ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 30, 2023

Babalikan na kaya ni Bimby Aquino-Yap ang naudlot niyang showbiz career at papasukin na rin ang pagho-host tulad ng kanyang inang si Kris Aquino?
Nakita kasi namin sa social media account ng Cornerstone Entertainment ang larawan ni Bimby kasama ang president at CEO ng talent agency na si Erickson Raymundo at ang vice-president nitong si Jeff Vadillo.
Kasama rin ni Bimby ang kanyang ninong na si Boy Abunda, pati na rin si Tin Calawod na handler ni Kris.
Menor-de-edad pa ang bunsong anak ni Kris, kaya’t ang kanyang ninong na si Boy ang tumatayo niyang guardian dito sa Pilipinas habang wala pa ang kanyang ina dahil nagpapagaling pa ito sa Amerika.
Ang caption sa larawan ay: “The Cornerstone fam with Bimb. Exciting days are truly ahead for the young star! Mr. Boy Abunda stood in as a guardian for Bimb while Kris is still away. #BimbyAquino #CornerstoneArtist.”
Matatandaang gumawa na ng apat na pelikula si Bimb noong bata pa siya. Nandiyan ang Private Benjamin (2011), My Little Bossings (2013), The Amazing Praybeyt Benjamin (2014), at All You Need Is Pag-ibig (2015).
Anyway, matatandaang pinayagan nang umuwi ni Kris ang bunsong anak para maging normal ang buhay nito sa Manila habang nag-aaral. Bukod doon ay pumayag na rin ang Queen of All Media na makausap ni Bimb ang amang si San Juan City Councilor James Yap.
Nasulat ding excited si James sa pagkikita nila ng panganay niya pagkalipas nang walong taon.
Samantala, itinanong namin kay Erickson kung ano ang plano kay Bimby, kung babalikan ba nito ang acting o may ibang genre silang naiisip para sa anak ni Kris.
“Mag-uusap pa kami ni Kris pagpunta namin sa US,” sagot sa amin ng manager nina Kris at Bimb.
May concert tour ang buong Cornerstone artists sa mga major cities sa Amerika sa susunod na buwan, Hulyo, at isasabay na rin ni Erickson na dumalaw kay Kris at dito na nila pag-uusapan kung ano ang kanilang plano para sa showbiz career ni James Carlos Aquino-Yap, Jr. o Bimby.

