- BULGAR
- 6 hours ago
ni Leonida Sison @Boses | November 24, 2025

Kapag napag-usapan ang korupsiyon at pagnanakaw sa pera ng bayan, umiinit ang lahat na kadalasa’y ipinapahayag ang kanilang galit at panawagan sa mga lansangan.
Katulad ito ng nakaiskedyul na ang Trillion Peso March sa Nobyembre 30, mas ramdam ang tinig ng publiko, hindi takot, at totoong naghahangad ng pagbabago.
Sa kabila nito ay inanunsyo ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na magpapatupad sila ng full alert status simula Nobyembre 28, bilang paghahanda sa malaking kilos-protesta.
Ayon kay Police Major Hazel Asilo, mahalagang ready ang kanilang puwersa upang agad makapag-deploy ng mga tauhan kung kinakailangan. Naka-heightened alert na rin ang NCRPO matapos ang dalawang araw na protesta ng Iglesia ni Cristo, kaya activated na ang lahat para sa koordinasyon at seguridad ng publiko.
Nakahanay na ang mga team para sa civil disturbance management, negotiation, monitoring, at arrest, habang gagamitin ang mga CCTV para sa real-time monitoring — isang kritikal na hakbang lalo na kung biglaang dumami ang mga tao sa kalsada. May mga permit na ang grupo para sa rally sa EDSA People Power Monument, at inaasahang aabot hanggang 50,000 ang maaaring dumalo, at handa pa rin ang kapulisan kung sosobra pa rito.
Sa Luneta naman, hinihintay pa ang kumpirmasyon mula sa pamahalaang lungsod ng Maynila. Isa sa mahigpit na paalala ay ang pagbabawal na mag-rally sa Mendiola. Nilinaw na rin ng NCRPO na hindi ito venue para sa pagra-rally at pagtitipon, at dapat gamitin ang mga itinalagang freedom park.
Ang layunin ng protesta ay itulak ang pamahalaan na magpakita ng mas malinaw at mas mabilis na aksyon laban sa korupsiyon, sa gitna ng imbestigasyon sa flood control projects.
Ayon sa convenors ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot, oras na para ipakitang hindi pagod ang taumbayan sa paghingi ng hustisya at pananagutan.
Sa panahon kung kailan bawat piso ng kaban ng bayan ay tila may katapat na kontrobersiya, hindi nakapagtataka na bumabalik ang mga tao sa lakas ng pagkakaisa. At kung paanong naghahanda ang pulisya para maiwasan ang aberya, ganoon din ang preparasyon ng publiko para ipabatid na hindi dekorasyon ang People Power Monument, paalala ito ng tungkuling magbantay sa demokrasya.
Kung may bilyong piso ang nawawala dahil sa korupsiyon, may milyong Pinoy ang handang manindigan. Hindi kailangan ng dahas, kundi ng maayos na koordinasyon, respeto sa karapatan, at higit sa lahat — tapat na aksyon ng mga nasa kapangyarihan. Dahil kung walang pagbabagong magmumula sa itaas, tiyak na lalakas ang sigaw ng mga nasa laylayan para sa magandang kinabukasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com






