ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | August 23, 2026
ISSUE #409
May mga alitan sa pamilya na nagsisimula sa maliliit na bagay. May tampuhan sa lupa, pera, ari-arian, o sa mga obligasyong matagal nang pinagtatalunan.
Ngunit may mga pagkakataong lumalalim ang hindi pagkakaunawaan hanggang sa ang dating magkapatid na magkasamang lumaki ay humantong sa magkabilang dulo ng isang matalim na sandata.
At kapag ang isang sagupaan ay may namatay, tila simple ang unang tanong: Sino ang pumatay? Ngunit sa ilalim ng batas, hindi roon nagtatapos ang pagsusuri. Kailangang alamin hindi lamang kung sino ang pumatay, kundi kung bakit niya ito nagawa, anong panganib ang kanyang kinaharap, at kung ang kanyang ginawa ay bunga ng kriminal na hangarin o isang agarang pagtatanggol sa kanyang sarili.
Ito ang maselang usaping sinuri sa kasong People v. Quingquing, Criminal Case No. P-6109, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 32, Pili, Camarines Sur, sa panulat ni Presiding Judge Vivencio Gregorio G. Atutubo III, sa desisyong may petsang 5 Nobyembre 2021.
Ang akusado ay itago na lamang nating alyas “Mario,” na kinasuhan ng Homicide dahil sa “pagpatay” sa sarili niyang kapatid, na tawagin na lamang nating alyas “Carlo.”
Ayon sa kaso, bandang alas-10:45 ng umaga noong ika-24 ng Enero 2019, sa Barangay Ayugan, Ocampo, Camarines Sur, nagkaroon ng madugong sagupaan ang magkapatid gamit ang mga bolo.
Nasawi si Carlo dahil sa matinding pagdurugo mula sa maraming sugat na tinamo niya.
Sa kanyang arraignment, hindi umamin sa kasalanan si Mario. Siya ay tinulungan at ipinagtanggol ni Manananggol Pambayan Atty. Maria Ester M. Alis-Orozco ng Public Attorney’s Office. Ngunit mahalagang maunawaan na hindi itinanggi ng depensa na nasaktan ni Mario ang kanyang kapatid. Sa halip, pinanindigan nito na ginawa niya iyon upang ipagtanggol ang kanyang sarili.
Batay sa mga ebidensyang iniharap sa hukuman, matagal nang may hindi pagkakaunawaan ang magkapatid kaugnay sa lupang minana nila sa kanilang mga magulang, kabilang ang kita mula rito at mga buwis na kailangang bayaran. May mga nauna ring insidenteng naiulat sa barangay kung saan kinompronta at sinaktan umano ni Carlo ang kanyang kuya.
Ayon sa testimonya ng asawa ni Mario, noong araw ng insidente, galing sa bukid si Mario at may dalang kamote at sprayer na ginagamit niya sa pagsasaka.
Pagdating niya, inilapag ni Carlo ang hawak niyang gulong ng motorsiklo, bumunot ng bolo at tinaga ang kanyang kapatid. Tinamaan si Mario sa kaliwang bahagi ng leeg. Kaya naman, binaba niya ang kanyang sprayer, at agad na bumunot ng bolo upang gumanti, kung kaya’t tinamaan umano si Carlo sa kanang bahagi ng mukha.
Ngunit hindi roon natapos ang pangyayari. Muli umanong tinaga ni Carlo ang kanyang kapatid at muli itong tinamaan sa leeg. Sa pagpapatuloy ng sagupaan, gumanti si Mario at tinamaan ang braso ng kanyang kapatid hanggang sa maagaw o mawala rito ang bolo. Nag-agawan at nagbunuan pa ang dalawa. Sa gitna nito, nasugatan din si Carlo sa hita. Nakapangibabaw pa umano siya kay Mario at paulit-ulit itong hinampas sa mukha gamit ang paso.
Pagkatapos ng sagupaan, umupo si Carlo sa isang kawayan na bangko habang umuwi naman si Mario sa kanilang bahay. Tumawag sa pulisya ang asawa ng akusadong si Mario. Dinala si Carlo sa Bicol Medical Center, ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Samantala, dinala rin sa pagamutan si Mario. Napatunayang nagtamo siya ng malalalim na sugat, kabilang ang isang 15-centimeter incised wound mula sa kaliwang mandibular area patungo sa leeg, at iba pa umano ang mga sugat sa kanyang mukha.
Sa pagsusuri naman sa bangkay ni Carlo, nakita ang mga sugat sa mukha, kamay, braso, tuhod at hita. Ang kanyang pagkamatay ay iniugnay sa irreversible shock dahil sa massive hemorrhage mula sa mga sugat na tumama sa mga buto at mahahalagang ugat.
Dito pumasok ang pangunahing usapin: Maaari bang mapawalang-sala ang isang taong umaming siya ang nakapatay kung mapatutunayan niyang ginawa niya iyon bilang pagtatanggol sa sarili?
Ang sagot ng batas ay oo, kung mapatutunayan ang lahat ng rekisito ng self-defense. Sa ilalim ng Article 11, paragraph 1 ng Revised Penal Code, ang self-defense o pagtatanggol sa sarili ay isang justifying circumstance. Kapag kumpleto ang mga rekisito nito, hindi nagkakaroon ng criminal liability ang taong gumawa ng kilos, sapagkat kinikilala ng batas na ang kanyang ginawa ay makatarungang tugon sa isang labag sa batas na pag-atake.
Tatlong bagay ang kailangang mapatunayan:
Una, may unlawful aggression o aktuwal at labag sa batas na pag-atake mula sa biktima.
Ikalawa, may reasonable necessity of the means employed to prevent or repel the aggression o makatuwirang pangangailangan sa paraang ginamit upang pigilan o labanan ang pag-atake.
Ikatlo, may lack of sufficient provocation o walang sapat na pang-uudyok mula sa taong nagtatanggol sa sarili bago nagsimula ang pag-atake.
Mahalaga rin ang isang naiibang tuntunin kapag self-defense ang ginagamit na depensa. Kapag sinabi ng akusado na kumilos siya bilang pagtatanggol sa sarili, inaamin niya na siya ang gumawa ng kilos na naging sanhi ng pagkamatay. Dahil dito, siya mismo ang kailangang magpatunay, sa pamamagitan ng malinaw at kapani-paniwalang ebidensya, na saklaw ng self-defense ang kanyang ginawa. Gayunman, nananatili sa Tagausig ang pangunahing pasanin na patunayan ang pagkakasala ng akusado nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Sa kasong ito, nakita ng hukuman na nagawa iyon ng depensa.
Una, napatunayan ang unlawful aggression.
Batay sa hindi napabulaanang testimonya ng akusado at ng kanyang asawa, si Carlo ang unang bumunot ng bolo at tumaga kay Mario sa leeg. Hindi rin natapos sa isang taga ang pag-atake dahil muling tinaga ng nakababatang kapatid ang akusado.
Mahalaga ring napansin ng hukuman na maging ang isang saksi ng Tagausig ay nagsabing si Carlo ang tumaga sa akusado. Higit pa rito, ang mga sugat na nakita sa medical certificate ni Mario at ang resulta ng necropsy kay Carlo ay umayon sa bersiyon ng depensa kung paano naganap ang sagupaan.
Kaya para sa hukuman, ang panganib na kinaharap ni Mario ay hindi kathang-isip lamang. Ang pag-atake ay pisikal, aktuwal, at labag sa batas.
Ikalawa, nakita rin ng hukuman ang reasonable necessity ng paraang ginamit upang ipagtanggol ang sarili. Dito mahalaga ang prinsipyong binanggit ng hukuman mula sa People v. Olarbe, G.R. No. 227421. Ayon sa Korte Suprema, sa panulat ni Honorable Chief Justice Lucas P. Bersamin:
“Reasonable necessity of the means employed to repel the unlawful aggression does not mean absolute necessity.”
Sa madaling salita, hindi hinihingi ng batas na sa mismong sandaling tinataga ang isang tao ay magkaroon siya ng pagkakataong kalkulahin nang eksakto kung ilang hampas lamang ang dapat niyang ibalik, anong bahagi lamang ng katawan ang maaari niyang tamaan, o kung may mas banayad pang paraan upang iligtas ang sarili. Ang hinihingi ng batas ay rational necessity, hindi perpektong pagtutumbas ng puwersa.
Ang taong nasa agarang panganib ay hindi kumikilos na parang nakaupo sa tahimik na silid na may oras upang timbangin ang bawat posibilidad. Ang kanyang kilos ay sinusuri ayon sa sitwasyong kinaharap niya sa mismong sandaling iyon at sa makatuwirang paniniwala niyang nanganganib ang kanyang buhay o katawan.
Sa kaso ni Mario, hindi isang tapos nang pag-atake ang kanyang tinugunan. Patuloy ang pananaga ng kanyang kapatid. Tinamaan siya sa leeg nang higit sa isang pagkakataon. Nagbunuan pa sila at nagawa pang saktan at hampasin sa mukha. Dahil dito, kinilala ng hukuman na ang mga ginawa niya ay tugon sa isang tuluy-tuloy at aktuwal na panganib.
Ikatlo, walang sapat na provocation mula kay Mario.
Bagama’t may dati nang alitan ang magkapatid tungkol sa lupa, walang napatunayang salita o kilos mula sa akusado bago ang insidente na sapat upang sabihing siya ang nag-udyok sa agarang pag-atake.
Ayon sa ebidensyang inihain at tinanggap ng hukuman, pagdating lamang niya mula sa bukid ay siya na ang unang tinaga ng kanyang kapatid.
Sa huli, napagpasyahan ng hukuman na napatunayan ng depensa ang tatlong rekisito ng self-defense. Dahil dito, pinawalang-sala si Mario sa kasong Homicide dahil sa justifying circumstance of self-defense.
Hindi lamang siya pinawalang-sala sa aspetong kriminal. Pinawalang-sala rin siya ng hukuman sa civil liability para sa mga danyos na hinihingi kaugnay sa krimeng isinampa.
Isang kapatid ang namatay. Isang kapatid ang nabuhay. Ngunit walang tunay na nagwagi.
May daing ang pamilya ni Carlo. Anuman ang naging simula ng sagupaan, isang ama, asawa, kapatid at mahal sa buhay ang hindi na nakauwi nang buhay. Walang desisyon ng hukuman ang makapagbabalik sa buhay na nawala. Ngunit, mayroon ding daing ang isang taong sa isang iglap ay inilagay sa harap ng isang matalim na sandata at kinailangang mamili kung paano ililigtas ang sarili.
Hindi sinasabi ng batas na walang halaga ang buhay ng taong namatay. Hindi rin nito sinasabing ang bawat pagpatay ay maaaring ipaliwanag sa simpleng pagsambit ng salitang “self-defense.”
Sa katunayan, mabigat ang pasaning ipinapataw sa isang akusadong gumagamit nito. Kapag inamin niyang siya ang gumawa ng nakamamatay na kilos, kailangan niyang patunayan na ang panganib ay tunay, ang kanyang tugon ay makatuwiran, at hindi siya ang nagbigay ng sapat na dahilan upang magsimula ang pag-atake.
Subalit kapag ang tatlong ito ay malinaw na napatunayan, kinikilala rin ng batas ang isang likas na karapatan na nauuna pa sa maraming nakasulat na tuntunin, iyan ay, ang karapatang iligtas ang sariling buhay laban sa isang aktuwal at labag sa batas na pag-atake. Sapagkat may mga pagkakataong ang talim na nakamamatay ay siya ring talim na ginamit upang mabuhay.
Sa mga kasong ganito, ang pinakamahirap na gawain ng hukuman ay hindi lamang alamin kung sino ang nakapatay, kundi kung ang taong nakapatay ay isang salarin na dapat parusahan, o isang taong pinilit ng panganib na ipagtanggol ang sarili.
Doon nagtatagpo ang dalawang daing. Ang daing ng buhay na nawala, at ang daing ng buhay na kinailangang ipaglaban.


