top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 14, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Magandang balita ang ating hatid para sa mga graduating ng senior high school (SHS) sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) o tech-voc track dahil libre na ang assessment at certification para sa kanila. Mahalagang hakbang ito para tumaas ang tsansa nilang magkaroon ng magandang trabaho kapag nakapagtapos na sila. 


Sa madaling salita, hindi na kailangang maglabas mula sa sariling bulsa ang mga mag-aaral para sa National Certificate (NC) assessments. Sa inaasahang pagpapatupad ng libreng assessment at certification program kasunod ng inilabas na joint guidelines ng Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), hinihikayat natin ang nasabing mga mag-aaral na i-avail ang libreng assessment program.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, trabaho nating tiyakin na magagamit nang tama ang inilaan nating pondo upang matulungan ang mga Grade 12 TVL graduate. Sa ilalim ng 2024 national budget, mahigit P438 milyon ang inilaan sa TESDA Regulatory Program para sa certification ng mahigit 400,000 na mga mag-aaral sa Grade 12.


Kailangan ding tiyakin ng TESDA ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng assessors para sa naturang programa dahil nakalaan sa 2024 national budget ang P50.012 milyon para magdagdag ng 11,000 na TESDA assessors. Inaasahan nating magiging triple, o 19,000, ang bilang ng assessors sa pagtatapos ng taong ito mula sa 7,551.


Kung tutuusin, 100 porsyento dapat ng graduates ng tech-voc track ang dumaraan sa assessment na inaasahan nating papasa at makakakuha ng certification. Magaganda ang mga kurso ng ating TESDA learners, ngunit parang balewala lang ito kung hindi makukumpleto ang proseso hanggang makahanap sila ng trabaho.


Kung employers ang tatanungin, malaking bagay ang certification para sa kanila. Sa ganitong paraan, masosolusyunan na ang isyu ng jobs-skills mismatch, kung saan layon ng panukala ng inyong lingkod na Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022). Kapag naisabatas, matutulungan ang K to 12 graduates na makamit ang angkop at sapat na kaalaman, kahusayan at kasanayan na required sa mga kumpanya at korporasyon.


Samantala, isinusulong din natin ang paglikha ng National at mga Local Batang

Magaling Councils upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units, ang akademya, at pribadong sektor para tugunan ang mismatch sa skills ng mga K to 12 graduate at sa mga pangangailangan ng labor market.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 9, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Tuwing bumabagyo, madalas binabase natin ang pag-anunsyo ng suspensyon ng mga klase sa tropical cyclone wind signals o storm signals. Ngunit sa panahon ng tag-init, tulad ng nararanasan natin ngayong “extreme heat”, walang malinaw na basehan kung paano magkansela ng klase.


Kasama ang mga taga-Department of Education (DepEd), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at iba pang stakeholders, tinalakay natin sa pinakahuling pagdinig ng Senate Committee on Basic Education ang epekto ng extreme heat sa mga klase at pag-shift sa alternative delivery modes (ADMs). Iminumungkahi natin na palawakin ang saklaw ng mga heat index upang mas magabayan ang mga paaralan at mga lokal na pamahalaan.  


Hindi kasi tulad ng pag-ulan na nagbibigay ng guidelines sa mga awtoridad pagdating sa class suspension, walang ibang nagsisilbing gabay sa suspensyon ng klase kapag tag-init maliban sa average na temperatura sa buong linggo sa buong lalawigan o rehiyon.


Sa madaling salita, hindi masyadong location-specific ang mga heat index.

Inirerekomenda natin sa PAGASA na magkaroon ng mga forecast na sumasaklaw sa mas maraming lugar o location-specific temperature na mga forecast. Tinitiyak natin sa ahensya ang tulong at suporta ng Senado kung kakailanganin mang bumili ng teknolohiya para rito.


Mahalagang ibigay natin sa ating school officials at LGUs ang kinakailangan nilang impormasyon upang makapagresponde sila nang wasto at maagap. Maaaring maging dahilan ng kawalan ng estratehiya at mabagal na pagresponde ang kakulangan ng impormasyon, at malaki ang tsansang makaantala o makapinsala ito sa edukasyon ng ating mga mag-aaral.


Naibahagi sa naturang pagdinig ng kinatawan ng PAGASA na si Dr. Marcelino Q. Villafuerte II na naghahanap na rin ang ahensya ng iba pang mga paraan upang mas maging mabisa ang forecast nila ng temperatura, tulad halimbawa ng isang interactive map na maaaring magpakita ng heat index forecast sa isang tiyak na lugar sa susunod na pitong araw.


Isinusulong natin na magkaroon ng mas maayos na sistema sa class suspension para magabayan ang ating school heads, mga alkalde, at mga komunidad.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 7, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Agresibong pagbabalik sa dating school calendar o ang pagsisimula ng klase tuwing buwan ng Hunyo — ‘yan ang kailangan natin ngayon para maprotektahan ang mga mag-aaral sa gitna ng patuloy na nagbabagong panahon, kabilang na ang napakatinding init.


Mahirap tukuyin ang mga maaaring mangyari kaya mahalagang gawin nating agresibo ang pagpapatupad nito. Hindi natin alam kung sa susunod na taon ay magkaroon ulit ng El Niño o La Niña at hindi ito magiging madali para sa ating mga mag-aaral, magulang, at paaralan. 


Sa pinakahuling isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education noong isang linggo, sinabi ni DepEd Assistant Secretary for Operations Cesar Bringas na nagbigay ang ahensya ng iba pang mga mungkahi kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kabilang na rito ang agresibong alternatibo na wakasan ang School Year 2024-2025 sa Marso 2025.


Matapos ang konsultasyon sa iba’t ibang mga stakeholder, inusog ng Department of Education (DepEd) ang pagwawakas ng School Year (SY) 2023-2024 sa darating na Mayo 31. Nakatakda naman sa May 16, 2025 ang pagwawakas ng SY 2024-2025, habang magwawakas naman sa Abril 16, 2026 ang SY 2025-2026. Ang ganap na pagbabalik sa dating school calendar ay babagsak sa SY 2026-2027 kung saan muling magsisimula ang klase sa gitna ng Hunyo 2026 at matatapos sa Marso 2027.


Sa planong pagbabalik sa dating school calendar, balak ng DepEd ang pagpapatupad ng mas kaunting araw para sa face-to-face classes habang gagamit naman ng Alternative Delivery Modes (ADMs) tulad ng online, modular, o blended learning sa ibang mga araw — pati ang mga Sabado. Ngunit mangangahulugan ito na maaaring maapektuhan ang bakasyon ng ating mga mag-aaral at guro sakaling maging agresibo ang pagbabalik sa dating school calendar.


Sa parehong pagdinig ay ibinahagi naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pros and cons, kung saan mas kaunti ang mga araw na tumatapat sa tag-ulan sa kasalukuyang school calendar at mas kaunti ang suspensyon ng mga klase dahil sa mga bagyo. Pero mas marami namang mga araw na natatapat ang klase sa matinding init.


Bago pa tayo dumanas ng matinding init na panahon, masyado nang mabigat ang mga pinagdaanan ng ating mga kabataang mag-aaral noong kasagsagan ng pandemya.


Kailangan nating gawin ang lahat ng wastong mga hakbang upang masolusyunan ang ganitong hadlang sa edukasyon ng mga bata.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page