ni Julie Bonifacio - @Winner | December 22, 2021

Nahaluan ng lungkot ang excitement ni Ivana Alawi sa nalalapit na pagse-celebrate niya ng kanyang birthday sa mismong araw ng Pasko.
“Mixed emotions ang nararamdaman ko ngayon. Excited kasi malapit na birthday ko,” tweet ni Ivana.
Tulad ng ibang celebrities, naapektuhan si Ivana sa sinapit ng mga kababayan natin sa hagupit ng Bagyong Odette.
Inilabas ni Ivana ang kanyang saloobin sa kanyang magkakasunod na tweet kahapon.
“Blessed kasi kahit ano pa man nangyayari sa atin, malapit na ang Pasko and may rason tayo to always smile kasi birthday na ni Papa Jesus.
“Pero it breaks my heart, dahil hanggang sa bago matapos ang taon, may pagsubok na dumating sa mga kababayan natin na naapektuhan ng Bagyong #OdettePH,” post ni Ivana sa kanyang Twitter.
Dagsa ang reply ng mga netizens kay Ivana para sa kanyang kaarawan.
“Happy birthday sa 'yo and more blessing pa po sa 'yo kasi hindi ka nagsasawang mag-share rin ng blessing mo."
“Happy birthday. May God bless us all and sana, maging ok na ang mga nasalanta ng bagyo.
Kapit lang po and stay safe po sa lahat."
May netizen na sinabihan si Ivana na i-donate ang blessings niya sa mga biktima ng bagyo.
“'Yung pang-birthday mo… share mo na lang sa nasalanta ng bagyo... Kahit 'di ka mag-celebrate, i-celebrate mo na lang sa mga nabagyo...”
Pero may nanita sa netizen na nag-post nito.
“Makapag-utos, wagas? I'm sure she's going to do something, eh, ikaw, may ambag ka ba?”
Nag-express din si Ivana ng interes na personal na pumunta sa mga sinalanta ng bagyo.
“Gusto kong pumunta sa affected areas pero para raw sa safety ng lahat… Ang simpleng magagawa ko lang sa ngayon ay magpaabot ng tulong sa iba't ibang lugar kung saan mas kailangan ang tulong ko,” pangalawang tweet ni Ivana kahapon.
Pinagsabihan ng netizen si Ivana na mas makabubuti na huwag na siyang pumunta sa mga affected areas.
“Tama po, mas makakabuti na hindi na kayo pumunta ru'n para rin sa kaligtasan n'yo. Mas mabuting magpaabot na lang kayo ng tulong. Ang importante, mula sa puso."
Dahil sa tweet ni Ivana, bumuhos sa kanyang reply section sa Twitter ang post ng paghingi ng tulong sa sexy star para sa mga kapamilya nila na naapektuhan ng bagyo.
“Ms. Ivana, sana matulungan n'yo po kababayan namin taga-Siargao na halos walang makain at mainom, wala rin pong kuryente ru'n. Sana po matulungan sila. God bless po."
“Sana 'yung 14.5M subscribers mo sa YouTube, magkaisa kahit tigpi-piso lang. Makatulong lang tayo.”
Lastly, nanawagan si Ivana sa kanyang mga fans and followers na makiisa sa pagtulong sa ating mga kababayan na sinalanta ng bagyo.
“Guys, maliit man o malaki, sana magbigay din tayo ng pag-asa ngayong Pasko,” tweet muli ni Ivana.
Pakiusap pa ni Ivana sa kanyang mga fans, “Kahit 'yun na lang pa-birthday n'yo sa akin, please…”
So, there.

