year, hindi maganda ‘yung year na ‘yun for all of us, lalo na sa akin. Namatay ‘yung tatay ko, but you know what, minsan, may plano tayo, pero si Lord, may plano pala. Lord, inilagay mo ako rito, pagsisilbihan kita araw-araw.


Pasasayahin natin ang madlang pipol dahil inilagay N’yo ako rito," saad ni Ogie.


Winelkam at pinasalamatan naman ni Vice Ganda si Ogie sa pagpayag nito na makasama nila araw-araw.


Ani Vice, "Welcome, congratulations, and thank you very much na nagdesisyon ka na magsama-sama tayo araw-araw. Tulung-tulong tayo sa pagsisilbi sa madlang pipol. Ang laki ng maibibigay mo sa programa at sa mga taong pinagsisilbihan ng programang ito. Laki ng sayang idinadagdag mo sa araw-araw. Nagbigay ka ng ibang lasa."


Kinantiyawan pa ni Regine ang asawa dahil sa pag-iyak nito. Malaking pasasalamat niya sa magandang pag-welcome kay Ogie at panatag ang loob niya na kayang-kayang sumabay nito sa masayang pamilya ng It’s Showtime.


"Noong umpisa, medyo natatakot ako kasi ang liit-liit na nga nito, baka apihin pa,” biro pa ng Asia's Songbird sa asawa.


Patuloy niya, "Natutuwa ako noong pagdating niya rito and you (Vice) texted him, he was so happy. Ngayon, hindi na ako natatakot kasi alam ko, safe siya at nakikita ko siya sa TV," pagbabahagi ng Asia's Songbird.


Dagdag pa ni Regine, maipapakita ni Ogie ang husay sa pagpapatawa bilang host sa show.


"Kilala natin ‘yung asawa ko bilang magaling na singer at magaling na songwriter. But it's also part of him being a really good comedian. For a while, he was not able to do that. Parte ng buhay niya ‘yun, so ako lang 'yung pinapatawa niya. Kasi ‘yung comedy nga niya, na-suppress, so dito, good luck na lang sa inyong lahat," sabi niya.


Maraming netizens naman ang natuwa sa balita lalo pa at natupad ang kanilang hiling na maging regular na si Ogie sa It's Showtime. Nag-trending nga ang hashtag na #ShowtimeLabindalaWOAH at tagline na “Ogie Perfect Paayuda” at “Toxic Free” sa Twitter Philippines.


Nagsimula naman ang programa sa pagbubukas ng mga hosts ng kanilang ika-12 taong selebrasyon na may titulong It's Showtime Labindala-WOAH!: 12 Taon Saya at Pagsasama sa pagkanta nila ng original composition nina Vice at DJ M.O.D na Toxic Free.


Napanood din nu’ng Sabado ang paglalaro ni Ogie sa Madlang Pi-Poll kasama si Regine. Sa huli, pinili nilang ibigay ang napanalunan sa madlang pipol. Labindalawang mapapalad na madlang pipol ang naghati-hati sa kabuuang naipanalo ng mga Alcasid at pot money na nakuha nila na nagkakahalagang P105,000 at ang dinagdag na P45,000 ng programa.


Samantala, itinanghal naman si Julieann Torres bilang huling monthly winner ng Reina ng Tahanan matapos makakuha ng 93% combined scores mula sa choosegados na sina Ruffa Gutierrez, Janice de Belen at Lara Quigaman-Alcaraz.


Kaabang-abang naman ang mangyayari sa mga susunod na linggo sa It's Showtime. Sa patuloy nilang pagdiriwang ng12th anniv nila, huwag palampasin ang Wildcard special ng Reina ng Tahanan sa Nobyembre 15 (Lunes) hanggang 19 (Biyernes) at susundan ng Reina ng Tahanan finals sa Nob. 20 (Sabado).


Magsisimula naman ang bagong season ng Tawag ng Tanghalan sa Nov. 22 (Lunes) habang ang pinakahihintay na Magpasikat ay mangyayari sa Nobyembre 27 (Sabado).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page