- BULGAR
- Oct 30, 2022
ni MC - @Sports | October 30, 2022

Namahagi si Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo sa Cebu noong nakaraang linggo ng weightlifting equipment sa apat na weightlifting gyms bilang bahagi ng kanilang misyon na mag-donate sa sport na kanyang minamahal.
Matapos makumpleto ang Phase 1 at 2 ng kanyang donasyon na nakinabang ang ilang sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong nakaraang buwan at tatlong local government units (LGUs) sa Metro Manila sa unang bahagi ng buwan, ang mga nakatanggap naman sa Phase 3 ay mga weightlifters mula sa Cebu.
“It’s 660 days before Paris Olympics, nakumpleto namin ang Phase 3 ng #TeamHD grassroots initiative sa Cebu. Lubos kaming nagpapasalamat sa mga sumusuporta at patuloy na naniniwala sa aming misyon,” ani Diaz.
Sa tulong ng AirAsia, na siyang nagdala ng equipment mula Manila hanggang Cebu, nakapamahagi ang team Diaz-Naranjo ng weightlifting equipment sa Sisters of Mary Boys Town, Consolacion Weightlifting Gym, University of Cebu at sa Carreta Weightlifting Gym.
Kasabay nito, nagpahiram din ang Mazda Cebu ng trucks para maihatid ang mabibigat na weightlifting equipment mula sa airport hanggang Talisay, Consolacion, Carreta, maging sa University of Cebu. Sumuporta rin ang SpartPH para sa pagbili ng equipment mula na rin sa gantimpala ni Diaz na kanyang natanggap sa kanyang Tokyo Olympics stint. “Para makapagbigay kami ng medyo marami-raming equipment sa weightlifting community. Kagaya ng pagkapanalo ko sa Tokyo Olympics, kailangan ng team para magawa ito, at kung hindi sa kanilang lahat hindi natin ito magagawa,” saad ni Diaz.
Ang Phase 1 donation ng 31-anyos na si Diaz-Naranjo ay sa AFP branches ng Army, Navy at Air Force. Ang Phase 2 ay sa Tondo sa Manila Weightlifting Club, sa Borromeo Weightlifting Club sa Taguig City at sa Dasmarinas Weightlifting Club sa Dasmarinas City. "Masaya ako na umabot na tayo sa Phase 3,” ani Diaz-Naranjo.





