top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 3, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay may kapitbahay na may mga alagang aso, at sa tuwing inilalabas niya ang mga ito ay hindi niya nilalagyan ng tali. Nababahala ako sapagkat ako ay may maliliit na mga anak, at pinangangambahan ko na baka sila ay makagat ng mga nasabing aso.


Nang kausapin ko ang aking kapitbahay tungkol dito, sinabi niya sa akin na hindi na niya kailangang itali ang mga aso sa tuwing ilalabas niya ito sapagkat kumpleto naman diumano ang mga ito sa bakuna. Maaari ba iyon? – Armand

Dear Armand,


Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 9482 o mas kilala bilang Anti-Rabies Act of 2007. Nakasaad sa Sections 5 at 11 nito na:


“SEC. 5. Responsibilities of Pet Owner. – All Pet Owners shall be required to:

(c) Maintain control over their dog and not allow it to roam the streets or any public place without a leash.

SEC. 11. Penalties. –

(5) Pet owners who refuse to put leash on their dogs when they are brought outside the house shall be meted a fine of P500 for each incident.”

Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang isang nagmamay-ari ng alagang aso ay marapat na siguraduhin na ang kanilang alaga ay hindi hahayaang gumala sa kalsada o sa ibang pampublikong lugar nang walang tali. Ang pagkakaroon ng bakuna ng alagang aso ay hindi dahilan upang hindi tuparin ang nasabing responsibilidad.


Kaugnay nito, nakasaad din sa batas na ang paglabag sa nasabing probisyon ay may kaukulang multa na nagkakahalaga ng limang daang piso (P500) sa bawat insidente ng paglabag.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 2, 2023


Dear Chief Acosta,


Nakakuha ako ng car loan sa aking dating kumpanya. Sa ilalim nito, pagmamay-ari nila ang sasakyan hanggang sa ito ay mabayaran ko ng buo. Kalaunan ay ilegal nila akong tinanggal kaya nagsampa ako ng kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC) patungkol dito. Sila naman ay nanghingi ng bayad o pagsauli ng sasakyan bilang alternatibo. Maaari bang ipatupad ng dati kong kumpanya ang nasabing loan sa aking isinampang kaso sa labor?

– Gerrard


Dear Gerrard,


Ang sagot sa iyong katanungan ay tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong “Hongkong and Shanghai Banking Corp., et al. vs. Spouses Bienvenido and Editha Broqueza” (G.R. No. 178610, 17 November 2010), na isinulat ni Kagalang-galang na dating Kasamang Mahistrado Antonio T. Carpio, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:


“Finally, the enforcement of a loan agreement involves “debtor-creditor relations founded on contract and does not in any way concern employee relations. As such it should be enforced through a separate civil action in the regular courts and not before the Labor Arbiter


Batay sa nabanggit na desisyon, ang pagpapatupad ng kasunduan sa pautang (loan) ay nagsasangkot ng mga relasyon ng nangutang (debtor) – pinagkakautangan (creditor) na itinatag sa kontrata at hindi sa anumang paraan ay may kinalaman sa relasyon ng pamamasukan o paggawa.


Samakatuwid, ang iyong dating kumpanya ay hindi maaaring ipatupad ang nabanggit na car loan sa kasong labor na iyong isinampa dahil ito ay dapat na ipatupad sa isang hiwalay na kasong sibil sa regular na hukuman.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 1, 2023


Dear Chief Acosta,


Sampung taon na akong nagtatrabaho sa isang pabrika. Maganda naman ang kita ng pabrika, subalit, biglang sinabi ng aming boss na nais na niyang magretiro, kaya isasarado na niya ang pabrika. Sinabi rin niya na babayaran naman niya kami nang naaayon sa tagal ng aming serbisyo sa kanya. Nais kong malaman kung maaari ba niyang isarado ang pabrika ng dahil sa rasong ito? – Biboy


Dear Biboy,


Para sa iyong kaalaman, ang sagot sa iyong katanungan ay tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kaso ng Capitol Medical Center, Inc. et al., v. Dr. Cesar E. Meris (G.R. No. 155098, September 16, 2005, Ponente: Retired Honorable Associate Justice Conchita Carpio-Morales) kung saan ipinaliwanag na:


“The right to close the operation of an establishment or undertaking is explicitly recognized under the Labor Code as one of the authorized causes in terminating employment of workers, the only limitation being that the closure must not be for the purpose of circumventing the provisions on termination of employment embodied in the Labor Code.


ART. 283. Closure of establishment and reduction of personnel. – The employer may also terminate the employment of any employee due to the installation of labor saving devices, redundancy, retrenchment to prevent losses or the closing or cessation of operation of the establishment or undertaking unless the closing is for the purpose of circumventing the provisions of this Title, by serving a written notice on the workers and the Ministry of Labor and Employment at least 1 month before the intended date thereof. In case of termination due to the installation of labor saving devices or redundancy, the worker affected shall be entitled to a separation pay equivalent to at least his 1 month pay or to at least 1 month pay for every year of service, whichever is higher. In case retrenchment to prevent losses and in cases of closures or cessation of operations of establishment or undertaking not due to serious business losses or financial reverses, the separation pay shall be equivalent to 1 month pay or at least one-half 1/2 month pay for every year of service, whichever is higher. A fraction of at least 6 months shall be considered 1 whole year.


And the phrase "closures or cessation not due to serious business losses or financial reverses" recognizes the right of the employer to close or cease his business operations or undertaking even if he is not suffering from serious business losses or financial reverses, as long as he pays his employees their termination pay in the amount corresponding to their length of service.”

Sang-ayon sa nabanggit, maaaring ipasara ang isang kumpanya, kahit na ito ay hindi nalugi, kung ang dahilan sa pagsasara nito ay balido at hindi ito ginawa upang ikutan o iwasan ang mga itinatakda ng ating Labor Code. Bukod pa rito, dapat ding bayaran ang mga empleyado ng separation pay na naaayon sa batas. Ibig sabihin, maaaring isara ng inyong boss ang kanyang pabrika, kung ang dahilan ng pagsasara nito ay tunay o lehitimo, at ito ay hindi ginawa lamang upang iwasan ang mga itinakda ng ating Labor Code. Gayunman, kayo, bilang kanyang mga manggagawa ay dapat na mabayaran ng separation pay.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page