ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | May 30, 2022

Pagkatapos ng pagbibigay ng update ni Kris Aquino sa kanyang kasalukuyang karamdaman noong Mayo 16 ay hindi na ito nasundan pa kaya marami na ang nag-aalala sa mama nina Josh at Bimby.
Nabanggit din kasi ni Kris na Mayo 19 ang lipad niya pa-Amerika pero hanggang ngayon
ay walang balita kung natuloy o hindi.
Isa na ang talent manager na si Manay Lolit Solis sa mga nag-aalala kay Kris at ipinost
niya ito sa kanyang Instagram account.
Aniya, “Ewan ko kung totoo ang kutob ko, Salve. Palagay ko, dahil si Kris Aquino mismo ang may alam kung ano talaga ang nararamdaman niya, kung gaano kaseryoso ang kanyang sakit, kaya ayaw niyang umalis para magpagamot sa ibang bansa.
“Nandu'n siguro 'yung takot na baka matagalan bago siya makabalik, o God forbids, baka kung ano ang mangyari sa kanya.
“Si Kris Aquino mismo ang nakakaalam kung gaano kabigat ang sakit niya, at kung paano niya tinitiis ang sakit na nadarama niya.
“Pati pagsusulat, nahihirapan na siyang gawin dahil sa sakit na nararamdaman niya. Pero hanga ka sa kanya dahil hindi siya nagsasalita kung gaano katindi ang sakit na tinitiis niya araw-araw.”
Nabanggit din ni Manay Lolit na hindi naigagalaw ni Kris ang katawan, bagay na itinatago nito sa mga anak.
“May mga araw pala na hindi na siya makagalaw at nasa loob na lang siya ng kanyang room.
Kinakaya na lang niya ang sakit para hindi mag-alala si Bimby na nakabantay sa kanya.
“Kaya siguro takot siya na umalis para magpagamot sa abroad, dahil du'n ay malayo siya sa piling ng mga kapatid niya. Nakakalungkot din ang kalagayan ni Kris Aquino, talagang kailangan niya ang dasal natin, hindi lang para sa kanya kundi para kina Joshua at Bimby. Isama natin siya sa ating dasal, please. #classiclolita #takeittakeitmeganon .”




