top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 14, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Mahigit 10 bilyong piso. Ganito kalaki ang halagang nalugi sa pamahalaan mula 2023 hanggang 2024 dahil sa overpricing sa mga farm-to-market roads. Kung ginamit lamang sana ang halagang ito nang tama, nakapagpatayo pa sana tayo ng halos 700 kilometro ng mga farm-to-market roads, halos katumbas ng layo ng Maynila hanggang Aparri. 


Pinuna ito ng inyong lingkod sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang budget ng Department of Agriculture (DA) at mga kalakip nitong ahensya. 


Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, madalas inaabot ng P15,000 kada metro ang halaga ng mga farm-to-market roads. Dagdag pa ng kalihim, maaari pa itong bumaba ng P10,000 kada metro. 


Ngunit nakakabahala ang natuklasan ng ating tanggapan. Kung titingnan natin ang 10 sa mga pinaka-overpriced na farm-to-market roads, lumalabas na inabot ang mga ito nang hanggang P348,432 kada metro. Labis-labis ang halagang pinatong sa mga farm-to-market roads na sana ay pinapakinabangan ng mas marami pang mga magsasaka. 


Sinuri rin natin kung sino ang mga top contractor na sangkot sa mga overpriced na farm-to-market roads na ito. Batay sa isinumiteng datos ng DA, tatlo sa mga kontratistang ito ay kasama rin sa mga top 15 contractors na nakakuha ng 20 porsyento ng flood control control projects. 


Lumabas din na Region V, Region VIII, at Region III ang mga rehiyon na may pinakamaraming overpriced na mga proyekto o iyong mga nagkakahalaga ng P30,000 kada metro o higit pa.


Kaya naman sa isinagawa nating pagdinig, pinatiyak natin sa DA na hindi na mauulit ang ganitong overpricing para sa susunod na taon. Kung hindi matitiyak ng DA na masusugpo nila ang overpricing, hindi tayo magdadalawang-isip na bawasan o alisin ang pondo ng farm-to-market roads at ilipat sa ibang programa.


Iminumungkahi rin natin na bigyan ang DA ng awtoridad upang sila mismo ay makapagpatayo ng farm-to-market roads. Sa mga nagdaang taon kasi, tanging ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang may awtoridad upang makapagpatayo ng farm-to-market roads. 


Sa gitna ng patuloy nating pagtalakay sa panukalang budget para sa 2026, patuloy din nating hinihimok ang publiko na makilahok sa pagsusuri at talakayan upang matiyak nating magagastos nang tama ang binabayaran nating buwis.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 7, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nagdaang linggo, October 5, ipinagdiwang natin ang World Teachers’ Day, ang huling araw ng pagdiriwang natin ng National Teachers’ Month na nagsimula noong September 5. Bagama’t tapos na ang pagdiriwang natin ng National Teachers’ Month, patuloy ang ating pasasalamat, pagpupugay, at pagmamahal sa ating mga guro. 


Patuloy ring nakikiisa ang inyong lingkod sa buong bansa na nagpapasalamat sa ating mga gurong nagsisilbing gabay ng ating mga kabataan tungo sa magandang kinabukasan. Kaya bilang katuwang ng ating mga guro sa Senado, patuloy nating isusulong ang mga panukalang batas na layong itaguyod ang kanilang kapakanan. 


Nitong mga nagdaang taon, marami na tayong naipasang mga batas para isulong ang kapakanan ng ating mga guro. Kamakailan lamang ay isinabatas na ang Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders Act, kung saan binibigyan natin ng mas maraming oportunidad ang ating mga guro at punong-guro upang umangat sa kanilang karera. 


Sa ilalim ng naturang batas, lilikha ang Department of Budget and Management ng mga teaching position titles na Teacher IV, Teacher V, Teacher VI, Teacher VII, Master Teacher V, Master Teacher VI, at School Principal V. Titiyakin din ng batas ang malinaw na batayan ng promotion para sa mga guro batay sa mga qualifications at professional standards. Sa ilalim ng batas na ito, wala nang guro ang magreretiro bilang Teacher I.


Sa ilalim naman ng 20th Congress, naghain din ang inyong lingkod ng ilang panukala para sa patuloy na pag-angat ng morale at kapakanan ng ating mga guro. Isa na rito ang Teacher Salary Increase Act (Senate Bill No. 362), kung saan isinusulong natin ang P20,000 across-the-board increase sa sahod ng ating mga public school teachers. 


Muli rin nating inihain ang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 363). Dahil mahigit 66 taon na ang lumipas simula nang isabatas ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No.4760), nais nating tiyakin na ang mga proteksyon at benepisyong binibigay natin sa mga guro ay tumutugon sa mga hamong kinakaharap nila sa kasalukuyan. 


Sa ilalim ng Revised Magna Carta, isinusulong nating mabawasan ang oras ng pagtuturo sa apat mula anim. Nais rin nating tuluyang ipagbawal ang pagpapagawa ng non-teaching tasks sa ating mga guro at mabigyan sila ng proteksyon mula sa mga out-of-pocket expenses.


Kabilang sa mga benepisyong isinusulong natin sa ilalim ng Revised Magna Carta ang pagkakaroon ng calamity leave, educational benefits, longevity pay, at iba pa. Itatakda rin natin ang mga kondisyon para sa pagbibigay ng mga special hardship allowance. 


Ilan lamang ito sa ating mga panukala upang itaguyod ang kapakanan ng ating mga guro. Patuloy nating tututukan ang pag-usad ng mga panukalang batas na ito hanggang sa tuluyan silang maisabatas.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 2, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 2026, isinulong ng inyong lingkod na gawing 200 imbes na 120 ang bilang ng araw para sa pagpapatupad ng supplemental feeding program ng ahensya.Kung babalikan natin ang Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act (Republic Act No. 11037), mandato sa DSWD, sa pakikipag-ugnayan sa mga local government units, na magsagawa ng supplemental feeding program sa mga day care center para sa mga batang tatlo hanggang limang taong gulang na kulang sa nutrisyon.


Mahalaga ang programang ito, lalo na’t marami sa mga batang wala pang limang taong gulang ang humaharap sa kakulangan sa nutrisyon. Kung babalikan natin ang pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na isa sa tatlong batang wala pang limang taong gulang ang stunted o maliit para sa kanilang edad. Epekto ang stunting ng kakulangan sa nutrisyon sa unang 1,000 araw ng buhay — mula sa sinapupunan hanggang sa ikalawang kaarawan ng isang bata. 


Sa ilalim ng batas, hindi dapat bumaba sa 120 araw ang bilang ng araw para sa supplemental feeding program ng DSWD. Ngunit batay sa ating mga obserbasyon, nararanasan ng mga benepisyaryo ng programa ang tinatawag nating summer slide, kung saan muling nagkukulang ang kanilang timbang pagkatapos ng summer vacation. 

Kaya naman iminumungkahi nating dagdagan ang araw ng feeding program upang umabot ito sa 200 araw, katumbas halos ng isang buong school year. Sa ganitong paraan, mas mapapanatili natin ang kalusugan ng mga benepisyaryo at maiiwasan natin na muling magkulang ang kanilang timbang.


Upang matiyak na maipapatupad ng mga LGUs ang supplemental feeding program, iminumungkahi rin natin sa DSWD ang mas maigting na pakikipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG). Ayon kasi sa ahensya, 45% ng mga LGUs ang hindi nakakatanggap ng pondo para sa feeding program dahil sa mga isyu sa liquidation.


Mahalaga ang pakikipag-uganayan ng DSWD sa DILG, lalo na’t responsibilidad na ng mga LGUs ang pagpapatupad ng mga programa para sa early childhood care and development (ECCD). Nakasaad ito sa Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199), kung saan minamandato ang DILG na tiyaking ipinapatupad ng mga LGUs ang mga programa para sa ECCD.


Muli namang naninindigan ang inyong lingkod na tututukan ng panukalang 2026 national budget ang edukasyon. Patuloy din nating hinihikayat ang ating mga kababayan na tuluy-tuloy lang ang pagbabantay sa pagtalakay ng panukalang 2026 national budget upang matiyak na inilalaan natin sa tamang mga programa ang ating binabayad na buwis. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page