top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Dec. 3, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Magandang balita para sa ating mga senior high school (SHS) learners sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track: magpapatuloy sa susunod na taon ang libreng assessment para sa pagkakaroon ng national certification (NC).  


Kung dating nagbabayad ang mga mag-aaral sa SHS-TVL track upang sumailalim sa assessment at makakuha ng NC, libre na ito ngayong taon at magpapatuloy hanggang sa susunod na taon. Huwag sanang palagpasin ng mga mag-aaral sa SHS-TVL ang pagkakataong ito na magkaroon ng NC na makakatulong sa kanilang makahanap ng magandang trabaho. 


Ngayong taon, may P438.162 milyong nakalaan para sa libreng assessment at certification ng mga mag-aaral sa SHS-TVL. Isinulong natin ang paglalaan ng pondong ito upang dumami ang bilang ng mga mag-aaral na may NC. 


Noong School Year 2019-2020, umabot lamang sa 25.7% ang mga mag-aaral sa SHS-TVL na may certification. Bumaba pa ito sa 6.8% noong School Year 2020-2021. Dahil walang NC ang karamihan sa mga mag-aaral sa SHS-TVL, nahihirapan ang karamihan sa kanilang makahanap ng mas magandang mga oportunidad.


Simula nitong Nobyembre 5, ang mga mag-aaral na sumailalim sa assessment na nakapasa at nakatanggap ng NC ay umabot sa 926 mula sa kabuuang 1,039. Target naman ng mga katuwang sa Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na umabot sa 197,077 ang bilang ng mga mag-aaral sa SHS-TVL na mayroong NC ngayong taon. 


Suportado rin natin ang balak ng TESDA at DepEd na gawing mandatory para sa mga mag-aaral sa SHS-TVL na sumailalim sa assessment. Sa ganitong paraan, hindi lang natin magagamit nang husto ang inilaang pondo para sa libreng assessment. Matitiyak din nating mas maraming mag-aaral sa SHS-TVL ang magkakaroon ng NC. Hihintayin lang natin ang paglalabas ng joint memorandum circular upang ipatupad ang polisiyang ito.


Sa inaprubahang bersyon ng Senado ng 2025 national budget, P275.861 milyon ang nakalaan para sa pagpapatuloy ng libreng assessment at certification ng mga mag-aaral sa SHS-TVL. 


Muli, hinihimok natin ang mga mag-aaral sa SHS-TVL na huwag palagpasin ang pagkakataong sumailalim sa libreng assessment. Kung makapasa sila, magkakaroon sila ng national certification na makakatulong sa kanilang makahanap ng magandang trabaho.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

ni Ryan Sison @Boses | Dec. 3, 2024



Boses by Ryan Sison

Tiyak na mas marami ang nagre-ready hindi lang sa nalalapit na kapaskuhan, kundi pati na rin sa pagsalubong ng Bagong Taon. 


Kaya naman sinimulan na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kanilang kampanya na ‘iwas paputok’ para sa holiday season kung saan nag-iikot na ang kagawaran sa Pasig City.


Paalala ng BFP, dahil sa kabi-kabilang selebrasyon at mga party na ang gagawin dapat na maging maingat ng taumbayan at iwasan na lamang ang paggamit ng mga mapanganib at malalakas na paputok na maaaring magdulot ng sunog at disgrasya.


Makatutulong ito upang mabawasan ang mga tinatawag na fire-cracker related injury na naitatala bawat taon.


Pahayag pa ng BFP, maaaring salubungin ang Bagong Taon sa pamamagitan ng paggamit ng mga pampaingay na kaldero, torotot at iba pa.

Mabuti at habang maaga ay naglabas na ng abiso ang kinauukulan hinggil sa pag-iwas natin sa mga paputok.


Subalit, may iba talaga na sadyang matitigas ang ulo na nagsisimula na ring mag-ipon ng kanilang mga paputok at itinatago pa ito paisa-isa sa kanilang tahanan.


Sa ganang akin, kung gusto talaga nating mag-ingay sa pagsalubong sa New Year na nakaugalian na rin nating mga Pilipino, dahil sa itinuturing itong pampasuwerte sa atin, ay gumamit na lamang ng ibang paraan. Puwedeng paingayin ang ating mga radyo, buksan ang mga sasakyan at magbusina, gumamit ng mga tambol, at marami pang iba.


At sa halip na isipin natin ang bumili ng mga paputok ay ilaan na lamang sa pagkain na ating pagsasalu-saluhan.


Alalahanin natin na mahirap na maputulan ng daliri, kamay, paa at iba pang parte ng ating katawan o posibleng ito rin ang maging mitsa ng ating buhay.


Mas mabuting magdiwang ng Pasko at Bagong Taon na kumpleto at maayos at kasama ang ating pamilya.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

by Info @Editorial | Dec. 3, 2024



Editorial


Ang pagdami ng mga menor-de-edad na nasasangkot sa kaso ng panghoholdap at iba pang ilegal na gawain ay isang malupit na salamin ng kalagayan ng ating lipunan. 

Sa bawat ulat ng kabataang nahuhuli, isang tanong ang lumulutang: Ano ang nagtulak sa kanila para gumawa ng krimen? 


Nito lamang, apat na kabataan ang nahuling nanghoholdap ng kapwa nila menor-de-edad. May bitbit na patalim habang kinukuha ang pera ng biktima. Ang kanilang rason, wala raw silang makain kaya nangholdap.


Ang mga kasong ganito ay hindi lamang tungkol sa mga bata na gumawa ng maling desisyon kundi tungkol sa mas malalim na ugat ng kahirapan, kakulangan sa edukasyon at ang kahinaan ng sistema ng suporta para sa kabataan. 


Ang mga kabataang nasasangkot sa maling gawain tulad ng panghoholdap ay madalas na biktima rin ng mga sitwasyong wala silang kontrol. 


Minsan ang mga kabataang ito ay nagiging target din ng mga sindikato na gumagamit sa kanilang kalikuan at pagkabata para isagawa ang mga krimen. 


Dapat ay magkaroon ng mga aktibong programa na magtuturo ng tamang pag-uugali at pagpapahalaga sa bawat kabataan upang maiwasan ang pagkakaroon ng maling impluwensya mula sa labas. 


Ang mga hakbang upang matugunan ang isyung ito ay hindi basta-basta. Kailangan ng pamahalaan at mga ahensyang may kinalaman sa edukasyon, kagalingang panlipunan, at batas na magsasanib-puwersa upang bumuo ng mas malawak na mga solusyon. 


Sa huli, ang mga menor-de-edad na nasasangkot sa krimen ay hindi lamang mga salarin. Sila rin ay mga kabataang nangangailangan ng suporta, edukasyon, at pagkakataon upang magbago. 


Tungkulin ng buong lipunan na magsama-sama upang matulungan ang ating mga kabataan na magtagumpay sa buhay at maiwasan ang maling landas.

RECOMMENDED
bottom of page