top of page
TALKIES - JOEY KAY ALLAN DU’N KA NA SA IT’S SHOWTIME-IG _angpoetnyo & _allan_klownz.jpg
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | July 6, 2026



ISSUE #402


Ang madalas na naibabahagi naming kuwento sa pahayagang ito ay ang mailap na hustisya para sa mga biktima at pagpapawalang-sala sa mga akusado. 


Sa araw na ito ay may bahagyang pagbabago dahil sa sitwasyong aming ibabahagi, na may pamagat na People of the Philippines vs. Justine Kim Cataraja y Bineda and Giovanni Bineda (Criminal Case No. 21-25740, November 6, 2023). 


Samahan ninyo kami sa aming pagbabahagi ng kasong ito at alamin ang kinahinatnan ng kapalaran ng bawat partido. 


Ang magkapatid na sina Justine at Giovanni ay naharap sa kasong Homicide na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Siyudad ng Iligan. 


Diumano, sila ay nagsabwatan at nagtulungan sa pananalakay, panununtok at pananaksak sa biktima na nagngangalang Kent. 


Ang malubhang sugat na tinamo ni Kent sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib ang naging sanhi ng kanyang kagyat na kamatayan.

Naganap ang malagim na insidente noong Setyembre 26, 2021 sa isang barangay sa Siyudad ng Iligan.


Nang basahan ng sakdal sina Justine at Giovanni, na kapwa ipinrisinta ni Manananggol Pambayan M.B.A. B. Balindong ng PAO-Iligan City District Office, hindi na nila ipinabasa sa hukuman ang kabuuang paratang at kapwa nila iginiit sa hukuman ng paglilitis ang kanilang pagsamo ng kawalan ng kasalanan.

Sa pre-trial ng kanilang kaso, inamin ni Justine ang ginawang pananaksak kay Kent. Gayunman, iginiit niya ang justifying circumstance na pagdedepensa ng kaanak o defense of a relative.


Dahil sa naturang pag-amin ni Justine, naganap ang baliktad na paglilitis o reverse trial, kung saan, ang Depensa ang naunang nagprisinta ng ebidensya upang patunayang makatuwiran ang ginawa ng naturang akusado.


Tanging sina Justine at Giovanni lamang ang tumayo bilang mga saksi para sa Depensa.

Batay sa testimonya ni Giovanni, siya ay nakatayo sa kalsada bandang alas-9:00 ng gabi noong Setyembre 26, 2021 at hinihintay ang pagdating ng kanyang asawa. Napansin niya umano ang isang bote ng soft drink, pinulot niya umano ito at itinapon sa kanal.


Natanaw niya umano si Kent, na may 15 hanggang 20 metro ang layo sa kanya. Nagalit diumano sa kanya si Kent at dinuro siya dahil maaari umanong tinamaan ito ng nasabing bote. Nilapitan niya umano si Kent, na noon ay nakainom at hinawakan ang balikat nito. Ipinaliwanag niya umano na hindi niya ito matatamaan sapagkat malayo sila sa isa’t isa, lalo na’t sila ay magkaibigan at wala namang samaan ng loob sa pagitan nila. Inalis niya umano ang kanyang kamay sa balikat ni Kent at tumalikod na. Nang muli umano siyang humarap kay Kent ay bigla na lamang siyang sinuntok nito.


Tinamaan diumano ang kanyang kanang mata, at dahil nakainom din siya, tumumba umano siya, at nakita niya umano si Kent na inihagis ang isang bote sa kanyang ulo. Kaya naman, nawalan siya ng malay at nagkamalay na lamang muli noong siya ay naiuwi na sa kanilang bahay.


Sa cross-examination, matapos siyang pakitaan ng larawan, ipinahayag ni Giovanni na ang kanyang kaliwang mata ang tinamaan ng suntok ni Kent. Hindi na umano siya nakapagpasuri sapagkat dinala na siya sa piitan.


Batay naman sa testimonya ni Justine, bandang alas-9:00 noong Setyembre 26, 2021 ay natutulog siya sa bahay ng kanyang kinakasama. Ginising diumano siya ng kanyang pinsan at ibinalita na sinaktan ni Kent ang kanyang kapatid na si Giovanni. Diumano, agad niyang pinuntahan si Giovanni upang tulungan ito. Nakita niya umano na nakahiga na sa kalsada ang kanyang kapatid, may mga taong nakapaligid na rito, at pabalik-balik na naglalakad at mayroong hawak na bote si Kent. Sinubukan niya umanong tulungan si Giovanni ngunit tumakbo papalapit sa kanya si Kent at tinangka siyang hampasin ng bote. Nakailag lamang diumano si Justine, subalit may bitbit na umano siyang kutsilyo at ginamit ito sa pananaksak kay Kent, matapos ang naturang pagtatangka sa kanyang kaligtasan, diumano, tinamaan ng saksak si Kent sa kaliwang itaas na bahagi ng dibdib nito at tumakbo palayo, habang tinulungan ni Justine na tumayo ang noon ay wala nang malay na kapatid. Naagaw rin diumano sa kanya ang bitbit niyang kutsilyo. Gayunman, agad diumano niyang dinala si Giovanni sa bahay nito, pagkatapos ay umuwi na rin siya at natulog. 


Kinabukasan, dumating diumano ang mga pulis, at kusa umano siyang sumuko.

Matapos na pormal na ialok ng Depensa ang kanilang ebidensya ay walang naiharap na saksi ang Tagausig. Itinuring ng hukuman ng paglilitis na ipinaubaya na ng Tagausig ang pagprisinta ng kanilang saksi at na isinumite na ang kaso para sa pagdedesisyon.

Matapos ang masinsinang pag-aaral sa kasong inihain laban sa magkapatid na akusado, nagbaba ng Desisyon ang RTC noong ika-6 ng Nobyembre 2023. “Guilty beyond reasonable doubt” si Justine para sa krimen na Homicide. 


Naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis ang pagpapalit ng depensa ni Justine. 

Ang una niyang iginiit ay ang justifying circumstance na defense of a relative. Subalit, habang nililitis na ang kaso, self-defense na ang kanyang iginigiit dahil sa umano’y pagtatangka ni Kent na hampasin siya ng bote. 


Para sa RTC, maituturing na isang afterthought lamang ang paggiit niya ng self-defense, marahil matapos na mapagtanto ng akusado na hindi maaaring makalusot ang defense of a relative sapagkat humupa na ang hindi makatuwirang pananalakay sa kanyang kapatid, kung kaya’t kanya na lamang idinahilan na siya ay pinagtangkaan din na saktan ng biktima.


Ipinaliwanag din ng RTC na sa paggiit ng justifying circumstance na self-defense, kinakailangan na mapatunayan ng akusado ang mga sumusunod na elemento: (1) mayroong hindi makatarungang pananalakay o unlawful aggression sa parte ng biktima, (2) mayroong makatuwirang pangangailangan o reasonable necessity sa ginamit na pamamaraan ng akusado upang salagin ang naturang pananalakay, at (3) walang probokasyon o panggagalit na ginawa ang tao na dumedepensa.


Para sa hukuman ng paglilitis, hindi napatunayan ni Justine na makatuwiran na pagtatanggol sa sarili ang kanyang ginawa, sapagkat wala nang hindi makatarungang pananalakay sa parte ng biktima nang masaksak ito. Maliban dito, wala ring nagpatotoo sa kanyang pahayag na ipinagtatanggol lamang niya ang kanyang sarili. Kung kaya’t lubos na kaduda-duda ang iginiit niyang depensa.


Dahil sa kusang pag-amin ni Justine sa pananaksak kay Kent, na naging sanhi ng pagpanaw ng nasabing biktima, at ang kabiguan niya na maitaguyod ang justifying circumstance na self-defense, mayroon siyang pananagutang kriminal para sa krimen na Homicide. Gayunman, ang pagprisinta na pagsuko ni Justine sa mga pulis ay kinilala ng RTC bilang mitigating circumstance.

Sa kabilang banda, hatol ng kawalan ng kasalanan ang iginawad ng hukuman ng paglilitis kay Giovanni, sapagkat walang ebidensya na nagpatunay ng kanyang partisipasyon sa pananalakay at pamamaslang sa biktima.


Naghain pa ng apela si Justine, sa tulong at representasyon ng aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit Mindanao (PAO-RSACU Mindanao), upang hilingin ang pagbabaliktad ng naging hatol sa kanya ng RTC. Gayunman, nagsumite siya ng sulat, na may petsang ika-19 ng Marso 2024, na ipinapaalam sa Court of Appeals (CA) Cagayan de Oro City ang kanyang pagnanais na iurong na ang kanyang apela. Sinundan ito ng paghahain ng PAO-RSACU Mindanao ng Motion to Withdraw Appeal. 


Nagpalabas ng Resolusyon ang CA Cagayan de Oro City, na may petsang ika-22 ng Mayo 2024, na ipinagkakaloob ang pag-urong ng apela ni Justine. Kasabay nito ang pagpapalabas ng Entry of Judgment.


May mga pagkakataon na sadyang madadala tayo ng bugso ng damdamin o labis-labis na emosyon, lalo na kung nalalagay sa kapahamakan ang ating mahal sa buhay o maging ang ating sariling kaligtasan. Magkagayunman, kailangan nating mag-ingat sa ating ikinikilos. Kailanman at sa anumang bagay ay hindi tayo dapat maging padalus-dalos. Mahalaga man ang ating kapakanan o kaligtasan, hindi ito sapat na dahilan upang ang ibang tao ay salakayin o saktan, lalo na kung ang ating gagawin, sa mata ng batas, ay lalampas na sa pinahihintulutan.


Katulad na lamang ng kinahinatnan ng kapalaran ni Justine. Maaaring kapakanan at kaligtasan lamang niya at ng kanyang kapatid ang kanyang iniisi at hindi na inalintana ang maaaring legal na implikasyon ng kanyang mga gawain. Gayunman, pinanagot pa rin siya ng hukuman, sapagkat sa mata ng ating batas ay hindi makatuwiran ang kanyang ginawa sa biktima.


Nawa’y magsilbing aral ang kuwento na ito sa bawat isa sa inyo na umantabay at nagbasa. 


Pakatandaan, buhay ng bawat isa sa atin ay kapwa mahahalaga.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page