top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 19, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa pagpapatupad ng Tertiary Education Subsidy (TES) ngayong taon, inaasahang mas maraming mag-aaral mula sa mga nangangailangang pamilya ang makikinabang sa tulong pinansyal para sa mga mag-aaral sa kolehiyo.


Naglaan tayo ng P30.8 bilyon sa ilalim ng 2026 National Budget para sa mga nangangailangan at kwalipikadong mag-aaral. Kabilang dito ang mga nagmula sa mga lugar na walang state o local universities at colleges. Higit na mataas ito kumpara sa P21.7 bilyong inilaan para sa TES noong 2025. Tinatayang aabot sa 1.3 milyong mag-aaral ang makikinabang sa naturang pondo ng programa ngayong taon. 


Nakasaad din sa isang special provision sa budget na bibigyang-prayoridad ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) ang mga mag-aaral na nasa ilalim ng ‘Listahan 3.0’ at iba pang nangangailangang estudyante. Inaasahang hindi bababa sa 200,000 slots ang mapupunta sa mga bagong mag-aaral na mula sa pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

 

Tumutugon ang hakbang na ito sa mga natuklasan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II). Kung susuriin natin ang kanilang mga datos, nakababahala ang pagbagsak ng bilang ng mga benepisyaryo ng TES mula sa mga nangangailangang pamilya—mula 70.73% noong 2018 pababa sa 22.98% noong 2022. 

 

Dahil dito, nagsulong tayo ng mga special provision sa mga national budget ng nagdaang taon, kung saan ginawa nating mandato ang pagbibigay prayoridad sa mga mag-aaral mula sa mga nangangailangang pamilya. Kaya, muling umakyat sa 61% noong 2024 ang bilang ng mga benepisyaryo mula sa mga nangangailangang pamilya. Layunin nating ipagpatuloy ang pagtaas nito ngayong 2026 at sa susunod pang mga taon. 

 

Napakahalaga ng tulong pinansyal upang manatili ang isang bata sa kolehiyo. Lumabas din sa pag-aaral ng EDCOM II na mas mababa ng 70% ang posibilidad na tumigil sa pag-aaral o mag-dropout ang mga benepisyaryo ng TES kung ihahambing sa mga walang natatanggap na tulong pinansyal. Mahalaga ito upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon, lalo na iyong mga mula sa pamilyangng bahagi ng 4Ps, pagkatapos nila ng Senior High School.

 

Ngunit maliban sa pagkakaroon ng pondo para tulungan ang mga mag-aaral nating nangangailangan ng tulong, mahalagang tiyakin ding naaabot natin ang mga mag-aaral na layon nating mabigyan ng tulong pinansyal para sa edukasyon. Patuloy nating babantayan ang paggastos sa 2026 budget, lalo na sa pondong inilaan natin para sa edukasyon, upang matiyak na pakikinabangan ito ng ating mga mag-aaral at ng kanilang mga pamilya. Sa ganitong paraan, mas marami ang makapagpapatuloy at makakapagtapos ng kanilang pag-aaral tungo sa mas magandang kinabukasan at katuparan ng kanilang mga pangarap.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 17, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Matagal na nating problema ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa. Taon-taon, ito ang bumubungad na hamon sa pagbubukas ng klase. Kaya naman ikinagagalak ng inyong lingkod ang paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at mga probinsya para sa isang nationwide classroom building program. 


Ang pagkakaroon ng kasunduang ito ay sang-ayon sa isang special provision ng 2026 national budget na nagpapahintulot sa DepEd na direktang makipag-ugnayan at makipagtulungan sa local government units (LGUs), pati na rin sa iba’t ibang ahensya at mga organisasyon, kabilang ang civil society organizations, non-governmental organizations, at Armed Forces of the Philippines (AFP) Corps of Engineers. Mahalaga ang pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensya upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga kinakailangang silid-aralan.


Matatandaan ding naglaan ng P65.9 bilyon para sa pagpapatayo, pagpapalit, at pagkumpleto ng mga school buildings para sa kindergarten, elementary, at high school. Kasama rin sa popondohan ang mga technical-vocational laboratories na kailangan ng ating mga estudyante sa senior high school. Mas mataas ito sa P39 bilyon noong nakaraang taon. Inaasahang aabot sa 24,000 na mga silid-aralan ang maipapatayo gamit ang naturang pondo.


Ang hakbang na ito ay direktang tugon sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na ang bansa ay mayroong malaking “classroom backlog,” kung saan kinakailangan pa natin ng 165,443 na silid-aralan para sa decongestion, replacement, at repair. Sa kasalukuyan, may mga paaralan sa bansa kung saan nagsisiksikan ang 75 hanggang mahigit 250 na mag-aaral sa iisang silid-aralan, bagay na nagreresulta sa pagpapatupad ng doble o tripleng shifts.


Binigyang-diin ng EDCOM II na kung ihahambing sa mga mag-aaral na nasa tamang class size, ang mga mag-aaral sa mga siksikang silid-aralan ay may mas mababang marka sa reading o pagbasa at mathematics.


Itinutulak ng EDCOM II, at sinusuportahan din ng inyong lingkod, ang paggamit ng “diversified construction efforts” o iba’t ibang paraan ng pagpapatayo, bilang bago at mas mabilis na estratehiya para masolusyunan ang kakulangan sa classroom na ilang dekada nang nagtatagal. Ang pakikipagtulungan sa mga LGUs ay isang makasaysayang pagkakataon upang mas mapabilis ang pagpapatayo ng mga gusali para sa ating mga mag-aaral dahil maaari nang sabay-sabay ang pagpapatayo ng mga gusali sa iba’t ibang panig ng bansa.


Ang pagkakaroon ng sapat na mga pasilidad ay isa sa mga pundasyon ng epektibong pag-aaral ng ating mga estudyante. Kaya naman sisiguraduhin natin na ang bawat pisong inilaan natin sa 2026 budget para sa sektor ng edukasyon ay mapupunta sa mas magandang kinabukasan ng ating mga mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 12, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Tuwing ikalawang linggo ng Pebrero, ipinagdiriwang natin ang National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation. Nakikiisa ako sa ating mga kababayan sa pagdiriwang ng mahalagang okasyong ito, lalo na’t binibigyang-diin natin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kabataan mula sa iba’t ibang klase ng pang-aabuso.


Nais kong bigyang-diin ang hamong kinakaharap ng ating bansa pagdating sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) at ang paglikha at pagbebenta ng mga Child Sexual Abuse or Exploitation Material (CSAEM). Tulad ng marami sa ating mga kababayan, nababahala akong nagpapatuloy ang mga karumal-dumal na mga krimeng ito, kung saan ginagamit ang internet para mang-abuso ng ating mga kabataan.


Lumalabas sa datos na maraming mga kabataan ang inabuso dahil sa OSAEC. Ayon sa National Study on Online Sexual Abuse and Exploitation of Children in the Philippines noong 2021, umabot sa 80% ng mga kabataan ang nanganib na makaranas ng pang-aabusong sekswal sa internet. Lumabas naman sa pag-aaral na Disrupting Harm noong 2022 na may dalawang milyong mga kabataang may edad na 12 hanggang 17, o katumbas ng isa sa limang batang gumagamit ng internet, ang naging biktima ng OSAEC.


Meron na tayong mga batas na layong sugpuin ang OSAEC at ang patuloy na pagbebenta ng CSAEM. Naging batas noong 2022 ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act (Republic Act No. 11930).


Naging batas din ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, kung saan lalo pa nating hinigpitan ang pagbabawal sa iba’t ibang anyo ng human trafficking. Pinatatatag din ng batas ang kakayahan ng law enforcement agencies na sugpuin ang anumang uri ng trafficking, samantalang nililinaw ang responsibilidad ng pribadong sektor sa pagsugpo ng mga krimeng ito.


Sa pagtaguyod sa kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan, tiniyak din nating suportado ng 2026 national budget ang mga programa upang masugpo ang OSAEC at ang iba’t ibang anyo ng human trafficking. Naglaan tayo ng P111.5 milyon para sa National Coordinating Center Against OSAEC and CSAEM. Ito ang tanggapang may mandatong pangunahan ang pagsugpo sa mga krimeng nabanggit. Naglaan din tayo ng P119.2 milyon para sa Anti-Trafficking in Persons Enforcement.


Hindi na natin maaaring hayaan pang magpatuloy ang ganitong klase ng pang-aabuso at karahasan sa ating mga kabataan. Makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy na susuportahan ng inyong lingkod ang mga programa upang sugpuin ang OSAEC at iba’t ibang anyo ng human trafficking.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page