top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 5, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang ating panukalang Expanded Philippine Science High School (PSHS) Act o Senate Bill No. 2974, kung saan isinusulong natin ang pagpapalawak sa PSHS System.


Kung tuluyang maisabatas ang panukalang ito, hindi lalagpas sa dalawang PSHS campus ang itatayo sa bawat rehiyon ng bansa, maliban na lamang sa National Capital Region, kung saan matatagpuan ang main campus ng PSHS.


Mahalaga ang panukalang batas na ito upang mabigyan ang mas maraming mag-aaral ng pagkakataong makapasok sa PSHS. Ayon sa Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM), 5,807 na mga kuwalipikadong mag-aaral ang hindi nakapag-aral sa ilalim ng PSHS System dahil sa kakulangan ng mga slot.


Sa madaling salita, libu-libo sa ating mga kuwalipikadong kabataan ang napagkakaitan ng pagkakataong makapag-aral sa mga PSHS campus dahil walang kakayahan ang kasalukuyang sistema na tanggapin silang lahat.


Kaya naman napapanahon ang pagpapalawak natin sa PSHS, lalo na’t gusto nating mabigyan ang mas maraming kabataan ng pagkakataong makatanggap ng dekalidad na edukasyon sa science, technology, engineering, and math (STEM). Kung maaabot natin ang mas maraming mag-aaral, mas marami tayong mahihikayat na pumasok sa mga larangang ito na nagsisilbing pundasyon sa inobasyon at modernisasyon sa ating bansa.


Ayon sa UNESCO, kinakailangan ng 380 research and development (R&D) personnel kada isang milyong katao upang isulong ang industriyalisasyon sa isang bansa. Ngunit ayon sa DOST, meron lamang 356 na mananaliksik ang Pilipinas kada isang milyong katao.


Sa kasalukuyan, merong 16 campus sa ilalim ng PSHS System. Mapaparami pa natin ito kung tuluyang maisabatas ang ating panukala. Labinlimang taon matapos maisabatas ang panukalang ito, maaaring magdagdag ang PSHS Board of Trustees ng mga campus, batay sa komprehensibong pag-aaral ng pangangailangan o demand at ayon sa pamantayan na itatalaga ng Board.


Ang PSHS System ay sasailalim sa administrative supervision ng DOST. Ang kalihim ng DOST ang magsisilbing Chairperson ng Board, samantalang ang kalihim ng Department of Education (DepEd) ang magsisilbing Vice-Chairperson.


Patuloy nating isusulong ang bill na ito hanggang sa tuluyan itong maisabatas. Dito magsisimula ang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon ng mga scientists, mathematicians, engineers, mga mananaliksik, at ibang mga eksperto sa buong bansa.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 3, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Magandang balita para sa ating mga child development workers dahil inilunsad kamakailan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang National Certificate (NC) III para sa Early Childhood Care and Development (ECCD) Services. Para sa ating mga CDWs, oportunidad ito para isulong ang kanilang professionalization at iangat ang kanilang kakayahan.


Kasunod ng paglikha sa programang ito ang pagkakalagda sa Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199) na isinulong ng inyong lingkod. Sa ilalim ng naturang batas, mandato sa mga kasalukuyang CDWs ang sumailalim sa reskilling, upskilling, at makapasa ng certification mula sa TESDA. 


Libreng isasagawa ng TESDA ang naturang assessment at certification. Nakasaad din sa batas na maaaring maging CDWs ang mga senior high school graduates, pati na rin ang mga high school graduates na nakatapos ng dalawang taon sa kolehiyo makaraan nilang kumuha ng assessment at makapasa sa certification.


Nilikha ang programa gamit ang P80 milyong pondo na isinulong nating mapabilang sa 2025 national budget. Kaya naman nagpapasalamat tayo sa TESDA sa paglikha ng programang ito upang masimulan na ang upskilling at reskilling ng ating mga CDWs. Bibigyang prayoridad sa programang ito ang mga kasalukuyang CDWs.


Bakit nga ba mahalagang isulong natin ang upskilling, reskilling, at professionalization ng mga CDWs? Kung babalikan natin ang Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na high school lamang ang tinapos ng 16.8% o 11,414 na mga CDWs sa bansa. 


Ayon pa sa EDCOM, 89% o halos 9 sa 10 CDW ang mga nasa non-permanent positions at kumikita lamang ng humigit-kumulang P5,000 kada buwan. Ibig sabihin, hindi sapat ang kanilang sahod upang maitawid ang kanilang mga pangangailangan sa pang-araw-araw.


Sa ilalim ng bagong batas, nakasaad na hindi bababa sa Salary Grade (SG) 8 ang sahod ng mga CDWs na nakatapos ng high school o senior high school at nakapasa ng assessment mula sa TESDA. Hindi naman bababa sa SG 10 ang magiging sahod ng mga CDW na may associate degree.


Tiniyak din nating rerepasuhin ng Department of Budget and Management at Civil Service Commission ang plantilla position titles at qualification requirements ng mga Day Care Worker I at Day Care Worker II upang maging akma sa bagong batas. Sa ganitong paraan, matitiyak din natin ang kanilang kapakanan.


Sa pag-angat natin ng kalidad ng mga programa at serbisyong pang-ECCD, mahalagang tiyakin din nating may dekalidad na training ang ating mga CDWs. Sa ganitong paraan, masisiguro nating may sapat na kakayahan ang mga manggagawang may mahalagang papel sa pagpapatatag ng pundasyon ng ating mga kabataan. Kaya naman sa ating mga kasulukuyang CDWs, huwag sana nating palagpasin ang pagkakataong ito.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 29, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Ipagdiriwang natin sa darating na Sabado, May 31, ang World No Tobacco Day. Sa gitna ng inaasahan nating paggunita sa araw na ito, patuloy na nananawagan ang inyong lingkod para sa mas maigting na pagsugpo ng ilegal na kalakalan ng tobacco products, kabilang ang mga sigarilyo at vape. Mahalagang gawin natin ito upang itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga kabataan.


Noong pinakahuling pagdinig natin sa Senado tungkol sa excise tax sa tobacco products, sinuri natin ang datos sa paggamit ng mga kabataan ng electronic cigarettes. Ayon sa 2021 National Tobacco Control Program, lumalabas na 20% ng mga kabataang 15 hanggang 24 taong gulang ang naiulat na gumagamit ng mga produktong ito.


Ayon naman sa isang pag-aaral na ginawa noong 2020 ng Tobacco Control Research Group, 12.5% ng mga mag-aaral sa high school ang gumagamit ng mga e-cigarettes o vape products. Paliwanag ng Philippine College of Physicians, senyales ito na dumarami ang mga kabataang nahihikayat sumubok ng mga vape products.


Sinuri din natin ang datos mula sa Food and Nutrition Research Institute at nakita nating bumaba ng 20 porsyento ang bilang ng mga kabataang may edad na 10 hanggang 19 na gumagamit ng mga manufactured cigarettes. Bagama’t maituturing itong magandang balita, tumaas naman ng 32.7 porsyento ang bilang ng mga gumagamit ng e-cigarettes.


Ngunit kung pagtutugmain natin ang mga gumagamit ng mga manufactured cigarettes at mga e-cigarettes, lumalabas na may 11 porsyentong katumbas ng halos 120,000 na bagong e-cigarette smokers.


Nakakabahala rin na halos 70 to 80 porsyento ng mga vape products sa bansa ay itinuturing na ilegal. Kung hindi natin susugpuin ang hamong ito, mas marami sa ating mga kabataan ang gagamit ng mga e-cigarettes. Malinaw sa mga pag-aaral na ang paggamit sa mga produktong ito ay nauugnay sa mga respiratory illness o mga sakit sa baga. Iniulat din ng Philippine College of Physicians na bagama’t mas pangkaraniwang makita sa mga pasyenteng 50 taong gulang pataas ang mga sakit na tulad ng chronic obstructive pulmonary disease (COPD), nai-report din ang pagkakaroon ng ganitong sakit sa mga kabataang may edad na 16 hanggang 21.


Kaya naman isinusulong ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng isang interagency task force na susugpo sa ilegal na kalakalan ng mga excisable products, kabilang ang sigarilyo at vape. Maghahain ang inyong lingkod ng resolusyon upang isulong ang paglikha sa panukalang task force na ito.


Kailangan nating protektahan ang ating mga kabataan at hindi na natin maaaring ipagpaliban pa ang agarang aksyon.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page