top of page
TALKIES - JOEY KAY ALLAN DU’N KA NA SA IT’S SHOWTIME-IG _angpoetnyo & _allan_klownz.jpg
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | June 22, 2026



ISSUE #400



Ang kuwentong aming ibabahagi sa araw na ito ay hango sa kasong may pamagat na People of the Philippines vs. Jimmy Daigan et al. (Criminal Case No. 2006-3564, October 26, 2011). Isang nagngangalang Elmer ang biktima, at sa hindi inaasahang pangyayari, nagtamo ng mga saksak si Elmer habang kasama niya ang kanyang ina na si Eliakima.


Sama-sama nating tunghayan ang mga pangyayaring humantong sa pagpanaw ni Elmer, gayundin ang naging desisyon ng hukuman sa kasong isinampa laban sa mga napagbintangan sa naturang krimen.


Isang sakdal para sa kasong Murder ang inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Gingoog City laban kina Jimmy, Jahnny, Ignacio at Jaime. Diumano, nagsabwatan at nagtulungan ang mga akusado, at sa pamamagitan ng kataksilan at planadong pag-atake, sinalakay at pinagsasaksak nila si Elmer na noo'y walang kamalay-malay, walang armas at walang kakayahang ipagtanggol ang kanyang sarili. Ang mga tinamong saksak ni Elmer ang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.


Naganap ang malagim na insidente bandang alas-7:00 ng gabi, noong Nobyembre 6, 2006, sa isang barangay sa Lungsod ng Gingoog.


Bago pa man mabasahan ng sakdal ang mga akusado, naghain ang tagausig ng mosyon upang ibasura ang reklamo laban kina Jahnny, Ignacio at Jaime. Ito ay bunsod ng sinumpaang salaysay ni Eliakima, na umatras sa pag-uusig laban sa tatlong nabanggit na akusado.


Sa bisa ng kautusan ng RTC noong Disyembre 15, 2006, inaprubahan ang pagbasura sa reklamo laban kina Jahnny, Ignacio at Jaime. Dahil dito, si Jimmy na lamang ang naiwan bilang akusado sa kaso.


Batay sa panig ng tagausig, minamaneho ni Elmer ang isang traysikad bandang alas-7:40 ng gabi, noong Nobyembre 6, 2006. Sakay niya rito ang kanyang ina na si Eliakima, habang papalapit umano sila sa isang palimbagan, nakasalubong at nilampasan sila ng isang itim na motorsiklo. Pagkalampas umano nito, bigla umanong sinaksak ng pasaherong nakaupo sa likuran si Elmer gamit ang isang kutsilyo. Napasigaw na lamang umano si Elmer sa kanyang ina na siya ay nasaksak.


Diumano, tumigil pa ang naturang motorsiklo at tinitigan ng mga sakay nito ang mag-ina. Humingi naman ng saklolo si Eliakima, at du’n nagsimulang magtipon ang mga taong nasa paligid. Agad ding dinala ni Eliakima ang kanyang anak sa pagamutan, pero sa kasamaang-palad, binawian pa rin ng buhay si Elmer.


Noong ika-30 ng Enero 2008, pinatotohanan ni Eliakima sa hukuman na nakilala niya si Jimmy na siyang sumaksak sa kanyang anak. Bagaman inamin diumano ni Jimmy sa mga pulis ang naturang pananaksak, hindi ito nagbigay ng kanyang sinumpaang pag-amin.


Sa tulong at representasyon naman ni Manananggol Pambayan C.L. Flores-Gomez na mula sa aming PAO-Gingoog City, Misamis Oriental, pagsamo ng kawalan ng kasalanan ang iginiit ng depensa.


Diumano, si Jaime ang nagmamaneho ng motorsiklo na nakasalubong at nilampasan ang trisikad na minamaneho ni Elmer. Ang sakay ng naturang motorsiklo ay sina Nicanor, Jahnny at Jimmy. 


Ayon kay Jaime, hindi niya umano binagalan ang pagpapatakbo ng nasabing motorsiklo. Hindi rin umano sila huminto matapos nilang malampasan ang nabanggit na trisikad. Inamin din umano ni Jaime na inatras ang reklamo laban sa kanya matapos na mabayaran ng kanyang pamilya ang halaga ng sibil na pagbabayad-pinsala.


Ayon naman kay Jimmy, bandang alas-9:00 ng gabi, noong ika-6 ng Nobyembre 2006 nang mapadaan sila sa kalye, kung saan sinasabing sinaksak ang biktima. Galing umano sila sa isang kainan. Diumano, kinabukasan ay dinala sila sa Gingoog City PNP Station at kalaunan ay pinaratangan sa pamamaslang kay Elmer. 

Giit ni Jimmy, mabilis ang pagpapatakbo ni Jaime ng motorsiklo, kung saan, sila ay nakasakay. Kung kaya’t hindi niya nakita o nakilala ang nakasakay sa nabanggit na trisikad. Iniatras din umano ang reklamo laban sa kanyang mga kapwa-akusado matapos na makapagbayad ang mga ito sa ina ng biktima.


Pinatotohanan din ni Ignacio na nakaupo sa gitna ng motorsiklo si Jimmy at si Jahnny ang nasa dulo ng naturang sasakyan. Hindi umano niya nakita na mayroong sinaksak si Jimmy habang sila ay bumabaybay sa lansangan.


Noong ika-20 ng Mayo 2009, nang maghain ang tagausig ng mosyon na hinihiling ang pagbabasura sa reklamo laban kay Jimmy bunsod ng isinagawa na sinumpaang pahayag ni Eliakima ng kanyang pag-atras sa paghahabla kay Jimmy. 


Kaugnay nito, naghain din ang depensa ng motion for leave to file demurrer to evidence and to admit demurrer to evidence.


Hindi ipinagkaloob ng RTC ang mosyon ng magkabilang panig. Para sa hukuman ng paglilitis, malinaw na kinilala ni Eliakima sa kanyang naging testimonya na si Jimmy ang pumaslang kay Elmer. 


Matapos ang paglilitis sa kasong ito, nagbaba ng desisyon ang RTC na pinapawalang-sala si Jimmy. Hindi nakumbinsi ang hukuman ng paglilitis na naitaguyod ang pagkakakilanlan ng salarin sa krimen.


Para sa RTC ay malamang na hindi totoo na nakita ni Eliakima ang tao na sumaksak kay Elmer sa loob lamang ng dalawang minuto na sinasabi niya na tumigil ang motorsiklo kung saan nakasakay ang mga tumambang sa kanyang anak. Kung sakali man na totoo na tumigil nga ang nasabing motorsiklo nang may dalawang minuto, ‘di sana ay tumulong ang mga tao na nagsimula nang magtipon sa lugar na kanilang pinaghintuan.


Naging kapuna-puna rin sa hukuman ng paglilitis na hindi nakita ni Eliakima ang mismong pagkakasaksak kay Elmer gayung dapat ay nakita niya sa punto pa lamang na sasaksakin ang kanyang anak sapagkat nakaupo umano siya sa harap ng nabanggit na trisikad. Maaari na ipagpalagay na napagtanto lamang ni Eliakima na sinaksak si Elmer matapos niyang marinig ang sigaw nito.


Napuna rin ng hukuman ng paglilitis na pinanindigan ni Eliakima ang kanyang alegasyon na si Jimmy ang salarin matapos ng diumano ay pag-amin ni Jimmy sa mga pulis. Subalit, walang sinumpaang-salaysay ng pag-amin si Jimmy. Ang higit pa na ikinalungkot ng hukuman ng paglilitis ay ang pag-aatras ni Eliakima sa reklamo laban sa mga kapwa-akusado ni Jimmy matapos na siya ay mabayaran ng mga ito. Sapagkat hindi nakapagbayad si Jimmy, itinuloy ni Eliakima ang kaso laban sa kanya. Nagbago ang ihip ng hangin at iniatras ni Eliakima ang reklamo laban kay Jimmy matapos ang pagsasaalang-alang sa pakikipag-areglo ng nasabing akusado.


Malinaw sa hukuman ng paglilitis na hindi naitaguyod ng tagausig ang pagkakakilanlan ng salarin. Kung bigo ang tagausig sa aspeto na ito, nararapat lamang na ipawalang-sala ang akusado. Pagpapaalala ng hukuman ng paglilitis na hindi maaaring iasa ang pag-uusig sa kahinaan ng depensa ng akusado, bagkus sa lakas, tibay at lamang na ebidensya ng nag-uusig.


Binigyan-diin din ng RTC na hindi maaaring ibatay ang paghahatol sa kasong ito sa pabagu-bagong testimonya ng ina ng biktima, lalo pa at taliwas ang kanyang salaysay sa naging testimonya ni Jaime na nagmaneho ng motorsiklo. Hindi na rin nakuwestyon pa ng tagausig si Jaime sa kadahilanang naghain na sila ng mosyon upang ibasura ang reklamo laban sa huli.


Ang kabiguan ng tagausig na itaguyod nang higit pa sa makatuwirang pagdududa ang pagkakakilanlan ng salarin maging ang pagkakasala ni Jimmy ang siyang basehan upang magbaba ang RTC ng hatol ng pagpapawalang-sala. Ang nasabing desisyon ay nilagdaan noong ika-26 ng Oktubre 2011. Hindi na inapela o kinuwestyon ang nasabing desisyon ng hukuman.


Hindi matatawaran ang hinagpis ni Eliakima bilang isang nagdadalamhating ina na naghahanap ng hustisya para sa kanyang pinaslang na anak na si Elmer. Gayunman, sa ngalan ng katarungan, hindi maaaring isantabi ang pamantayang “higit sa makatuwirang pagdududa” sa pagtukoy sa tunay na salarin. Dahil hindi naitaguyod ng tagausig ang pagkakakilanlan ng salarin, minarapat ng hukuman na palayain si Jimmy.


Sa kabilang banda, sa daigdig ng mga yumao, ang daing ni Elmer ay mapapatahimik lamang kapag ang tunay na nagkasala sa kanya ay napanagot na.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page