ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | July 26, 2020

Habang isinusulat namin ang balitang ito ay hiningan namin ng pahayag ang Viva Corporate Communications kung bakit nagkaroon ng problema ang website ni Vice Ganda na The Vice Ganda Network na dapat ay launching nitong Biyernes (Hulyo 24).
Ang paliwanag ni Vice sa kanyang Twitter ay nag-crash ang website niya sa dami ng nagparehistro on the day itself, iba pa ‘yung pre-registration na umabot sa mahigit na 100K.
Tweet ni Vice, “Crash is real! I’m so sorry.
“'Di kineri ng website ang powers n'yo! Ayun nag-Crash Landing on You ang site ni betle! Sorry, we decided to cancel and reschedule the #TheViceGandaNetworkLaunch."
Nanghihinayang naman ang mga nag-aabang sa Gabing-Gabi Na Vice at maging ang host mismo dahil sina Bea Alonzo at Angel Locsin ang special guests niya na talagang pasabog kaagad.
Sa game show naman ay ang Gold Squad team mula sa seryeng Kadenang Ginto na sina Francine Diaz, Andrea Brillantes, Kyle Echarri at Seth Fedelin ang makakasama ni Vice.
Dagdag pa ng TV host-vlogger, “Sa inyong lahat na nag-abang, nagtiyaga at sumuporta ngayong gabi, maraming-maraming salamat. I am very sorry for the inconvenience.
“Babawi si Meme, pramis!!! Love you guys! Love you madlang people! Love you my Little Ponies!
“Pasensiya na talaga!!!! Babawi kami ng extra chugug pramis!!!! Love you guys!
“Sayang, pinaghandaan ko pa naman ng pangmalakasang blush on 'tong sina Andrea at Francine!!! Heheh!!! Super thanks sa Gold Squad ha for your patience. Bawi si Meme next time.
“Super thanks kina Angel at Bea also!!! Pasensiya na mga zizzzdt ha! Love u!”
Pajama party pala ang theme nina Bea at Angel base na rin sa pambubuking ng huli, “Before I sleep, let me congratulate @praybeytbenjamin for #TheViceGandaNetworkLaunch. Hindi kinaya ng internet ang excitement ng tao sa 'yo. Buti pajama ang theme natin at diretso sleep na ako, lol.”
Natapos na naming isulat ang balitang ito, pero hindi pa rin kami binalikan ng taga-Viva.


