ni Rey Joble @Sports | September 10, 2024
Gaya ng nakagawian, rumesponde si Jayson Castro para bitbitin ang TNT sa nakakakabang 98-91 panalo kontra Converge sa PBA Governors’ Cup nitong Linggo ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Sa halos buong karera ng kanyang paglalaro para sa Tropang Giga, si Castro ang siyang tagasalba ng koponan sa walong beses na kampeonato sa liga, pero muling kinailangan ng mga mas batang kakampi ang gabay ng batikang beterano na nagpakawala ng mga importanteng plays sa krusyal na bahagi ng laro.
Nagpakawala ng importanteng three-point shot si Castro sa gitna ng rumaragasang paghahabol ng FiberXers. Nalusaw ang malaking kalamangan ng Tropang Giga kung saan nakita nilang nakalapit ang FiberXers sa dalawang puntos, 93-91, matapos ang jump shot ni Deshon Winston may 1:29 pa ang natitira sa laban.
Dito na pumagitna si Castro kung saan pinakawalaan niya ang three-point shot para makahinga ng mas maluwag ang TNT, 96-91. Matapos sumablay pagbalik sa opensa ang FiberXers, hindi nagaksaya ang Tropang Giga para igarantiya ang panalo kung saan ang putback ni Calvin Oftana mula sa sablay na tira ng kanilang import na si Rondae Hollis-Jefferson ang siyang sumelyo sa panalo ng Tropang Giga.
Matamis ang tagumpay na nakumpleto ng TNT kontra Converge kung saan dinagit ng huli ang Tropang Giga sa una nilang sultada sa pamamagitan ng game-winning four-point shot ni Scotty Hopson, 96-95, noong Agosto 27. Sinigurado ng mga bataan ni coach Chot Reyes na natuto na sila sa mapait na karanasan.
“I told them this was the exact situation where in last time we played Converge, we were up big and then we allowed Converge to stick around and win the game in the end,” ang sabi ni Reyes. “So we talked about how well we have to defend in the second half. Credit to them (players), they made some good adjustments in the second half, particularly in the third quarter.”
“But just like we expected, they came back. They have a very good team over there, very well-coached. So when they made a run, all we talked about was to expect this. We’ve been there before. We just had to make sure we execute when we needed to execute.”