top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 27, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

 

Nakatakdang magsimula ngayong school year ang mga libreng tutorial sessions para sa mga mag-aaral na hindi pa nakakamit ang functional literacy o ang kakayahang magbasa, sumulat, mag-compute o umunawa. 


Alinsunod ito sa pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act na akda at isinulong ng inyong lingkod.


Layon ng batas na ito na tulungan ang mga mag-aaral ng Kindergarten hanggang Grade 10 mula sa mga pampublikong paaralan na bumalik o babalik sa paaralan matapos mahinto sa pag-aaral; iyong mga hindi umaabot sa minimum proficiency levels na kinakailangan sa reading, mathematics, at science; at mga hindi pumapasa sa mga test sa loob ng school year.


Ayon sa Department of Education, hindi bababa sa tatlong milyong mag-aaral ang inaasahang magiging bahagi ng ARAL Program. Batay ito sa isang rapid assessment na ginawa ng kagawaran. Nakatakda ring magsagawa ang DepEd ng assessment sa mga mag-aaral sa simula ng school year upang matukoy kung sino ang mga nangangailangan ng tulong. Alinsunod sa batas, magiging saklaw ng ARAL Program ang reading at mathematics para sa mga Grade 1 hanggang Grade 10, at science mula Grade 3 hanggang Grade 10.


Tiniyak din ng DepEd na magkakaroon ng mga tutors na magtuturo sa mga mag-aaral. Sa ilalim ng batas, maaaring maging mga tutors ang mga guro, para-teachers, at pre-service teachers. Upang mahikayat silang maging bahagi ng ARAL Program, nagtakda ang batas ng mga insentibo na maaari nilang matanggap kung sila ay maging tutors.


Para sa ating mga guro, makakatanggap sila ng dagdag umento alinsunod sa mga angkop na probisyon ng Magna Carta for Public School Teachers at sa mga pamantayan ng DepEd at Department of Budget and Management (DBM).


Nakasaad sa mga pamantayan ng DBM na ipagkakaloob ang karagdagang bayad sa mga guro kung nakapagturo na sila sa loob ng anim na oras. Ang dagdag na bayad sa mga guro ay hindi naman lalagpas sa halagang katumbas na bayad sa dalawang oras batay sa Prime Hourly Teaching Rate.


Para sa ating mga pre-service teachers, ituturing na relevant teaching experience ang pagiging tutor kapag nag-apply na sila sa mga plantilla positions sa DepEd. Para sa mga para-teachers, matatanggap nila ang kanilang mga sahod mula sa pondo ng DepEd o kaya naman sa Special Education Fund (SEF) ng Local School Board (LSB) ng local government unit (LGU), kung saan matatagpuan ang mga mag-aaral na magiging bahagi ng ARAL Program.

 

Kaya naman hinihikayat ko ang ating mga guro, pre-service teachers, at para-teachers na maging mga tutors sa ilalim ng ARAL Program. Sa kanila nakasalalay ang tagumpay ng programang ito, kabilang ang pakikiisa ng ating mga paaralan, mga magulang, at mga komunidad.


Malaking hamon ang pagsugpo sa learning loss ngunit naniniwala ako na sa ating pagtutulungan, maaabot natin ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong at matitiyak nating hindi sila mapag-iiwanan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 22, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Isa pang oportunidad ang nagbukas para sa ating mga senior high school graduates noong mapirmahan ang Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 1299). Sa ilalim ng naturang batas, maaari silang maging child development worker (CDW) kung maipasa nila ang isang assessment na libreng isasagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).


Maliban sa pagpapatatag ng mga programa at serbisyong may kinalaman sa early childhood care and development (ECCD), isinusulong din ng batas ang professionalization ng ating Child Development Teachers (CDTs) at CDWs. Kung babalikan natin ang Year One Report ng Second Congressional Commission (EDCOM II), lumalabas na 52.2% lamang ng ating mga CDWs ang nakapagtapos ng kolehiyo, samantalang 16.8% ang may high school diploma.


Maaaring kuwalipikasyon din ng pagiging CDW ang pagkakaroon ng associate degree in early childhood education, at ang pagtatapos ng dalawang taon sa kolehiyo. Mandato rin ng batas sa mga kasalukuyang CDWs na sumailalim sa mandatory upskilling at reskilling sa ECCD o early childhood education.


Sa Early Childhood Care and Development (ECCD) Council manggagaling ang mga programang ito, samantalang ang TESDA naman ang magsasagawa ng libreng assessment upang makatanggap sila ng certification. Imamandato rin sa ECCD Council na makipagtulungan sa Commission on Higher Education (CHED) at TESDA upang tiyaking may ECCD training programs sa bansa, may mga degree at associate programs para sa early childhood education, at may pagkilala sa dating pag-aaral ng ating mga CDWs at CDTs.


Sa ilalim ng batas, mag-uugnayan ang ECCD Council at CHED upang magkaroon ng scholarship program para sa pagpapatuloy ng edukasyon ng ating mga CDWs. Kukumpletuhin ng ating mga CDWs ang kanilang mga bachelor’s degree at kakailanganing kumuha ng Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT). Kakailanganin namang magbigay ng return service ang mga scholars at itatakda ng ECCD Council kung gaano katagal ito.


Imamandato rin sa Department of Budget and Management (DBM) at Civil Service Commission (CSC) na repasuhin ang mga kuwalipikasyon para sa mga Day Care Worker I (DCW I) at DCW II. Magkakaroon ng rebisyon sa kanilang mga plantilla position titles at qualification standards batay sa mga probisyon ng bagong batas kabilang ang edukasyon, certification, karanasan, pagsasanay o training, at iba pa.


Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, matitiyak nating may sapat na kakayahan at kuwalipikasyon ang ating mga CDTs at CDWs na silang nagpapatatag sa pundasyon ng ating mga kabataan.

Tagumpay ding maituturing para sa ating mga CDTs at CDWs ang bagong batas na ito, kaya naman umaasa ang inyong lingkod na maipapatupad ito nang epektibo at ganap.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 20, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Magandang balita para sa ating mga kababayan! Pirmado na ang Early Childhood Care and Development System (ECCD) Act, o Republic Act No.12199, na isinulong ng inyong lingkod. Isang mahalagang reporma ito upang matiyak na bawat batang Pilipino ay magkakaroon ng matatag na pundasyon bilang mga mag-aaral at mamamayan ng ating bansa. 


Maraming hamon ang layong tugunan ng bagong batas na ito. Lumalabas sa mga pag-aaral na isa sa tatlong batang wala pang limang taong gulang ang maituturing na stunted o maliit para sa kanilang edad. Ang stunting ay resulta ng kakulangan sa nutrisyong natatanggap ng isang bata mula sa sinapupunan hanggang sa kanyang ikalawang kaarawan o ang unang 1,000 araw ng buhay. Nakakaapekto ang stunting sa kakayahan ng isang batang matuto sa paaralan at magkaroon ng maayos na hanapbuhay sa kanyang paglaki.


Bagama’t malinaw sa mga pag-aaral ang positibong epekto ng mga programa at serbisyong pang-ECCD sa performance ng isang bata sa paaralan, iniulat ng UNICEF noong 2023 na apat lamang sa 10 mag-aaral ang nagiging bahagi ng mga programang ito.


Ang kakulangan ng child development centers (CDCs) ang isa sa mga dahilan kung bakit mababa ang bilang ng mga batang lumalahok sa mga programa at serbisyong ito. Ayon sa Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), 5,800 na mga barangay sa bansa ang walang CDCs. Ito ay sa kabila ng mandato ng Barangay-Level Total Development and Protection of Children Act (Republic Act No. 6272) na pagtatatag ng day care center sa bawat barangay. 


Nais din nating tugunan ang hamon ng professionalization sa ating mga Child Development Workers CDWs. Matatandaang ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), 52.2% lamang sa mga CDWs ang nakatapos ng kolehiyo samantalang, 16.8% naman ang nakatapos ng high school.


Matutugunan natin ang mga hamong ito sa ilalim ng bagong batas, kung saan magiging saklaw ng lahat ng probinsya, lungsod, munisipalidad, at mga barangay ang Early Childhood Care and Development (ECCD) System. Bahagi ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa kalusugan, nutrition, early childhood education, at social services development programs. Layon nating makamit ang universal ECCD access sa lahat ng mga batang wala pang limang taong gulang.


Ang mga local government units (LGUs) ang magiging responsable para sa pagpapatupad ng ECCD System. Magiging tungkulin nila ang probisyon ng mga pasilidad at mga resources para sa epektibong paghahatid ng mga programa at serbisyong may kinalaman sa ECCD. Imamandato rin ang mga LGU na lumikha ng mga plantilla positions para sa mga Child Development Workers (CDWs) at Child Development Teachers (CDTs), pati na rin ang pagsulong sa professional development ng ating mga CDT at CDWs. Dapat rin nilang tiyakin na may isang Child Development Center (CDC) sa bawat barangay.


Tagumpay na maituturing ang bagong batas na ito ngunit hindi dito natatapos ang ating tungkulin. Titiyakin ng inyong lingkod na epektibong maipapatupad ang batas na ito upang maabot natin ang bawat bata at matulungan silang magkaroon ng magandang kinabukasan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page