ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | August 9, 2026
ISSUE #407
Ang kuwentong aming ibabahagi sa araw na ito ay hango sa kasong may pamagat na People of the Philippines vs. Edwin Nacion Castillo (Criminal Case No. 2017-6725, April 2, 2018). Ito ay tungkol sa nakakikilabot at nakapanlulumong sinapit ng isang babae na si AAA, 17-anyos, na nakaranas ng labis-labis na pambababoy sa kanyang pagkatao. Ang higit na masakit, ang kanyang buhay at matayog sanang kinabukasan ay walang-awang tinapos at tinuldukan.
Samahan ninyo kami sa aming pagbabahagi sa napakapait na kuwento ni AAA.
Batay sa salaysay ng lola ni AAA na si Concepcion, huli niyang nakita ang kanyang apo noong ika-31 ng Disyembre 2016. Diumano, bandang alas-3:30 ng hapon ng araw na iyon ay nagpaalam sa kanya si AAA na maglalaba lamang ng mga damit at maliligo sa batis.
Diumano, bandang alas-5:00 ng hapon ng nasabing araw ay hindi pa rin umuuwi sa kanilang bahay si AAA. Kung kaya’t bandang alas-5:30 ng hapon ay napagpasyahan umano ni Concepcion na pumunta na sa batis upang sunduin ang kanyang apo. Subalit wala umano roon si AAA. Gayunman, ala-6:30 ng gabi nang makauwi si Concepcion, ngunit wala pa rin kahit anino ni AAA.
Hapon ng ika-4 ng Enero 2017 nang ibahagi ng kapatid ni Concepcion ang napakasamang balita. Diumano, mayroong natagpuan na naaagnas na bangkay sa isang lote sa isang barangay sa Gingoog City at pinaniniwalaan na iyon ay ang nawawalang si AAA. Ipinaalam diumano ni Concepcion ang balita sa kanilang Purok Chairman at agad na nagtungo sa nabanggit na lugar.
Nang makita umano ni Concepcion ang bangkay ay agad niyang nakilala na si AAA nga ito. Hindi umano mawari ni Concepcion ang kanyang naramdaman noong punto na iyon lalo na nang makita na hiniwa at tinanggal ang ari ng biktima at isinuot sa braso nito na tila isang pulseras. Mayroon din umano ito ng matinding pasa sa ulo. Nang isagawa umano ang awtopsiya, nasa yugto na ng matinding pagkabulok ang naturang bangkay.
Si PCI Esber diumano ang rumesponde noong matuklasan ang bangkay ni AAA.
Batay sa isinagawa na imbestigasyon ni PCI Esber, kasama sina PO3 Dagatan, PO3 Almonial at PO2 Pamisa, natagpuan diumano ang katawan ng biktima na nakahiga nang patihaya, mayroong mga sugat sa katawan, at matindi na ang pagkabulok nito.
Nakasuot diumano ito ng kulay rosas na t-shirt, subalit wala nang suot na pang-ibaba.
Isang nagngangalang Juniepoy diumano ang nagsabi kay Concepcion na isang nagngangalang Edwin ang salarin sa marahas at nakapangingilabot na sinapit ni AAA.
Diumano, sinunggaban ni Edwin ang kanang braso ni AAA, tinakpan ang bibig ng dalaga gamit ang isang panyo at dinala siya sa talahiban.
Bunsod sa naging salaysay ni Juniepoy, sinampahan si Edwin ng reklamo na paglabag sa Article 266-A, paragraph 1 in relation to Republic Act No. 7610 at Article 249, ng ating Revised Penal Code (RPC). Hindi nagtagal at naaresto rin si Edwin. Batay sa Paratang na inihain ng Tagausig sa Regional Trial Court (RTC) ng Gingoog City, Misamis Oriental, pinuwersa at tinakot ni Edwin, nang mayroong malaswang layunin, ang 17-anyos na si AAA, pagkatapos ay puwersahan na ipinasok ang kanyang ari sa ari ng biktima, at sa pagkakataon na iyon, nang mayroong kaliluhan at gamit ang kanyang higit na lakas, sinalakay at pinaslang ni Edwin si AAA. Naganap ang malagim na krimen bandang alas-3:30 ng hapon, noong ika-31 ng Disyembre 2016, sa isang barangay sa Gingoog City, Misamis Oriental.
Gayunman, pagsamo ng kawalan ng kasalanan ang mariin na iginiit ni Edwin sa hukuman ng paglilitis.
Ipinrisinta ng Tagausig bilang mga saksi sina Concepcion, PCI Esber at Dr. Caballes. Pormal ding inihain ng Tagausig ang Sinumpaang Salaysay ni Concepcion, ang Autopsy Report, ang Death Certificate ni AAA, at ang SOСО Report.
Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan C.P.P. Galarrita, naghain naman ang Depensa ng Motion for Leave of Court to file demurrer to evidence, na ipinagkaloob ng hukuman ng paglilitis. Sa kanilang inihain na demurrer to evidence, iginiit ng Depensa na hindi itinuturo ng testimonya ng mga saksi ng Tagausig na si Edwin ang salarin sa marahas na sinapit ni AAA. Wala rin umanong ebidensya na tumutukoy kay Edwin bilang may-akda ng krimen. Bagaman ipinahayag diumano ni Juniepoy na nakita niya na mayroong mga ginawa si Edwin kay AAA, hindi naman humarap sa hukuman si Juniepoy upang tumestigo sa kanyang mga naging pahayag.
Matapos ang maingat na pagsusuri sa kasong isinampa laban kay Edwin, nagbaba ng Desisyon ang RTC Gingoog City na siya ay ipinawalang-sala sa ibinintang na panghahalay at pamamaslang kay AAA.
Para sa hukuman ng paglilitis, walang ebidensiyang iniharap ang nag-uusig, direkta man o sa pamamagitan ng mga sirkumstansiya, na nag-uugnay sa nasabing akusado bilang may-akda ng karumal-dumal na krimen.
Si Juniepoy sana ang makapagbibigay-liwanag sa malagim na insidente at magiging susi upang makamtan ni AAA ang katarungan. Subalit ang hindi niya pagharap at pagtestigo sa hukuman ang naging hadlang sa pagkamit ng inaasam na katarungan.
Binigyang-diin din ng hukuman ng paglilitis na anumang bagay o sirkumstansiyang magdudulot ng pag-aalinlangan sa isipan ng hukuman, kahit na napakaliit lamang, ay hindi maaaring isantabi sapagkat ang isang akusado ay maaari lamang mahatulan na maysala kung ang kanyang pagkakasala ay napatunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.
Sa kasong ito, hindi sumapat ang ebidensiya ng Tagausig upang mapatunayan ang pagkakasala ni Edwin. Kung kaya’t minarapat ng hukuman ng paglilitis na igawad sa nasabing akusado ang hatol na kawalan ng kasalanan.
Ang nasabing Desisyon ng RTC Gingoog City, na nilagdaan noong ika-2 ng Abril 2018, ay hindi na inapela o kinuwestiyon pa.
Lubos na nakapangingilabot at hindi makatao ang sinapit ni AAA. Walang sinuman ang dapat makaranas ng ganoong uri ng kalapastanganan at sagad sa butong kasamaan, higit lalo kung ang biktima ay isang babaeng wala pa sa hustong gulang at walang kalaban-laban.
Sadyang nakalulungkot na magpapasampung taon na mula nang babuyin ang pagkatao at kitilin ang buhay ni AAA, ngunit hindi pa rin naihahatid sa kanya at sa kanyang mga naulila ang matagal nang inaasam na hustisya.
Patuloy kaming mananalangin na darating pa rin ang panahon na makikilala ang may-akda ng krimen at mapaparusahan ang tao o mga taong responsable, alinsunod sa ipinapataw ng ating mga batas.


