top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 11, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Magandang balita para sa ating public school teachers dahil ganap nang batas ang ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act!’ 


Matatandaang niratipikahan ito ng Kongreso nitong nagdaang Marso lang. Sa batas na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos,Jr. noong nakaraang linggo, ang dating P5,000 na teaching allowance ng public school teachers, magiging P10,000 na. 


Nakasaad sa bagong batas na matatanggap ng mga guro sa mga public school ang mas mataas na teaching allowance mula School Year 2025-2026. Maaaring gamitin ang teaching allowance para sa pagbili ng mga kagamitan at materyal sa pagtuturo, pambayad sa mga karagdagan at hindi inaasahang gastusin, at sa pagpapatupad ng iba’t ibang paraan ng pag-aaral at pagtuturo. 


Alam naman nating mula pa noon ay madalas nang nag-aabono ang ating mga guro para sa mga binibili nilang kagamitan sa pagtuturo. Mas lumala pa ang suliraning ito noong magsimula ang pandemya, halimbawa ang pagbili nila ng load para makakonek sa internet at makapagsagawa ng online class. Kaya naman napapanahon na talagang itaas ang kanilang teaching allowance bilang tulong sa kanilang mga gastusin at sa pagtupad ng kanilang tungkulin. 


Titiyakin ng bagong batas na magiging bahagi na ng taunang budget ang pagkakaroon ng sapat na pondo para sa karagdagang teaching allowance. Noong mga nagdaang taon kasi, nakadepende sa Kongreso kung makakatanggap ng teaching allowance ang mga guro. Hindi rin papatawan ng income tax ang naturang allowance. 


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education at isa sa mga may akda ng batas, bahagi ang inyong lingkod sa pagsusulong ng pagpasa sa Senado noong 17th at 18th Congress ng mga panukala na itaas ang allowance ng ating public school teachers para sa pagbili ng kanilang mga teaching supply. 


Ang mga guro ang puso ng karunungan. Sa ating pagtugon sa mga hamon sa sektor ng edukasyon, mahalaga na ibigay natin ang lahat ng suporta sa kanila para sa sariling kapakanan at maging sa kapakanan ng mga estudyanteng kanilang tinuturuan. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, titiyakin natin ito. 


Laking pasasalamat din ang ating ipinaaabot kay Senador Bong Revilla na chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation para sa pag-sponsor ng bagong batas.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 6, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Ang mga batang stunted o ‘yung mga mabagal lumaki dahil sa malnutrisyon ay nanganganib na magkaroon ng nutrition-related chronic diseases. 


Mataas din ang tsansa na ang mga batang ito ay magpakita ng mas mababang performance sa kanilang pag-aaral na maaaring makaapekto sa kanilang productivity sa trabaho pagdating ng panahon. 


Isa sa ating isinusulong ang pagpapatupad ng universal meal program upang masugpo ang mga suliraning kinakaharap ng mga kabataan pagdating sa nutrisyon — kabilang na ang stunting at undernutrition. 


Tulad sa ibang bansa, dapat magkaroon din tayo ng ganitong programa para matiyak na may sapat at masustansyang pagkain ang bawat mag-aaral. Bagama’t kakailanganin nito ng malaking pondo, hindi tayo titigil na gumawa ng paraan para maisakatuparan ito. 


Base sa datos ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) para sa taong 2021, humigit-kumulang 2.7 milyon o 20 porsyento ng mga batang lima hanggang 10 taong gulang ay stunted, humigit-kumulang 2.8 milyon o 21 porsyento ang underweight, at isang milyon o pitong porsyento naman ang wasted o magaan para sa kanilang timbang. 


Batay sa pag-aanalisa ng departamento, pare-pareho ang nagiging benepisyaryo ng programa kada taon. Bumabalik daw kasi ang mga bata sa dating estado ng kanilang nutrisyon. Lumalabas na kulang ang 120 araw na pagtanggap nila ng school meals. Iniulat din na nanunumbalik sa pagiging malnourished ang mga mag-aaral na ito pagkatapos nilang magbakasyon ng dalawang buwan. 


Ayon sa 8th National Nutrition Survey, sa mga batang may lima hanggang 10 taong gulang 29.1 porsyento sa kanila ay kulang sa timbang, 29.9 porsyento naman ang stunted o bansot, 8.6 porsyento ay wasted, habang 9.1 porsyento naman sa kanila ay sobra sa timbang. 


Kaya naman hinihikayat natin ang mga guro at magulang na basahin, maging pamilyar at sundin ang mga polisiya na ipinatutupad ng gobyerno pagdating sa usaping pangkalusugan ng mga mag-aaral. 


Nakakalungkot dahil maraming bata ang walang sigla dahil sa kakulangan sa masustansyang pagkain. Ang kanilang pisikal na kahinaan ay nagdudulot ng kawalan ng interes sa pag-aaral, hindi pagpasok sa eskwela, pagiging masakitin, kawalan ng ganang makipaglaro sa iba, at marami pang iba.  


Hindi matututo ang batang gutom. Kaya naman, dapat tugunan ang mga isyung ito sa murang edad pa lamang. Kailangan natin itong aksyunan upang hindi lalong mapinsala ang kanilang pisikal na kalusugan at estado ng kaisipan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 4, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Ang pagbabasa ay isa sa matitibay na pundasyon ng karunungan. Ito ay pangunahing kasanayan na dapat matutunan ng isang estudyante upang maunawaan ang mga aralin at maging matagumpay siya sa pag-aaral. 


Kung babalikan natin ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), mas mababa pa rin ang average ng Pilipinas kung ihahambing sa average ng mga bansang bahagi ng Organisation for Economic Co-Operation and Development (OECD) na nagsasagawa ng PISA. 


Ipinapakita sa PISA na kahit papaano ay naiintindihan ng mga 15 taong gulang na mga mag-aaral ang mga literal na kahulugan ng mga maiikling pangungusap. 


Ngunit kahit na lumabas na tumaas ang score ng mga mag-aaral noong 2022 PISA kung ikukumpara natin sa 353 na naitalang score noong 2018 PISA, ipinaliwanag ng Department of Education (DepEd) na hindi pa rin maituturing na statistically significant ang pagbabagong ito. Hindi nga umurong ang kaalaman ng mga kabataan sa kabila ng COVID-19 pandemic, pero wala rin namang malaking pagbabagong nakita.   


Ayon sa DepEd, 76 porsyento ng mga 15 taong gulang ang hindi umabot sa minimum proficiency pagdating sa Reading o Pagbasa. 


Sa pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa, kailangan nating matutukan at mabigyan ng prayoridad ang mga programang hahasa sa kakayahan ng ating mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa. Mahalagang magpatuloy ang pagtutulungan ng ating pamahalaan, mga paaralan, at magulang sa layuning ito. 


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang ilang mga programa para paigtingin ang pagbabasa at learning recovery. Isa na rito ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act o ang Senate Bill No. 1604 na layong tugunan ang pinsalang idinulot ng nagdaang pandemya. Saklaw ng naturang panukala ang mga essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang 10, at Science para sa Grade 3 hanggang 10. Para sa mga mag-aaral sa Kindergarten, bibigyang diin ng programa ang literacy at numeracy.  


Isinusulong din natin ang ilang mga panukalang batas tulad ng National Reading Month Act (Senate Bill No. 475) at National Literacy Council Act (Senate Bill No. 473). Layon ng National Reading Month Act na gawing institutionalized ang pagdiriwang ng National Reading Month tuwing Nobyembre upang isulong ang kultura ng pagbabasa. Layon naman ng National Literacy Council Act na gawing de facto local literacy councils ang mga local school board.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page