- BULGAR
- Nov 14, 2021
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | November 14, 2021

Masayang humarap si Joshua Garcia sa mga press people sa virtual presscon ng Viral Scandal na pinagbibidahan nila ng multi-awarded actress na si Charlie Dizon.
Ibinahagi ng aktor na pagkatapos ng hiwalayan nila ni Julia Barretto nu'ng 2019, naka-move on na siya at ngayo'y naging maingat na sa susunod nitong makakarelasyon.
Ayon pa sa Kapamilya actor, dahil sa hindi naging magandang karanasan sa nakaraang pag-ibig, this time, malamang na bubusisiin niya ang magiging kasunod na pakikipagrelasyon bagama't aniya'y isasantabi niya kung anuman ang nakaraan ng babaeng kanyang posibleng maging 'the one'.
“Para sa akin, hindi importante 'yun (past). Siyempre, mas importante kung ano 'yung nangyayari ngayon. Past na 'yun, eh. I’m sure 'yung babae rin mismo, kinalimutan na rin mismo 'yung past na 'yun. Na-experience ko kasi before, nag-care ako masyado sa past niya.
Parang nakaapekto siya at the same time sa relationship namin and hindi siya maganda. So, natuto lang ako. Kaya ngayon, sabi ko, hindi na ako papaapekto sa past. Past na talaga 'yun.
Dapat, nakakalimutan na 'yun. So, 'yun lang 'yung masasabi ko,” pagbabahagi ni Joshua.
Nasanay na raw siya sa intriga simula nang maghiwalay sila ni Julia. Natuto na rin daw siyang i-handle ang anumang online attention na kanyang kakaharapin.
“'Yung mga negative issues, ang dami ko nang experience, oh, my God!" sabay ngiti nito.
Muli, aniya, "Well, 'yung mga hindi dapat pansinin, hinandle ko by not handling at all. Wala, eh, sayang 'yung energy ko kung iha-handle ko siya, 'di ba? Pero siyempre, 'yung magagandang viral na nangyari sa akin, itine-treasure ko 'yun. Kasi part ng journey ko 'yun as an artist and an actor.
"Choose your battles talaga kasi sayang 'yung energy talaga, eh. 'Pag binigyan mo ng importansiya 'yung mga ganu'n na alam mo namang hindi makakatulong sa ‘yo. Depende, depende talaga sa sitwasyon.”
Naitanong din kay Joshua kung paano niya iha-handle ang sitwasyon sakaling siya'y sentro ng blind item o tsismis.
“Kasama 'yun sa trabaho namin. Hindi ko masisisi 'yung nagawan ako ng blind item. Kasi 'yung reaction ko before nu'ng nagkaroon na ako noon, I don’t know kasi naikuwento lang 'yun sa akin. Sabi ko, '‘Yaan mo na.’ Parang ganu'n lang 'yung sinabi ko, eh. Kasi the more na pagtuunan mo siya ng pansin, the more na mapapansin din siya ng mga tao. And kung nabasa mo 'yung blind item at hindi ka sang-ayon, huwag mo na lang pagtuunan ng pansin 'yun. O, baka mali naman 'yung sinabi ng blind item, 'di ba?” nangingiti niyang sagot.
Sa pagtatapos ng virtual mediacon, inanyayahan ng aktor ang mga supporters nila ni Charlie Dizon na panoorin ang seryeng Viral Scandal na magsisimula na sa November 15 sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC, and TFC IPTV .






