ni Nitz Miralles @Bida | May 20, 2026

Photo: Cup of Joe - Instagram
Hindi maiwasang isipin ng mga netizens na may kinalaman sa comment ni Gian Bernardino na “Suwerte ang DDS (Diehard Duterte Supporters) kung sakali” sa postponement ng concert nila sa Davao City.
Dapat sana ay sa May 30 ang concert ng Cup of Joe (COJ) na isa si Gian sa lead vocalist, pero ibinalita na hindi matutuloy sa nabanggit na petsa ang concert.
Hindi masyadong nabanggit ang rason ng postponement at parang unforeseen schedule conflicts ang sinabi.
In fairness, pati ang concert sa Cagayan de Oro City sa June 13, hindi rin tuloy at malilipat sa September. Wala pang bagong date ang concert sa Davao, pero in-assure ng COJ na matutuloy pa rin ito.
Kung pakikinggan ang mga netizens, ang payo nila, huwag nang ituloy ang concert sa Davao. Pinayuhan din ang COJ na huwag nang mag-comment tungkol sa politics dahil may mga magre-react.
Sa isang post, may comment si Wency Cornejo tungkol sa COJ concert sa Davao, “Sino kaya producer ng show ng Cup of Joe sa Davao? Naku, mag-isip ka na... Don’t get me wrong, I like their music. I don’t care about their politics but the reality is the chances of the show tanking is extremely high now that the vocalist has disrespected the entire city.”
Hindi man matutuloy ang concert ng COJ sa Davao at CDO, tuloy na tuloy naman sa Saturday, May 23, ang concert nilang Sandali: The Cup of Joe Fest sa Philippine Sports Stadium sa Bulacan, na as of today, almost sold-out na ang mga tickets.
MAY pinuksa na naman si Dennis Trillo na basher dahil tila lahat ng kilos ng aktor ay sinusubaybayan at may comment talaga si ate gurl.
Kilala at natatandaan ng aktor ang pangalan ng basher kaya sinagot niya ito.
Ang pinuna ng basher ay ang suot ni Dennis at may nakakatuwang sagot sa kanya ang aktor, bagay na ipinag-react ng mga followers at pinagsabihan din ang basher.
Comment ng basher, “Dennis Trillo naka-jacket? Ang init-init, naka-jacket ka... papansin ka rin ‘nuh... duh!”
Sagot ni Dennis, “Nagpapapansin ka na naman, ‘te? Matagal pa po ang Halloween, ha? #Undin.”
Sa hashtag ni Dennis mas natawa ang nakabasa ng sagot niya at comment nila, “Savage,” “mabangis,” “Napa-check ako sa profile, back to her, deserved ni ateng,” “Halloween mask n’ya, ayaw na alisin,” at “Ang hard mo naman, lodi. Hahaha! Para-paraan lang ‘yan para magparamdam sa ‘yo.”
May nag-comment naman na dapat pala, nega ang comment para mapansin at sagutin ni Dennis Trillo.
Kampi sa aktor ang mga netizens at pinagsabihan si ate gurl na huwag ugaliin ang pagiging bad girl dahil hindi maganda. May comment na lumalabas ang pagiging funny ng aktor kapag naba-bash.
ANG tandem nina Kylie Padilla at Miguel Tanfelix ang isa sa mga aabangan ng mga viewers ng Task Force Firewall (TFF). Hindi sila love team, pero malakas ang chemistry.
Ang description nga ni Miguel sa kanila ni Kylie ay ‘the good and bad cop’. Kung sino ang bad at good cop, malalaman once napanood at nasubaybayan na ang high-stakes political action-drama series beginning May 25.
Pasabog ang unang eksena nina Kylie at Miguel dahil nag-rappel sila sa 17th floor ng building ng GMA Network.
Ayon kay Kylie, may konting kaba siyang naramdaman habang ginagawa ang eksena lalo na’t may dalawa siyang anak. Pero dahil malaki ang tiwala kay Direk Rico Gutierrez at inalagaan sila ng production team, ginawa nila ni Miguel ang eksena.
Nang mapanood ang rappel scene na maganda ang execution, naniwala ang dalawa na tama ang kanilang desisyon na gawin ang eksena. Magandang panghatak sa mga viewers ang nasabing eksena at ang iba pang eksena ng dalawa at ibang cast.
Inamin ni Miguel na sa simula, intimidated siya kay Kylie.
“Si Kylie kasi ‘yun, action star, pero nang nagte-taping na kami, nawala ang intimidation ko. Nag-collab kami ng ideas at pinag-uusapan kung paano pagandahin ang eksena. ‘Pag na-discuss na namin, pumupunta kami kay Direk Rico. Grateful ako na makatrabaho ko s’ya at mas nakikita ko s’ya bilang tao. Sobrang happy ako na naka-build ako ng new relationship,” sabi ni Miguel.
Napapanahon ang tema ng Task Force Firewall. Imumulat ng series ang mga viewers para makaiwas sa scam, phishing at iba pang cyber crime na talamak ngayon. Tuturuan din ang mga viewers kung paano makakaiwas at kung ano ang mga dapat gawin kapag nabiktima at kung saang ahensiya ng gobyerno magsusumbong.

