- BULGAR
- Nov 9, 2021
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | November 9, 2021

Nakita namin ang isang larawan kamakailan nina Sen. Manny Pacquiao at Jinkee Pacquiao na nakasakay sa chopper at papunta sa isang probinsiya para alamin ang kalagayan ng mga kababayan natin doon.
Naisip lang namin, bakit ginagawang big deal ng ilang netizens ang pagsakay ng mag-asawang Pacquiao sa helicopter sa kanilang pag-iikot sa ‘Pinas kaugnay na rin ng pagtakbo ni Sen. Manny sa pagka-pangulo sa 2022, gayung hindi lang naman sila ang celebrities na gumagawa niyan.
In fact, may napanood din kaming dating TikTok video nina Vice Ganda at Ion Perez na nakasakay sa helicopter at papunta raw ng It’s Showtime.
O, ‘di ba’t mas bongga ‘yun? Papasok lang ng It’s Showtime, naka-chopper pa?!
Pero kung afford naman ni Vice, why not? Pera naman niya ‘yan.
Anyway, balik-It’s Showtime na ang Unkabogable Star matapos ang sold-out concert nito sa USA.
Abangan ang limang malalaking pasabog ng madlang pipol ngayong buwan ng Nobyembre sa It's Showtime. Inumpisahan na nila ito sa pagbabalik nga ni Vice Ganda.
Naitanong kay Vice kung ano ang kanyang naging pakiramdam nang makatapak uli sa entablado para makapagbigay-saya sa mga tao at makapag-perform muli matapos ang halos dalawang taong pandemya.
“Noong unang gabi, nasa dressing room pa lang ako, naririnig ko na ‘yung hiyawan. Na-stress talaga ako. Humingi rin ako ng paumanhin sa kanila kasi hindi ko alam kung ano’ng uunahin ko. Uunahin ko ba ‘yung pinraktis kong spiels o ‘yung i-acknowledge ko lang ‘yung nararamdaman ko for now? Naiyak talaga ako," pagbabahagi ni Vice.
Bumuhos naman ang tweets mula sa mga netizens sa pagbabalik ni Vice at nag-trending nationwide sa Twitter ang taglines na “Congrats Queen Vice,” “Welcome back ViceIon,” at ang hashtag ng programa na #ShowtimeBACKlangToh.
Isa lamang ang pagbabalik ni Vice sa limang sorpresang inihanda ng It's Showtime para sa madlang pipol.
Ilang Reinanay nga ang magbabalik para ipakita ang kanilang angking galing sa Reina ng Tahanan wildcard special sa Nobyembre 15 (Lunes) hanggang 19 (Biyernes). Susundan naman ito ng kauna-unahang Reina ng Tahanan finals sa Nobyembre 20 (Sabado).
Nagbabalik naman para sa ika-anim na season ang pinakamahabang singing competition sa bansa na Tawag ng Tanghalan sa Nobyembre 22 (Lunes).
Samantala, ang pinakaaabangang pasabog na showdown sa pagitan ng It's Showtime hosts na Magpasikat ay mangyayari naman sa Nobyembre 27 (Sabado).
Kaya naman huwag palampasing panoorin ang It’s Showtime mula Lunes hanggang Sabado sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com.
Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.




