top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 28, 2023


Dear Chief Acosta,


Kung sakaling mapawalang-sala ang aking kapitbahay sa kasong pagnanakaw na isinampa ko laban sa kanya, maaari ko pa rin bang masingil ang mga ninakaw niya sa akin? - Yana


Dear Yana,


Para iyong lubusang maunawaan, mayroong 2 aspeto ang kasong kriminal: ang kriminal at ang sibil. Ayon sa Artikulo 1161 ng New Civil Code of the Philippines:


“Civil obligations arising from criminal offenses shall be governed by the penal laws, subject to the provisions of article 2177, and the pertinent provisions of Chapter 2, Preliminary Title, on Human Relations, and of title XVIII of this Book, regulating damages.”

Mayroong mga pagkakataon kung saan maaaring mapagkalooban ng danyos (aspetong sibil) ang biktima kahit na mapawalang-sala (aspetong kriminal) ang akusado. Kaugnay nito, tuwing magkakaroon ng desisyon ang korte na pinapawalang-sala ang isang akusado, kailangang nakasaad sa desisyon kung mayroong aspetong sibil ang pananagutan ng akusado. Ang ikalawang bahagi ng Section 2 ng Rule 120 ng Rules of Court ay nagsasaad na:


“In case the judgment is of acquittal, it shall state whether the evidence of the prosecution absolutely failed to prove the guilt of the accused or merely failed to prove his guilt beyond reasonable doubt. In either case, the judgment shall determine if the act or omission from which the civil liability might arise did not exist.”


Malinaw na kung sakaling mapawalang-sala ang iyong kapitbahay, maaari pa rin siyang magkaroon ng pananagutan sa aspetong sibil kaugnay ng pagbalik o pagbayad ng mga bagay na nawala sa iyo.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 27, 2023


Tungkulin ng estado na pangalagaan ang bawat manlalakbay at sumasakay sa mga sasakyan, pribado man ito o pampubliko. Kaya naman may mga batas na isinagawa ang Kongreso upang bigyan ng proteksyon ang mga mananakay. Isa rito ang Republic Act No. 11229 o mas kilala sa pinaiksing titulo na “Child Safety in Motor Vehicles Act”.


Nakasaad sa polisiya ng nabanggit na batas na kinakailangang pasiguruhan ang kaligtasan ng mga bata habang sila ay inilalakbay sa pamamagitan ng kahit na anong klase ng behikulo o sasakyan.


Kinikilala rin ng estado ang karapatan ng mga bata na mabigyan nang sapat na tulong kabilang na ang pagbibigay ng tamang kalinga at espesyal na proteksyon laban sa lahat ng uri ng kapabayaan, pang-aabuso at anumang kondisyon na maaaring makasira sa kanilang paglaki, maging ang mailagay sila sa panganib habang sila ay nakasakay sa sasakyan.


Upang pangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga bata, at maiwasan ang anumang aksidente na may kinalaman sa trapiko na maaaring magbunga ng kamatayan o pinsala sa isang bata, kailangan na mayroong sapat at epektibong regulasyon ang estado at bigyan ng impormasyon ang publiko na kinakailangan na gumamit ng child restraint system sa mga sasakyan na sasang-ayon sa international standards na tanggap ng United Nations.


Sa ilalim ng Republic Act No. (RA) 11229, ang mga bata na hanggang 12 taong gulang at mas maliit sa 150 sentimetro o 59 pulgada (4 talampakan at 11 pulgada) ay kailangan mai-strap sa child restraint system (CRS) o mga protective car seat habang nasa biyahe.


Ayon sa Seksyon 4 ng nabanggit na batas, labag sa batas para sa isang drayber na hindi pasisiguruhang-bigyan ng seguridad ang batang nakasakay sa kanyang sasakyan at may gamit na child restraint system, maliban na lamang kung ang bata ay may edad na 12 at tangkad na 150 sentimetro o 59 pulgada (4 talampakan at 11 pulgada), at siya ay may gamit na maayos na seat belt.


Ang child restraint system ay hindi kailangang gamitin kapag ang paggamit nito ay lalong maglalagay sa bata sa kapahamakan, katulad na lang kung mayroong:


1. Medical emergencies;

2. Kapag ang batang ibinabiyahe ay mayroong medical o developmental na kondisyon;

3. Iba pang katulad na kadahilanan ayon sa implementing rules and regulations (IRR) ng batas.


Nagtalaga ang batas ng kaparusahan sa sinumang lalabag sa probisyon nito katulad ng mga sumusunod:


a. Sinumang drayber na lumabag sa Sections 4 at 5 ay magbabayad ng multa na ₱1,000.00 para sa unang paglabag; ₱2,000.00 para sa pangalawa; ₱5,000.00 at suspensyon ng driver’s license ng isang taon para sa pangatlo at susunod pang paglabag.


b. Sinumang manufacturer, distributor, importer, retailer, at nagtitinda na lalabag sa Sections 6 at 7 ay mapaparusahan na magbayad ng multa na hindi bababa sa ₱50,000.00 subalit hindi hihigit sa ₱100,000.00 sa bawat child restraint system product na ginawa, ibinahagi, inimporta o ibinenta. Ito ay dagdag pa sa anumang kaparusahan na iginagawad ng Republic Act No. 7394 o ang “Consumer Act of the Philippines”.


c. Sinumang driver na papayag na gumamit ng substandard, expired na child restraint system o walang PS mark o ICC sticker at certificate ay magbabayad ng multa na ₱1,000.00 para sa unang paglabag; ₱3,000.00 para sa pangalawa; at ₱5,000.00 at suspension ng driver’s license nang 1 taon para sa pangatlo at susunod pang paglabag.

d. Anumang pagbabago, panggagaya, at pamemeke ng PS mark o ICC sticker sa child restraint system ay pinaparusahan ng pagbabayad ng multa na hindi bababa sa ₱50,000.00 subalit hindi hihigit sa ₱100,000.00, para sa bawat child restraint system product. Ito ay dagdag pa sa parusa sa ilalim ng RA 7394.


Kaugnay nito, ang Department of Transportation (DOTr) ay binibigyan ng kapangyarihan na taasan ang halaga ng multa nang hindi hihigit sa 10%, isang beses kada 5 taon.


Kailangan lamang na mailimbag ang gagawing pagtaas ng multa.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 26, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay isang opisyal ng homeowner’s association sa aming lugar. Mayroon kaming isang miyembro na nagmamay-ari ng dalawang bahay at lupa. Dahil dito ay pinipilit niyang dalawa dapat ang kanyang voting rights tuwing kami ay may pagbobotohan. Tama ba siya? - Niko


Dear Niko,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 15, Rule III, The 2021 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 9904 o mas kilala sa tawag na “The Magna Carta for Homeowners and Homeowners Associations,” kung saan nakasaad na:


“Section 15. Voting Rights. Unless otherwise provided in the Bylaws, each member shall be entitled to one (1) vote regardless of the number of properties owned. A member may exercise his/her/its voting right in person or by proxy.”


Samakatuwid, malinaw sa batas na ang isang miyembro ng homeowner’s association ay binibigyan lamang ng isang boto o voting right sa mga bagay-bagay na kailangang pagbotohan sa nasabing homeowner’s association, kahit na ilan pa ang pagmamay-ari niyang mga bahay at lupa. Ang patakarang ito ay maaari lamang mabago kung ito ay iibahin sa bylaws ng isang homeowner’s association.


Ibig sabihin, maliban na lamang kung binibigyan siya ng higit pa sa isang voting right ng bylaws ng inyong homeowner’s association, ayon sa batas, ang nabanggit mong miyembro ay binibigyan lamang ng isang boto o voting right, kahit na dalawa pa ang kanyang pagmamay-aring mga bahay at lupa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page