top of page
Kim Chiu - IG.jpg
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | September 15, 2026



Niño Muhlach

Photo: File / Niño Muhlach - IG



Napako na ba ang pangako ng aktor na si Niño Muhlach – na sinabi niya sa harap ng TV camera – na sagot niya ang gastusin sa hospital ng netizen na si Nicolas Villanueva at ang nasirang motor nito matapos niyang mabangga ang isang karinderya at nadamay ang naturang biktima noong Agosto 23 sa Marcos Highway, Antipolo City?


Inamin ng aktor na pagod at nakaidlip siya nang mabangga niya ang karinderya kung saan naka-park ang motorsiklo ng biktima na kumakain that time.


At dahil tahimik na ang balita ay inakala ng lahat na okay na at hindi siya makakapagmaneho dahil suspendido ang kanyang driver’s license sa loob ng 90 araw, pati ang kanyang SUV.


Sa kanyang Facebook (FB) account ay nag-post ang netizen na si Nicolas Villanueva nu’ng Setyembre 13.


Pahayag ng lalaki, “Sir Niño Muhlach, nasaan na po ‘yung mga ipinangako mo nu’ng nasa harap ka ng camera. Nu’ng nasa loob pa ‘ko ng hospital, dumalaw ka pa. Pinangakuan mo ‘ko pero parang binabalewala n’yo ‘yung mga pangako mo at ‘yung mga matatamis mong mga salita sa ‘kin. 


“Pati motor ko na ipinangako mo na papalitan mo po ng bago, hanggang ngayon ay wala pa rin po. Pangatlong linggo na, wala pa rin pong nangyayari.”


Ini-repost ni Nicolas ang panayam ni Nino sa GMA News na inamin nito ang kanyang pagkakamali at nangakong sasagutin ang lahat ng nasira at medical assistance ng kanyang nabangga.


Bukod dito ay ini-repost din ni Nicolas ang official statement ni Onin tungkol sa nangyaring aksidente noong Agosto 23.


Pero tila walang financial assistance na natanggap si Nicolas kaya siya nag-post.

Aniya pa, “Sir, Niño Muhlach, pangatlong linggo na po. Parang binabalewala na po ninyo ‘yung nangyari sa akin. Ang galing-galing n’yong mangako ‘pag may camera. Wala pala kayong isang salita sa mga sinasabi n’yo. ‘Di pa ‘ko nakakapagtrabaho dahil sa nangyari sa akin, pati motor ko, ‘di n’yo pa rin pinapalitan #NiñoMuhlach #MAGPARAMDAMKANAMAN.”


Samantala, nagpadala kami ng mensahe sa social media account ni Niño pero hanggang matapos naming sulatin ang balitang ito ay wala siyang sagot.

Bukas ang BULGAR sa panig ng aktor sa panawagan ni Nicolas Villanueva.





Parcel niya, ‘di raw natatanggap… 

OSANG, PAULIT-ULIT NABUDOL NG DELIVERY RIDER, NANAWAGAN SA LAZADA



NAG-SHOUT ang aktres na si Rosanna Roces sa isang online shopping platform na Lazada dahil ang mga assigned riders ay hindi raw nakakarating sa kanya na dala sana ang mga parcel na nabayaran na niya sa pamamagitan ng GCash.


“Ang ginagawa, kukunan ‘yung mga parcel sa tapat ng bahay ko, tapos wala naman ‘pag kukunin ko. Puwede kasing iwan sa loob ng gate tapos naka-lock naman ang gate. Katwiran nila, kinuha na ng kasama ko sa bahay, eh, wala akong kasama sa bahay kasi umuwi ng probinsiya,” hinaing ni Osang.


Pawang iba’t ibang klaseng gamot daw ang order niya dahil diabetic siya, mataas din ang cholesterol niya, at may vitamins din.


Payo namin na sa drugstores na lang siya bumili para agad-agad ay makuha na niya. Hindi raw kasi siya nakakapunta dahil hassle, lalo’t may trabaho siya kaya online siya umo-order.


Sinabihan naming mag-cash on delivery na lang para siguradong makarating ang parcel.


“Kasi kaya dyini-GCash ko lagi, minsan ‘di ko alam kung ano’ng oras sila darating kasi tulog ako. So, ‘yung iba, iniiwan na lang sa loob ng gate kasi safe naman. Mas marami ang ‘di nakakarating. Check ko nga ‘yung rider, ilang beses ko kinokontak, walang sagot,” paliwanag ni Osang.


Dagdag pa, “Nakausap ko ‘yung admin, nabalik ‘yung bayad ko sa dalawang parcel ko. Oo, cash on delivery na ‘ko ngayon, dami kong in-order.”


Kinunan ni Osang ang mga orders niya online at pati mga lagayan ng tubig ay binibili niya. Food supplies na lang daw ang binibili niya sa supermarket.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page