top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 20, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, kasama sa ating tungkulin na tiyakin ang kapakanan ng mga kabataang mag-aaral hindi lang sa kanilang akademiks, kundi pati rin ang kanilang mental at pisikal na kalusugan. 


Kaya naman sinusuportahan ng inyong lingkod ang inisyatibo ng Department of Education (DepEd) na palakasin ang mga programa nito sa mental health sa ilalim ng K to 12 curriculum. Kabilang dito ang pagkakaroon ng isang bagong learning model na tinaguriang ‘Filipino Social and Emotional Learning’ na binuo ng ChildFund Philippines.


Nakikita nating napapanahon na isama ang modelong ito sa kurikulum at serbisyong mental support ng DepEd, lalo na ngayong nagsisikap tayo na gawing mas ligtas ang ating mga paaralan at mas matatag ang ating mga mag-aaral.


Kung inyong matatandaan, ipinakita ng mga resulta ng 2019 at 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na ang Pilipinas ang may pinakamataas na insidente ng bullying sa mga kalahok na bansa. Sa naturang assessment, lumalabas na isa sa tatlong Pilipinong estudyante ang naiulat na binu-bully sa eskwelahan ng isang beses sa isang linggo.


Bukod kasi sa laganap na problema ng bullying, humaharap din tayo sa tinatawag nating ‘mental health pandemic.’ Kaya kailangan nating magpatupad ng mga hakbang na magpapalakas sa suporta sa mental health para sa ating mga mag-aaral, at umaasa tayong makakamit natin ito sa pamamagitan ng pagpasa at pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200). 


Sa panukala, isinusulong natin na gawing institutionalized ang School-Based Mental Health Program para pangalagaan at itaguyod ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral sa public at private schools. Saklaw din nito ang mga out-of-school children in special cases tulad ng mga mag-aaral na may kapansanan, indigenous peoples, children in conflict with the law, mga kabataang naiipit sa gitna ng mga sakuna, at iba pang mga marginalized sector.


Sa ilalim din ng panukalang batas, may mandato ang DepEd na magtayo at magpatakbo ng mga Care Center sa public schools. Responsibilidad ng mga Care Center na turuan ang mga mag-aaral pagdating sa prevention, identification, at wastong pagresponde at referral para sa kanilang mga pangangailangan pagdating sa mental health. Tungkulin ng DepEd na tiyaking may mga Care Center din sa private schools.


Bilang lingkod-bayan na nagsusulong ng dekalidad na edukasyon para sa lahat, mahalaga para sa atin na matiyak ang wastong aruga sa mga kabataang mag-aaral at guro sa aspetong pisikal, mental, emosyonal, moral, ispirituwal at pakikipagkapwa-tao.


Sama-sama nating isulong ito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 18, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Para matugunan natin ang kawalan ng long-term vision o pangmatagalang plano sa edukasyon, muling isinusulong ng inyong lingkod ang kanyang mungkahi na buuin ang National Education Council (NEDCO) na lilikha ng national education agenda at paiigtingin ang ugnayan sa tatlong ahensya ng edukasyon sa bansa: ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).


Patuloy ang pagbabago ng skills at ang pangangailangan ng mga industriya kaya kailangan natin ng long-term vision sa edukasyon. At ito ang nais nating isabatas bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education: buuin ang lupon na ito para nasa iisa tayong direksyon pagdating sa edukasyon. 


Sa ilalim ng Senate Bill No. 2017, magiging mandato sa NEDCO na gawing institutionalized ang isang sistema ng koordinasyon sa buong bansa sa pagpaplano, pagmonitor, pagsusuri, at pagpapatupad ng national education agenda. Ito ay para tiyaking sumusunod sa isang estratehiya ang DepEd, CHED, at TESDA, at maiwasan ang mga posibleng overlap at kakulangan na magdudulot ng hindi magkakaugnay na mga polisiya, programa, at plano.


At upang maiangat ang performance ng mga mag-aaral, kasama sa mga magiging mandato ng NEDCO ang pagpapatupad ng isang action agenda upang matulungan ang bansang magtagumpay sa edukasyon at magkaroon ng mataas na marka sa mga batayang tulad ng National Achievement Test, Programme for International Student Assessment, Education Index, Education for All Development Index, at iba pa.


Kahit nilikha naman na noon ang mga lupong tulad ng National Coordinating Council for Education (NCCE) sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 273 s. 2000 at ang Presidential Task Force to Assess, Plan and Monitor the Entire Educational System sa ilalim ng EO No. 652 s. 2007, marami sa mga layunin ng bansa ang hindi natupad nang hatiin sa tatlong sektor ang buong sistema ng edukasyon.


Kung inyong matatandaan, inirekomenda na ng 1991 Commission on Education (EDCOM) ang paghahati sa tatlong ahensya ng sistema ng edukasyon sa bansa. Ngunit inirekomenda rin ng 1991 EDCOM na magkaroon ng isang national council upang matiyak ang ugnayan sa polisiya ng tatlong mga ahensya. 


Alang-alang sa pagsasaayos ng ating sektor ng edukasyon, patuloy nating isusulong ang panukalang ito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 13, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Maliban sa pagbaba ng marka ng mga mag-aaral, nauugnay din ang access sa mga gadgets sa cyberbullying, kaya dapat nating higpitan ang paggamit sa mobile devices at iba pang electronic gadgets, lalo na sa oras ng klase. Ito ang dahilan sa paghain ng inyong lingkod ng panukalang batas na Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 2706). Layon nitong ipagbawal ang paggamit ng mobile device at electronic gadgets sa oras ng klase. 


Sa ilalim ng panukala, magiging mandato ng Department of Education (DepEd) ang pagbalangkas ng mga pamantayang nagbabawal sa paggamit ng mobile devices at electronic gadget sa loob ng mga paaralan sa oras ng klase. Saklaw ng naturang mga pamantayan ang mga mag-aaral ng kindergarten hanggang senior high school sa parehong public at private schools. Hindi lang sa mga estudyante ipagbabawal ang paggamit ng mobile devices at electronic gadgets sa oras ng klase, kundi pati rin sa mga guro. 


Kung titingnan natin ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), lumalabas na 8 sa 10 na mga 15 taong gulang na mag-aaral ang iniulat na naabala sila sa paggamit ng smartphone sa klase. Parehong bilang ng mga mag-aaral ang nagsabing naabala sila ng paggamit ng ibang mag-aaral ng smartphone sa oras ng klase. Lumalabas din sa resulta ng PISA na nauugnay ang pagkakaabala na dulot ng paggamit ng smartphone sa pagbaba ng 9.3 points sa mathematics, 12.2 points sa science, at 15.04 sa reading. 


Pero may ilang exemptions at may mga pagkakataon pa rin naman na maaari silang gumamit ng mga smartphone o electronic gadget. Halimbawa na riyan ang classroom presentation at iba pang mga gawain, mga sitwasyong may kinalaman sa kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral, at mga pagkakataong may kinalaman sa pagpapanatili ng kaligtasan sa mga gawain sa labas ng eskwela. 


Sa 2023 Global Education Monitoring Report, inirekomenda ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization ang mas mahigpit na regulasyon sa paggamit ng mobile phones sa klase. Lumabas sa naturang ulat na 13 porsyento ng mga bansa sa mundo ang may mga batas na nagbabawal o naghihigpit sa paggamit ng mobile phones sa mga paaralan, habang 14 porsyento naman ang mga may polisiya, estratehiya, o mga pamantayan para sa parehong layunin. 


Nais nating linawin na hindi tayo nagdududa sa mga benepisyo ng teknolohiya pagdating sa edukasyon. Kailangan lang nating antabayanan at gabayan ang paggamit ng gadgets ng mga bata, para hindi ito makaabala o makapinsala sa pag-aaral, lalo na’t pinagmumulan ito ng mga kaso ng cyberbullying, kawalan ng gana sa pagbabasa ng mga libro, at kawalan ng interes na matuto ng bagong mga kaalaman at aralin.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page