top of page
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 25, 2024


Showbiz news
Photo: Batang Quiapo / YT

Namaalam na ang karakter ni Yukii Takahashi bilang si Camille sa FPJ’s Batang Quiapo (BQ) nitong Biyernes dahil pinatay siya ng partner niyang si McCoy de Leon as David.


Nag-post ang Dreamscape Entertainment na producer ng BQ at pinasalamatan nila ang aktres,“Maraming salamat, Yukii Takahashi (@yukiiitakahashi) sa pagiging bahagi ng FPJ’s Batang Quiapo. Hanggang sa muli, Camille!


#FPJsBatangQuiapo, 8 PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Cinemo, A2Z, at TV5! Mapapanood rin sa iWantTFC at TFC!”


Maraming mga netizens ang nagalit kay McCoy/David sa ginawa niya kay Camille at ngayon lang namin nalaman na marami pala ang nagmamahal kay Yukii.


Ito ang ilan sa mga komentong nabasa namin mula sa mga netizens:


“Magaling si Camille, sayang.”


“Pinatagal pa ang pagbubuntis, papatayin din pala ang bata, walang aral na mapupulot.”

“Hindi maganda naging papel niya, kawawa si Camille.”


“Ang role ni Camille, umikot na lang sa bahay nila. Minsan na lang lumabas, namatay pa.

“Isang taon naming hinintay ang panganganak ni Camille, tapos papatayin lang?”


“Ang sakim n’yo kay Camille. Puro sama ng loob ang ibinigay at ipinaramdam n’yo sa kanya.”

“Akala ko gaganda ulit si Camille at magsisisi si David. Ba’t pinatay kaagad?”


May ilang nagsabi na baka ibalik si Camille na kunwari may kakambal siya na puwede rin naman, kaso may asawa na si David, si Ara Davao as Katherine Caballero kaya parang malabo na rin.


Anyway, tuloy na kayang mamamatay na rin si McCoy dahil may kumalat na video na nakahiga na siya sa kabaong niya o baka naman ipinostpone pa ni Direk Coco Martin dahil may bago na naman siyang naisip na kuwento para magtagal pa si Ara sa BQ dahil marami na rin siyang tagasubaybay at higit sa lahat, ang telegenic niya.



Speaking of FPJ’s Batang Quiapo (BQ) ay tsugi na ba si Diwata sa kuwento? Nabago na kasi ang takbo ng buhay nina Tanggol played by Coco Martin dahil yayaman na sila.


Ilang raw lang napanood si Diwata sa BQ ay sumikat na ito kaya yumabang na raw, base sa mga nakakakilala sa kanya sa Pasay City kung saan nakapuwesto ang kanyang Pares Overload karinderya.


Maraming netizens ang nagrereklamo na sa kanya dahil hindi ngumingiti kapag may mga nagpapa-picture at ipinakita rin naman ang video sa Showbiz Update nina Ogie Diaz at Mama Loi kasama si Tita Jegs.


At dahil dito ay may payo si It’s Showtime (IS) Miss Q and A Grand Winner at Viva artist Juliana Pariscova Segovia kay Diwata na sana, matuto itong ngumiti at maging mabait.


Simula ni Juliana, “Paulit-ulit na lang ‘yung isyu na ibinabato kay Diwata na laging masungit, ayaw magpa-picture, laging bad trip.


“Well, Diwata ang maipapayo ko lang sa ‘yo, alam mo nu’ng nagsisimula ako sa industriya ay nakinig din naman ako sa mga beterano, sa mga nauna sa ‘kin at one time, nag-guest ako sa Home Sweetie Home sitcom nina Toni Gonzaga at John Lloyd Cruz – 2014 at first time ko ma-meet si Mama Ogie Diaz.


“Isa talaga sa mga tumatak sa ‘kin na ipinayo n’ya, ‘yung mga ganitong klaseng mukha (sabay turo sa mukha niya), ito mismo, mga ganitong klaseng mukha, dapat lagi ‘yan nakangiti regardless kung ano ang estado sa buhay nu’ng nakakasalamuha natin, nakikilala natin, nakakatrabaho natin, kailangan lagi itong (sabay hawak sa face) nakangiti ‘yung ganitong mukha natin kasi ‘yung ganitong mukha natin, laging nami-misinterpret kung masaya ba tayo o hindi. Kaya kailangan lagi tayong naka-smile. Kasi kahit deep inside ay masaya tayo, kung hindi naman nagre-react ang mukha mo, hindi ka talaga nila maiintindihan.”


Napapagod na raw kasi si Diwata sa mga nagpapa-picture sa kanya, kaya hindi na magawang ngumiti.


“Naiintindihan kita na marami kang ginagawa, busy ka, hands-on ka sa negosyo mo, puyat, pagod, stressed, naiintindihan ko lahat ‘yun.


“Base du’n sa video ay nakaupo ka sa isang sulok, so in-assume ko na nagpapahinga ka nang mga oras na ‘yun. Kung gusto mong magpahinga, du’n ka sa lugar na hindi ka maiistorbo, hindi ka maaabala.


“Kasi ‘yung pinuwestuhan mo, daanan talaga s’ya ng customer mo at merong makakakita sa ‘yo at may tendency talagang magpa-picture sa ‘yo at kung hindi mo ibibigay sa kanila ‘yung simpleng ngiti, gesture ng pasasalamat (o) na-appreciate mo sila, makakasakit ka rin ng damdamin.


“Ibigay mo na sa kanila (nagpapa-picture) ‘yung maliit na bagay na ‘yun. Siguro naman, hindi kasing mahal ng pares mo ‘yung ngiti mo, ‘di ba?” payo ni Juliana.


Dagdag pa niya, “Nasubaybayan ko ang pagsisimula mo kasi taga-Pasay lang din ako at nakita ko kung gaano karaming taong pumipila sa ‘yo, kung gaano kahabang (pila) ng supporters mo para lang makita ka at matikman ‘yang pares mo (ipinakita ang video na maraming tao).


“At ngayon, nakikita ko na hindi na ganu’n karami ang nagpupunta sa ‘yo tulad nu’ng nagsisimula ka na sana ‘yun din ang isipin mo na hanggang ngayon, meron at meron pa ring sumusuporta sa ‘yo at meron pa ring naniniwala sa ‘yo at merong dumadayo mula sa malayong lugar para lang makita ka, makapagpa-picture sa ‘yo para masuportahan ka sa negosyo mo at matikman ang pares mo, ‘yun na lang ang isipin mo.


“Naging tagahanga rin ako at alam ko ang pakiramdam ng naiisnaban, naiirapan, namamalditahan, kaya kailangan, friendly ka sa ganyang business. Kung hindi man tumatak ang paresan mo, at least, tumatak ka sa tao na ine-entertain mo sila.”

Bukas ang BULGAR sa panig ni Diwata.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 12, 2023


ree

Masyadong intense ang eksena nina Coco Martin at Lovi Poe sa episode ng FPJ’s Batang Quiapo na umere nitong Huwebes nang gabi dahil hindi nila namalayang nagdikit na ang kanilang mga labi.


Ang kuwento kasi ay kailangan ni Lovi sa karakter na Mokang ng mahigit isang milyong piso para sa operasyon ng tatay niyang si Mang Marsing played by Pen Medina at dahil hindi naman ito kikitain ng dalaga sa pagsasayaw lang sa club, kaya pumayag na siya sa gustong mangyari ni Ramon na ginagampanan ni Christopher de Leon.


Habang magkasama sina Lovi at Christopher nu’ng gabi ay ninakaw naman nina Coco kasama ang mga kaibigan ang malaking halagang ibinayad sa grupo nina Jeffrey Tam as Tiu-Lee at Joonee Gamboa bilang si Angkong mula sa drogang ipina-deliver nila kay Tanggol (Coco).


Kaagad dinala ni Coco ang malaking halaga sa hospital at nag-abot nga sila ni Lovi at sinabing hindi na nito kailangan ang pera dahil bayad na.


Dito na nag-iyakan ang dalawa dahil mahigpit na bilin ni Tanggol, huwag ibebenta ni Mokang ang sarili dahil gagawan niya ng paraan anuman ang mangyari.


Sobrang mahal ni Tanggol si Mokang at mahal din naman siya ng dalaga na hindi lang muna masagot dahil sa amang maysakit at dire-diretsong iyakan ang eksena na walang script at bahala na ang dalawa kung ano ang mga gagawin nila.


Dito na bumigay si Lovi dahil siya ang unang humalik kay Coco at inaming dalang-dala sila sa mga sumunod na nangyari.


Ipinost ni Lovi sa kanyang Instagram kahapon nang hapon ang video ng eksenang nag-iiyakan sila ni Coco at ang caption, “What you would do for love (heartbroken emoji) #FPJsBatangQuiapo.”


Ang komento ng netizen na si @mychristory sa nasabing eksena, “Grabe Lovi! (emojis praying hands) Napakahusay. Legend says, it is all spontaneous.”


Sinagot ng aktres ang komentong ito, “@mychristory Ahh, free flow and trust the process! Super thank you, Christian (heart emojis).”


Sabi naman ni @mikaybhay, “The King of Primetime & The Supreme Actress, everyone!!! (clapping hands).”


Hirit ni @itsmerei143, “Mokang, beke nemen?! May sobra pa sa P1.2 M.”


Sabi rin ni @tina_deriquito, “Wala akong mintis sa panonood ng Batang Quiapo every night.


Pagkagaling namin sa work ng husband ko, pinapanood agad namin ‘yan here in California.”


Mula kay @Berna C. Cosme, “The portrayal of the scene is so touching, ‘di mo mapipigilang maluha sa scene na ‘to, you can feel the pain so much. Nice, Direk Coco and Lovi! Galing n’yo.”


Say ni @Lyn Calderon, “Sobrang ganda! Napaiyak din ako sa eksena!”


Marami rin kaming nabasang kinilig sila sa eksenang ito at the same time, umiiyak sila, tulad ni @Lyn Mercado, “‘Yung luha, unti-unting pumapatak.. Galing nilang dalawa.. At si Tanggol, best man siya, ginawa niya ang lahat.”


Samantala, ilang beses ding paulit-ulit na ipinost ni Lovi sa IG Stories niya ang video nila ni Coco, “Coco and I have been doing free flow scenes.. meaning.. No script. Wherever your heart leads you, do it. And so, at this very moment.. I felt like kissing him. It was their first… but sad kiss. My #Monggol heart is weeping.”


Mula sa produksiyon, “Walang script ‘yung halik. Dalang-dala rin ba kayo sa eksena?



Bukod sa mga eksena sa Batang Quiapo ay may post din ang aktres na nasa London na siya at ang saya-saya nito habang naglalakad na sinusundan ng camera na hindi ipinakita kung sino ang may hawak.

 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 16, 2023



ree

Successful ang bagong seryeng FPJ’s Batang Quiapo sa una at ikalawang episode na napanood nitong Lunes (Pebrero 13) at Martes (Pebrero 14).


Pinuri ang lahat ng bumubuo sa Batang Quiapo sa napakagandang pagbubukas nito at talagang humataw ito sa pinagsama-samang ratings ng Kapamilya channels, A2Z, TV5 at iba pang platforms.


Viral si Miles Ocampo sa napakahusay nitong eksenang nireyp siya ni Coco Martin at ang panganganak niya sa palengke. Ang husay naman kasi.


Kaya nga sabi ni Direk Coco sa galing na ipinakita ni Miles, sana ay may magbukas ng bagong opportunity dito dahil sayang ang talento nito, na totoo naman.


Anyway, sa kabila ng kaliwa’t kanang papuri sa buong team ng Batang Quiapo ay hindi maiiwasan na may mga mababasang hindi maganda tungkol sa mga eksenang para sa iba ay maaaring hindi nila gusto dahil sa magkakaibang paniniwala, lalo na sa larangan ng relihiyon.


Hindi nagustuhan ng mga kapatid nating Muslim ang eksenang hinahabol ng mga pulis ang karakter ni Coco bilang si Tanggol dahil nang-snatch ng kuwintas at sa bahay ni Rez Cortez bilang Muslim siya pinatuloy.


Ayon sa sinabi ng pulis na humahabol ay hindi na nila mahuhuli pa si Tanggol dahil nasa poder na ito ni Rez. Kasunod nito ay may isang karakter din na may hawak na armalite ang nagsabing wala na ang mga pulis at nakaalis na.


Sa madaling salita ay inalmahan ng mga Muslim ang eksenang ito dahil taliwas ito sa turo ng Islam na kumakandili sila ng magnanakaw dahil misleading daw ito.


Viral ito sa Facebook account ng may pangalang Sohaimen M. Agal kung saan itinag nito ang mga kapwa Muslim at may panawagan pa sa mga kapwa nila Muslim na iboykot ang programang FPJ’s Batang Quiapo.


Base sa post ni Sohaimen, “Panawagan sa mga kapwa kung Muslims para i-Boycott itong show FPJ's Batang Quiapo. Kahit kailan ay hindi kino-konsente ng Islam ang pagnanakaw. Ito ay mahigpit na ipinagbabawal ng Islam. Sinabi ng Allah sa Qur'an (translated in Filipino ang pagkakasulat sa Arabic) 'Ang mga magnanakaw, lalaki man o babae, puputulin ang kanilang mga kamay bilang kabayaran sa kanilang ginawa. (Qur'an 5:38)'"


“At nabanggit sa isang Hadith, Sahih Bukhari Wa Muslim, kung saan ang Propeta Muhammad Sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala, ay sumumpa sa Allah, na kung sakaling nagnakaw si Fatima, ang kanyang anak, tiyak na ipapaputol nito ang kanyang kamay.


“Misleading po ang Episode ng FPJ's Batang Quiapo kagabi (Martes). Very opposite sa teaching ng Islam ang ipinakita nila, kung saan okay lang daw na magnakaw si Coco Martin basta't ginagamit niya ito sa pagtulong sa mga tao! Kapag habulin pa daw siya ng police sa susunod, takbo lang daw ito sa kanila! Kailan pa naging tama ang mali, ABS-CBN?


“Ano ‘yun? Ipino-portray nila na ang mga Muslim sa Quiapo ay takbuhan at protector ng mga magnanakaw? Ng mga masasamang tao? Ng mga basagulero? Tapos sinabi pa ng police na "Tara, umuwi na tayo, mahirap nang makapasok d'yan.' Ano'ng ibig sabihin noon, mga #FPJsBatangQuiapo writers? What are you insinuating? Hindi lang ito ang una, kundi ilang beses na po naming napatunayan na biased kayo when it comes sa aming mga Muslims."


Nagpadala kami ng mensahe sa Corporate Communication para sa sagot tungkol dito pero hanggang natapos na naming isulat ang balitang ito ay hindi pa kami nababalikan.


Tinext din namin si Direk Malu Sevilla bilang isa sa direktor ng FPJ’s Batang Quiapo at hindi rin kami nasagot pa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page