ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | September 28, 2026
ISSUE #412
Sa isang krimeng nangyari sa gabi, maaaring may saksi na magsabing nakita niya mismo kung sino ang gumawa, maaaring kilala niya ang taong iyon, maaaring ilang metro lamang ang kanilang pagitan, at maaari din niyang sabihin nang buong katiyakan na nakita niya mismo ang pananaksak. Ngunit, kapag kalayaan ng isang tao ang nakataya, hindi sapat na may nagturo lang.
Kailangan malinaw din kung gaano kaliwanag ang lugar? Ano talaga ang nakita ng saksi? May iba pa bang taong naroon? Magkakatugma ba ang kanyang mga salaysay? Ang ibang ebidensya ba ay sapat upang patunayan hindi lamang na may naganap na krimen, kundi kung sino talaga ang gumawa nito? Sapagkat, sa isang kasong kriminal, ang paratang laban sa akusado ay hindi awtomatikong nangangahulugang napatunayan na ang pagkakasala. Ang pagkakasala ay marapat na napatunayan ng ebidensya.
Ito ang maselang usaping sinuri sa kasong Homicide na may titulong People v. Laudes, Criminal Case No. 05-1322, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 64, Labo, Camarines Norte, sa desisyong nilagdaan noong 10 Nobyembre 2016 at ibinaba noong 17 Nobyembre 2016 ni Honorable Acting Presiding Judge Roberto A. Escaro.
Ang akusado, na tatawagin nating alyas “Daniel,” ay kinasuhan ng Homicide dahil sa pagkamatay ng isang lalaki na tatawagin naman nating alyas “Ramon.”
Ayon sa Impormasyon, bandang alas-8:30 ng gabi noong ika-14 ng Hunyo 2005, sa Purok 4, Brgy. Calabasa, Labo, Camarines Norte, umano ay inatake, sinaktan, at sinaksak ni Daniel si Ramon gamit ang isang matalim na bagay. Tinamaan umano ang biktima sa noo at kalaunan ay namatay.
Sa kanyang arraignment, hindi umamin sa kasalanan ang akusado.
Ayon sa Tagausig, isa sa mga pangunahing saksi ay ang 11-anyos na anak ni Ramon, na tatawagin nating alyas “Mia.”
Sinabi ni Mia na natutulog siya noon sa isang bodega kasama ang nakababatang kapatid ni Daniel nang magising siya dahil sa tahol ng mga aso. Pagtingin niya sa labas, nakita umano niya si Daniel na papunta sa kanilang bahay habang nagsasalita ng masasamang salita at hinahamon ang kanyang ama na lumabas.
Ayon pa sa kanya, binato umano ng akusado ang kanilang bahay. Nang lumabas ang kanyang ama, diumano ay nakita niyang sinaksak ito ni Daniel sa bahagi ng noo. Gumanti naman umano si Ramon at hinampas ang akusado gamit ang isang piraso ng kahoy. Sinabi rin ng bata na bago ang pananaksak ay narinig niyang minura at hinamon ng akusado ang kanyang ama. Pagkatapos ng insidente, pumasok umano siya sa bahay kasama ang kanyang ina.
Sa cross-examination, sinabi ni Mia na malapit lamang siya sa kanyang ama nang mangyari ang insidente, humigit-kumulang dalawa at kalahating metro ang layo. Ngunit, inamin din niya na gabi noon at ang mga pinagmumulan lamang ng liwanag ay isang maliit na flashlight na hawak niya at isang gas lamp sa loob ng bodega.
Tumestigo rin ang kinakasama ni Ramon, na si alyas “Elena.”
Ayon sa kanya, natutulog sila ng biktima sa loob ng kanilang bahay nang may biglang bumato. Nang tingnan nila kung sino ang nasa labas, nakita umano nila si Daniel na nagsasabing lumabas sila ng bahay.
Naghain din ang Tagausig ng mga hospital at medical records na naging bahagi ng testimonya ng records officer ng Labo District Hospital. Kinilala nito ang medical record, outpatient record, at death certificate na nilagdaan ng doktor na tumingin sa biktima. Gayunman, inamin ng records officer sa cross-examination na wala siya nang gawin ng doktor ang mga entry na nakapaloob sa naturang mga dokumento.
Sa kabilang banda, iba naman ang bersyon ng Depensa. Sa tulong ni Manananggol Pambayan, Atty. Franklin L. Suyat, mariing itinanggi ni Daniel na siya ang sumaksak at pumatay kay Ramon.
Ayon kay Daniel, bandang alas-8:00 ng gabing iyon ay papunta siya sa bahay ng kanyang pinsan. Habang dumaraan umano siya sa tapat ng bahay ni Ramon, bigla siyang hinampas nito gamit ang isang 2x2 na piraso ng kahoy. Nawalan umano siya ng malay. Nang magkamalay siya, nasa gilid na siya ng isang sapa. Mula roon ay nagtungo siya sa kanyang pinsan upang humingi ng tulong at pagkatapos ay nagpagamot sa ospital. Kinabukasan ay nagpasuri din siya sa Camarines Norte Provincial Hospital.
Sa karagdagang direct examination na isinagawa ni Atty. Suyat, sinabi ni Daniel na kasama ni Ramon ang kinakasama nito nang siya ay hampasin.
Ayon sa kanya, sinusubukan pa umano nitong awatin ang biktima, na noon ay lasing. Sinabi rin niyang wala silang dating alitan ni Ramon. Iniuugnay niya ang biglaang pananakit sa kanya sa perang humigit-kumulang P9,000.00 na dala niya noon at maaaring napag-interesan umano ng biktima.
Upang patunayan na siya mismo ay nagtamo ng mga pinsala, nagharap din ang Depensa ng mga dokumento kaugnay ng kanyang pagpapagamot. Sa cross-examination, itinanggi ni Daniel na inatake o sinaktan niya ang biktima.
Sinabi rin niyang hindi niya alam kung bakit siya ang itinuro ng kinakasama at anak ni Ramon bilang salarin. Sa halip, itinuro niya ang isa niyang pinsan, na tatawagin nating “Nestor,” bilang taong pumatay kay Ramon.
Sa re-direct examination, ipinaliwanag niyang nakita niya noong gabing iyon sina Ramon at Nestor na nag-iinuman.
Ayon sa kanya, dahil alam niyang maaaring magkaroon ng gulo kapag nalasing si Nestor, kung kaya’t binalaan pa niya ang biktima na huwag lumapit dito.
Dito pumasok ang pangunahing usapin sa kaso. Napatunayan ba ng Tagausig, beyond reasonable doubt, na si Daniel nga ang pumatay kay Ramon?
Sa pagpasya sa kaso, ipinaliwanag ng hukuman na bagama't hindi pinagtatalunan na may taong namatay, hiwalay na usapin kung napatunayan naman ang pagkakakilanlan sa taong responsable sa kanyang pagkamatay. Binigyang-diin ng hukuman: “The first duty of the prosecution is not to prove the crime but to prove the identity of the criminal.” Ibig sabihin, bago pa man pag-usapan kung napatunayan ang lahat ng elemento ng krimen, kailangang matiyak muna na ang taong nililitis ang siya mismong gumawa nito.
Ang pagkakakilanlan sa akusado ay kailangang mapatunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Hindi maaaring ipagpalagay lamang na tama ang pagkilala dahil may isang saksi na nagturo sa kanya.
Sa kasong ito, hindi naging kumbinsido ang hukuman sa pagkakakilanlan kay Daniel bilang salarin. Napansin nito na bagama't sinabi ni Mia na nakita niyang sinaksak ng akusado ang kanyang ama, lumitaw sa kanyang naunang sinumpaang salaysay at sa salaysay ng kanyang ina na mayroon pang ibang lalaki sa lugar nang mangyari ang insidente.
Sa salaysay ni Elena, si Daniel umano ang nasa labas at may hawak na bato, habang ang isa pang lalaki na si Nestor ay naroon din at may hawak na patalim.
Sa sinumpaang salaysay naman ni Mia, nabanggit din si Nestor kaugnay ng pananaksak sa kanyang ina.
Para sa hukuman, ang presensya ng dalawang lalaki sa crime scene ay mahalagang pangyayari na nagbigay ng makatuwirang pagdududa kung sino talaga ang gumawa ng nakamamatay na pananaksak. Mahalaga rin ang kondisyon ng lugar nang mangyari ang insidente.
Ayon mismo sa batang saksi, maliit na flashlight lamang ang hawak niya, habang isang gas lamp naman ang nasa loob ng bodega.
Binigyang-pansin ng hukuman ang ganitong kondisyon dahil mahalagang bahagi ng identification of evidence ang sapat na pagkakataon ng saksi upang makita nang malinaw ang salarin.
Sa isang mabilis at marahas na insidenteng nangyari sa dilim, lalo pang kailangang tiyakin na ang pagkakakilanlan ay hindi bunga ng pagkakamali.
May nakita ring problema ang hukuman sa medical evidence tungkol sa sanhi ng pagkamatay. Sa Certificate of Death, nakasaad ang myocardial infarction bilang immediate cause of death, intracranial hemorrhage bilang antecedent cause, at isang hinihinalang stab wound bilang underlying cause.
Samantala, sa hospital certification, ang nakatalang pinsala ay isang non-penetrating stab wound sa right temporofrontal area, na tinahi sa ospital. Ngunit, napansin ng hukuman na hindi iniharap ang doktor na mismong sumuri at gumamot sa biktima.
Ang records officer lamang ang tumestigo, at inamin niyang wala siya nang gawin ng doktor ang mga entry sa medical records. Dahil dito, walang doktor na nakapagpaliwanag sa hukuman kung paano naugnay ang sugat na natamo ng biktima sa myocardial infarction at intracranial hemorrhage na nakalagay sa kanyang death certificate.
Wala ring pagkakataon ang Depensa na ma-cross-examine ang doktor hinggil sa findings at sa mismong kaugnayan ng sugat sa pagkamatay.
Sa puntong ito, binanggit ng hukuman ang De Liana A. Dela Llano v. Rebecca Biong, kung saan tinalakay ng Korte Suprema ang kahalagahan ng pagharap ng doktor na may personal na kaalaman sa nilalaman ng medical certificate upang maipaliwanag ang kanyang findings at mapasailalim ito sa cross-examination.
Sa huli, nakita ng hukuman na maaaring may mga kahinaan din ang bersyon ng Depensa. Ngunit sa isang kasong kriminal, hindi ang kahinaan ng depensa ang batayan ng conviction. Ang dapat pagbatayan ay ang lakas ng ebidensya ng Tagausig.
Sinipi ng hukuman ang matagal nang tuntunin na kahit maaaring pagdudahan ang kawalang-sala ng akusado, kung maaari ding makatuwirang pagdudahan ang kanyang pagkakasala, hindi maaaring magkaroon ng conviction. Ang constitutional presumption of innocence ay nananatili hanggang sa mapatunayan ng Tagausig ang kabaligtaran nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Sa kasong ito, hindi nakamit ang antas ng katiyakang iyon. May pagdududa kung sino talaga ang gumawa ng pananaksak. May ibang taong naroon sa pinangyarihan.
Limitado ang liwanag nang mangyari ang insidente. At ang medical evidence tungkol sa sanhi ng pagkamatay ay hindi lubusang naipaliwanag ng doktor na may personal na kaalaman dito. Dahil dito, pinawalang-sala si Daniel sa kasong Homicide dahil hindi napatunayan ng Tagausig ang kanyang pagkakasala beyond reasonable doubt. Iniutos din ng hukuman ang pagkansela at pagpapalaya ng property bond na inilagak para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
May isang taong namatay. May pamilyang nawalan ng ama, asawa, at mahal sa buhay. Para sa kanila, maaaring mahirap tanggapin na matapos ang mahabang paglilitis, walang taong nahatulan para sa pagkamatay na iyon. Iyon ang kanilang daing.
Sa kabilang banda, mayroon ding daing ang isang taong maaaring mawalan ng kanyang kalayaan dahil sa isang pagkakakilanlang kailangang suriin sa ilalim ng maliit na liwanag ng flashlight, sa gitna ng kaguluhan, at sa presensya ng isa pang taong maaaring sangkot sa pangyayari.
Hindi sinasabi ng acquittal na walang taong namatay. Hindi rin nito awtomatikong sinasabi kung sino talaga ang responsable sa kanyang pagkamatay. Ang sinasabi lamang nito ay hindi maaaring punan ng hinala ang puwang na iniwan ng ebidensya.
Ito ay susog sa dahilan na sa kasong kriminal, hindi sapat na maaaring ang akusado ang gumawa. Kailangang mapatunayan na siya nga ang gumawa, at kailangang mapatunayan iyon nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Doon nagtatagpo ang dalawang daing. Ang daing ng pamilyang naghahanap ng hustisya para sa buhay na nawala, at ang daing ng isang akusadong hindi maaaring pagkaitan ng kalayaan hangga't ang kanyang pagkakasala ay hindi napatutunayan sa antas ng katiyakang hinihingi ng batas.


