- BULGAR
- Feb 5, 2022
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | February 05, 2022

Nabulaga ang mga netizens dahil sa aksidenteng kinasangkutan ng aktor na si Diether Ocampo dakong 12:40 nang madaling-araw nitong Biyernes (February 4, 2022).
Ayon sa ulat ng DZRH police reporter na si Noche Cacas, si Diether mismo ang nagda-drive ng sasakyan niyang SUV Ford Explorer nang bumangga ito sa nakahintong garbage truck sa may service road ng Osmeña Highway sa Bgy. Pio del Pilar, Makati City, bago dumating sa Arnaiz Avenue.
Sa ulat pa ng Bantay Bayan ng Bgy. Pio del Pilar na si Joel Alicante, mabilis daw ang pagpapatakbo ni Diether ng kanyang SUV habang binabaybay nito ang service road ng Osmeña Highway. Diumano'y amoy-alak ang aktor nu'ng mga sandaling 'yun.
Walang naiulat kung may kasama ang aktor sa sasakyan.
Sa lakas ng impact, wasak ang kaliwang harapan ng SUV ni Diether at ang malakas na pagbangga ay ikinagulat din ng truck driver na kasalukuyang abala sa pangongolekta ng basura nu'ng mga oras na 'yun.
Sa tulong ng ilang residente ng lugar, kaagad namang nai-report at rumesponde ang Philippine Red Cross na nagdala kay Diether sa Makati Medical Center na nagkaroon ng sugat sa noo at paa.
Habang isinasakay daw sa ambulansiya ang aktor, nagpupumiglas ito at gustong tumayo sa pinangyarihan ng banggaan.
Gaya ng lahat ng traffic protocols sa mga ganitong banggaan, dinala sa Traffic Office ang sasakyan ni Diether, at isinama na rin ang driver ng garbage truck para sa follow-up investigation.






