- BULGAR
- Jul 29, 2025
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 29, 2025

Ipinagdiwang natin nitong nagdaang buwan ang Nutrition Month upang isulong ang sapat at tamang nutrisyon para sa ating mga kababayan. Sa gitna ng ating isinagawang pagdiriwang, hinimok ng inyong lingkod ang mga local government units (LGUs) na aktibong makilahok sa pagsugpo sa malnutrisyon.
Nananatiling malaking hamon sa ating bansa ang laganap na malnutrisyon, lalo na sa ating mga kabataan. Noong sinuri ng Second Congressional Commission on Education ang iba’t ibang datos, lumalabas na isa sa apat na batang Pilipinong wala pang limang taong gulang ang maituturing na stunted. Ibig sabihin maliit sila para sa kanilang edad.
Nagiging stunted ang isang bata kung hindi sapat ang nutrisyon na kanyang natatanggap sa unang 1,000 araw ng kanyang buhay — mula sa sinapupunan ng
kanyang ina hanggang sa kanyang ikalawang kaarawan.
Matindi ang pinsalang maaaring idulot ng stunting sa ating mga kabataan. Napipinsala ang kanilang brain development, bagay na nakakaapekto sa kanilang kakayahang maunawaan ang kanilang mga aralin at maging mahusay na mga mag-aaral. Sa kanilang paglaki, mahihirapan din silang makahanap ng magandang trabaho. Ito ang napatunayan ng iba’t ibang mga pag-aaral na nagiging pinsala ng stunting sa ating mga kabataan. Kung hindi natin matutugunan ang mga hamong ito, magkakaroon tayo ng henerasyon ng mga Pilipinong walang sapat na kakayahan upang matuto at magkaroon ng maayos na pamumuhay.
Bagama’t nananatili ang hamong ito, meron na tayong mga hakbang na nagawa upang matugunan ito. Matatandaang naisabatas ngayong taon ang Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199) na layong makamit ang universal access para sa mga programa at serbisyong may kinalaman sa early childhood care and development (ECCD).
Nakasaad sa batas na saklaw ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa pangkalusugan, nutrisyon, pati na rin ang early childhood education at mga programa para sa social services development para sa mga kabataang wala pang limang taong gulang. Magiging saklaw din ng naturang sistema ang mga probinsya, lungsod, at munisipalidad na pagsisikapang makamit ang universal access sa ECCD para sa mga batang wala pang limang taong gulang.
Kaya naman muli nating hinihimok ang mga LGU na tuparin ang kanilang tungkuling itinakda ng batas: hanapin ang ating mga kabataang wala pang limang taong gulang, bigyan sila ng access sa mga programa at serbisyong may kinalaman sa ECCD, tugunan ang kanilang pangangailangan sa sapat na nutrisyon, at pangalagaan ang kanilang kalusugan. Sa ganitong paraan, mabibigyan natin ang ating mga kabataan ng matatag na pundasyon na kanilang kinakailangan upang
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




