ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 9, 2026

MANONG CHAVIT, PEKENG ANTI-CORRUPT DAW KASI GUSTO NIYANG MAGING STATE WITNESS ANG MGA KURAKOT NA SINA ZALDY CO AT SARAH DISCAYA – Panay ang atake ni dating Gobernador ng Ilocos Sur na si Chavit Singson sa talamak daw na korupsiyon sa administrasyon ng Marcos. Sa kanyang press conference noong Enero 5, 2026, sinabi niya na dapat gawing state witness ng Department of Justice (DOJ) laban sa mga sangkot sa flood control scandal sina dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co at kontraktor na si Sarah Discaya.
Dahil sa kanyang pahayag, na-bash si Manong Chavit sa social media. Marami ang nagsabing pekeng anti-corrupt siya dahil ang gusto niyang maging state witness ay sina Zaldy Co at Sarah Discaya, na parehong nasangkot sa kurapsiyon at nag-scam ng bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan. Period!
XXX
PORK BARREL ANG P151B UNPROGRAMMED FUNDS, KASI PANG-UUNGGOY LANG SA PUBLIKO ANG SINABI NG MALACAÑANG, SENADO AT KAMARA NA 'PORK FREE' ANG 2026 NATIONAL BUDGET – Maituturing na pang-uunggoy sa publiko ang ipinapakita ng Malacañang, Senado, at Kamara na "pork barrel free" raw ang 2026 national budget.
Kung vineto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang P243 billion na unprogrammed funds, saka puwede ngang sabihing "pork barrel free" ang badyet ngayong taon. Ngunit dahil P92.5B lang ang vineto ng presidente at itinira ang higit P151B, kalokohan ang sinasabi nilang walang "pork" ang pambansang badyet ngayong 2026.
Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon at House Infra Committee noong 2025, lumitaw na may bahagi ng pera ng bayan na nakapaloob sa unprogrammed funds ang napunta sa mga ghost, substandard, at unfinished flood control projects. Ibig sabihin, ang kaban ng bayan sa unprogrammed funds ay ginagawang pork barrel projects ng mga buwayang pulitiko at government officials. Boom!
XXX
SANA IDEKLARA NG SC NA UNCONSTITUTIONAL ANG P151B UNPROGRAMMED FUNDS, PARA HINDI ITO PAGPIYESTAHANG KURAKUTIN NG MGA BUWAYA SA PAMAHALAAN – Hinirit nina Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice at ML Partylist Rep. Leila de Lima sa Supreme Court (SC) na ideklarang unconstitutional ang nalalabing higit P151 billion na unprogrammed funds sa 2026 national budget.
Tigas ng ulo ni PBBM dahil maraming sektor ang nananawagan sa kanya na i-veto ang P243B unprogrammed funds, ngunit P92.5B lamang ang vineto niya. Kaya’t ang nalalabing P151B ay napunta pa sa Supreme Court.
Sana katigan ng SC ang petisyon nina Cong. Erice at Cong. De Lima upang hindi na pagpiyestahang kurakutin ng mga “buwaya” sa pamahalaan ang P151B unprogrammed funds. Period!
XXX
UTANG NG ‘PINAS HINDI NABABAWASAN, SA HALIP, PATULOY NA TUMATAAS – Mula sa naitalang utang na P17.56 trillion ng Pilipinas noong October 2025, pumalo na ngayon sa P17.65 trillion ang utang ng bansa sa mga financial institutions sa buong mundo.
Palubog nang palubog sa utang ang ‘Pinas sa ilalim ng Marcos administration dahil hindi nababawasan ang utang, at sa halip, patuloy pang tumataas. Tsk!






