ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 19, 2026

Photo: IG _iambernadettesembrano
Trending sa social media ang mga larawang ipinost ng news anchor na si Bernadette Sembrano-Aguinaldo na sumakay siya ng MRT nitong Lunes, Agosto 17.
Baha ang ilang bahagi ng EDSA nu’ng Lunes mula tanghali hanggang gabi kaya imposible siyang makarating ng ABS-CBN para sa news program niyang TV Patrol.
Kaya naisip niyang mag-MRT mula Ayala Station hanggang Quezon Avenue Station at magtatraysikel papuntang ELJ Building sa Eugenio Lopez Drive dahil isinarado na nang permanente ang gate sa Sgt. Esguerra Avenue corner Mother Ignacia Avenue simula nu’ng Agosto 16 bilang paghahanda sa demolition dahil pag-aari na ito ng Ayala.
Going back to Bernadette ay maraming natuwa at nagpa-picture pa sa TV host-content creator sa loob at labas ng MRT Station dahil nakasabay nila ito at sabay post sa kanilang social media.
Base sa facial expression ni Bernadette ay tuwang-tuwa siya dahil matagal na panahon din bago siya muling nakasakay ng MRT.
Naka-jacked up SUV ang sasakyan ni Bernadette at puwede naman niya itong gamitin sa baha pero hindi rin niya ginamit dahil trapik sa buong EDSA.
Ang post ni Bernadette, “Hawak ko ang BEEP! (ipinakita ang beep card). Plastic shoes on, Beep card on hand, backpack in front, baha on our streets…
“The MRT is a big relief commuting from South to North of EDSA!!! Promise ang laki na ng iginanda ng train station and banyo (sun emoji). Definitely #better. Thanks sa sabay @gigi.hadidnt. #bbetter.”
Base sa comments section sa Facebook (FB) account ni Bernadette ay napuri siya dahil napakasimpleng tao raw nito at laging nakangiti.
Pinatotohanan ding malaking tulong nga raw ang MRT/LRT sa mga commuters kapag may mga pagbaha sa daraanan at sa mga naghahabol ng oras at higit sa lahat, malaking tipid sa pamasahe.
Medyo maraming nag-react sa sinabi ni Bernadette na “Ang laki na ng iginanda ng banyo” dahil hindi raw lahat ay malinis at gumagana ang flush.
“Sa Quezon Avenue station lang naman ang maganda, try ninyo sa ibang MRT at LRT station, mas malinis pa ‘yung sa Bilibid,” sabi ng netizen.
‘Yun lang!
Malaman naman kasi, walang kababawan…
CONTENT CREATOR, MALAKI ANG BAYAD SA MGA INI-INTERVIEW PARA SA VIEWS
MALAKI pala ang ibinibigay na honorarium ng content creator sa mga naipi-feature niya sa kanyang vlog, lalo na kung may isyu itong pinag-uusapan.
Isa ito sa mga topics na napag-usapan namin ng aming mga kaibigang gumagawa ng content over dinner kamakailan.
Nagulat kami kung sinu-sino ang mga personalidad na pinagkakakitaan ang mga gustong mag-interview sa kanila.
May mga personalidad daw na laging tinatawagan ng mga kilalang content creator para interbyuhin dahil may bago silang ibabalita at tiyak na maraming views. Pinapatulan naman ito ng ilan, pero tinatabla ang iba dahil waley naman.
May isa raw personalidad na laging tinatawagan ng isang kilalang content creator para ikuwento ang mga nangyayari sa kanyang buhay at pamilya. Dahil marami itong followers, go ang content creator.
In fairness, malaki ang honorarium na natanggap ng personalidad at may pangako pa na kapag umabot ng isang milyon ang views ay may dagdag pa.
Ang personalidad na ito ay laging laman ng vlog at, in fairness ay nagte-trending naman.


