ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | November 23, 2026
ISSUE #420
Ang bawat isa sa atin ay may karapatang mabuhay. Ang karapatang ito ay walang pinipiling estado sa buhay. Mahirap man o mayaman, nakapagtapos man ng pag-aaral o salat sa kaalaman, malaya mang namumuhay sa lipunan o nakakulong sa piitan, walang sinuman ang maaaring pagkaitan ng naturang karapatan.
Sa isang hindi inaasahang malagim na pangyayari, kinitil ang buhay ng isang bilanggo na nagngangalang Ritchie. Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kanyang kuwento, hango sa kasong pinamagatang People of the Philippines vs. Reynaldo Babao y Peradilla (G.R. 263520, June 30, 2026, Supreme Court Second Division).
Batay sa sakdal para sa krimeng Murder na inihain sa Regional Trial Court ng Batangas City (RTC), sinalakay at ilang ulit na pinagsasaksak sa iba't ibang bahagi ng katawan si Ritchie. Ang mga sugat na kanyang tinamo ang naging sanhi umano ng kanyang agarang pagkamatay.
Naganap ang insidente bandang alas-10:30 ng umaga noong ika-6 ng Marso 2017 sa Bilangguang Panlalawigan ng Batangas.
Ang inakusahang may kagagawan sa nasabing pamamaslang ay isa ring bilanggo na nagngangalang Reynaldo.
Diumano, armado ng balisong si Reynaldo, at sa kabila ng kawalan ng anumang makatuwirang dahilan, bigla na lamang niyang sinalakay at pinagsasaksak si Ritchie, na noon ay walang dalang anumang armas at lubos na walang kalaban-laban.
Tumayo bilang mga saksi para sa Tagausig sina Prison Guard 1 Roy Sarmiento (PG1 Sarmiento), isang bilanggo na nagngangalang Erick, at si PO2 Ilagan.
Diumano, naglalakad lamang si Ritchie noong umagang nabanggit nang bigla at walang babalang sinaksak siya ni Reynaldo gamit ang isang balisong. Naagaw umano ni Ritchie ang naturang patalim at nagawa niyang saksakin si Reynaldo sa likuran. Pagkatapos nito, tumakbo umano palayo si Ritchie, ngunit hinabol siya ni Reynaldo at ilang ulit pang pinagsasaksak sa likuran. Dinala sa pagamutan ang dalawa, subalit binawian ng buhay si Ritchie.
Diumano, naroon si Erick nang maganap ang malagim na insidente. Siya rin umano ang nakakuha sa ginamit na patalim at nag-abot nito kay PG1 Sarmiento.
Sa isinagawang inquest proceedings, positibong kinilala ni Erick si Reynaldo bilang pumaslang kay Ritchie.
Iniharap din ng Tagausig ang mga sumusunod na circumstantial evidence: (a) ang pagpunta ni PO2 Ilagan sa pinangyarihan ng insidente, kung saan nakumpirma umano niya mula kay Erick na sinaksak at pinaslang ni Reynaldo si Ritchie; (b) ang pagkakagawa ng sinumpaang salaysay ni Erick matapos makuha ni PO2 Ilagan ang pahayag ng saksi, na nilagdaan din umano nito; (c) ang testimonya ni PG1 Sarmiento na, matapos maganap ang insidente, iniulat umano sa kanya ni Erick na nasaksihan nito ang pananaksak sa biktima at ibinigay ang patalim na ginamit umano ni Reynaldo; (d) bagaman itinanggi ni Erick sa hukuman ang kanyang sinumpaang salaysay, mariing pinatotohanan ni PO2 Ilagan na binasa ni Erick ang nasabing salaysay noong isinagawa ang inquest proceedings. Sumagot din umano ng “oo” si Erick nang tanungin siya kung nabasa at naunawaan niya ang naturang salaysay at kung pinagtibay niya ito at nilagdaan sa harap ni PO2 Ilagan; (e) ang testimonya ni PO2 Ilagan ay pinagtibay ng isang larawan na nagpapakita kay Erick habang nanunumpa sa harap ng piskal at itinuturo si Reynaldo bilang salarin na sumaksak kay Ritchie; (f) ang testimonya ni PO2 Ilagan na, sa isinagawa niyang imbestigasyon, natuklasan niyang ang mga sugat na tinamo ni Reynaldo ay umaayon sa pahayag ni Erick na naagaw ni Ritchie ang balisong mula kay Reynaldo at nagawa nitong saksakin ito sa likuran; at (g) ang pagkamatay ni Ritchie, na pinatunayan sa pamamagitan ng kanyang Sertipiko ng Kamatayan.
Hindi na nagharap ng ebidensya ang Depensa. Para dito, bigo umano ang Tagausig na patunayang si Reynaldo ang may kagagawan sa pamamaslang sa kapwa bilanggo.
Nakumbinsi ang RTC na napatunayan ng Tagausig ang lahat ng elemento ng krimeng Murder sa pamamagitan ng mga circumstantial evidence. Sa desisyong inilabas ng hukuman ng paglilitis noong ika-23 ng Enero 2019, hinatulang nagkasala si Reynaldo at pinatawan ng parusang reclusion perpetua. Ipinag-utos din sa kanya ang pagbabayad ng danyos sa mga naulila ni Ritchie, gayundin ng moral, exemplary at temperate damages, na papatawan ng anim na porsiyentong interes bawat taon hanggang sa ganap na mabayaran ang kabuuang halaga ng mga ito.
Hindi tinanggap ni Reynaldo ang nasabing hatol kaya agad siyang naghain ng apela sa Court of Appeals. Sa desisyong inilabas noong ika-12 ng Mayo 2022, pinagtibay ng Hukuman ng mga Apela ang naunang pasya ng RTC. Itinaas lamang nito nang bahagya ang halaga ng temperate damages na ipinataw kay Reynaldo.
Sa tulong at representasyon ng PAO-Special and Appealed Cases Service, iniakyat ni Reynaldo sa Korte Suprema ang kanyang apela upang hilingin ang pagpapawalang-sala.
Iginiit ng Depensa na hindi napatunayan ng Tagausig nang higit pa sa makatuwirang pagdududa na si Reynaldo ang may kagagawan sa pananaksak at pamamaslang kay Ritchie.
Muling masusing pinag-aralan ng Korte Suprema ang kaso ni Reynaldo. Sa pagdedesisyon sa nasabing apela, binigyang-diin ng Ikalawang Dibisyon ng Korte Suprema na ang hatol ng pagkakasala na nakabatay sa circumstantial evidence ay maaari lamang pagtibayin kung mayroong hindi napuputol na tanikala ng mga sirkumstansya na nagtataguyod sa konklusyong ang akusado, sa pagbubukod sa lahat ng iba pang tao, ang siyang salarin sa krimen.
Sa kasong ito, ang pangunahing ebidensya laban kay Reynaldo ay ang sinumpaang salaysay ni Erick, na naglalaman ng kanyang pahayag hinggil sa umano'y pagkakasaksi niya sa pananaksak at pagpaslang ni Reynaldo kay Ritchie. Gayunman, sa masusing pagsusuri sa mga tala ng hukuman, naging kapuna-puna sa Korte Suprema na tahasang itinanggi ni Erick sa hukuman ang nilalaman ng naturang salaysay.
Sa kanyang testimonya sa hukuman ng paglilitis, sinabi ni Erick na nakahanda na ang dokumento at pinapirma na lamang siya sa himpilan ng pulisya nang hindi ipinabasa sa kanya ang nilalaman nito. Hindi rin umano niya maalala ang pangalan ng taong nagpirma sa kanya.
Sinabi rin ni Erick na natutulog siya bandang alas-10:30 ng umaga noong ika-6 ng Marso 2017. Nagising na lamang umano siya dahil sa kaguluhang nagaganap sa palikuran. Nang puntahan niya ito, nakita niya umanong mayroon nang taong patay at nakahiga sa palikuran. Ipinaalam niya umano ito sa mga guwardiya ng kulungan at wala nang iba pang naganap matapos iyon.
Para sa Korte Suprema, taliwas ang naturang testimonya ni Erick sa bersyon ng Tagausig hinggil sa mga pangyayaring may kaugnayan sa pananaksak at pagkamatay ni Ritchie.
Binigyang-diin din ng Korte Suprema ang tahasang pagtanggi ni Erick sa sinumpaang salaysay na iginigiit ng Tagausig na nagmula sa kanya.
Dahil sa malaking pagkakaiba at kapuna-punang hindi pagkakatugma ng nilalaman ng naturang sinumpaang salaysay at ng mga pahayag ni Erick sa kanyang testimonya sa hukuman, nagkaroon ng matinding pagdududa ang Korte Suprema sa kredibilidad ni Erick bilang saksi.
Hindi rin isinantabi ng Korte Suprema ang katotohanang kung aalisin ang naturang sinumpaang salaysay ni Erick hinggil sa insidente, ang natitira pang ebidensya ng Tagausig ay maituturing na mga haka-haka lamang at hindi sapat upang makabuo ng hatol ng pagkakasala. Dahil dito, para sa Korte Suprema, walang ibang makatuwirang konklusyon kundi ang ipawalang-sala si Reynaldo.
Ipinaalala ng Kataas-taasang Hukuman na kahit pa walang iniharap na ebidensya ang Depensa o mahina ang mga ebidensyang iniharap nito, maaari pa ring mapawalang-sala ang akusado kung hindi napatunayan ng Tagausig ang kanyang pagkakasala nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.
Dahil dito, minarapat ng Ikalawang Dibisyon ng Korte Suprema na baligtarin ang desisyon ng Hukuman ng mga Apela at igawad kay Reynaldo ang hatol ng pagpapawalang-sala. Naging final and executory ang nasabing resolusyon noong ika-30 ng Hunyo 2026.
Sadyang nakakalungkot at lubos ding nakakabahala na kahit sa kasagsagan ng araw at sa isang lugar na mahigpit na binabantayan tulad ng piitan ay nagaganap ang mga kasuklam-suklam na krimen gaya ng pamamaslang. Ang higit pang nakakalungkot ay ang posibilidad na maraming biktima ang hindi nakakamit ang hustisya dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.
Umaasa kami na makakamit pa rin ng kaluluwa ni Ritchie ang karampatang hustisya. Nawa ay mayroong nakasaksi na boluntaryong maglalakas-loob na maglahad ng kanyang malayang testimonya, o kaya naman ay may iba pang ebidensyang makakalap na makakatulong upang matukoy ang tunay na salarin sa karumal-dumal na krimeng naghatid kay Ritchie sa kanyang huling hantungan.


